IBA’T IBANG klase ng chika ang natuklasan ng BANDERA ngayong 2022, mula sa mga masasaya at nakakakilig na moments, pati na rin ang mga pinakamalulungkot na balita.
Katulad ngayong taon, maraming celebrities at personalidad sa iba’t ibang industriya ang tuluyan tayong iniwan at sumakabilang-buhay na.
F. SIONIL JOSE
Namayapa ang National Artist for Literature na si F. Sionil Jose noong January 6 sa edad na 97.
Ayon sa ulat ng Philippine Center of International PEN (Poets, Essayists, Novelists), pumanaw ang National Artist habang naka-confine sa Makati Medical Center kung saan naka-schedule na sana siyang magpa-angioplasty.
Idineklarang National Artist for Literature noong April 20, 2001 si Jose sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
DON PEPOT
Pumanaw ang beteranong komedyante na si Don Pepot, o Ernesto Fajardo sa tunay na buhay, noong January 18. Siya ay 88 taong gulang.
Ayon sa kanyang mga anak na sina Michael at Michelle Fajardo, sumakabilang-buhay ang kanilang ama habang naka-confine sa Veteran Memorial Hospital dahil sa severe pneumonia dulot ng COVID-19.
Ang last movie na nagawa niya ay ang “Si Agimat, Si Enteng Kabisote at “Si Ako” na naging official entry sa Metro Manila Film Festival 2012.
Nagsimula ang showbiz career ni Don Pepot noong 1964 at umabot na sa mahigit 100 ang pelikulang nagawa niya.
ROMANO VASQUEZ
Namatay noong January 23 ang singer-actor at kilalang miyembro noon ng programang “That’s Entertainment” na si Romano Vasquez sa edad 51.
Ang malungkot na balitang ay kinumpirma ng misis ni Romano na si Alma Panuelo Dila.
Wala siyang ibinigay na detalye tungkol sa biglaang pagyao ng aktor at negosyante, pero ang aktor ay namatay sa kanilang tahanan sa Cavite City.
Unang nakilala si Romano sa dating youth-oriented program ni yumaong showbiz icon German Moreno na “That’s Entertainment” sa GMA 7.
Ilan lamang sa mga tinampukan niyang pelikula ay ang “Noel Juico, 16: Batang Kriminal” (1991), “First Time… Like A Virgin!” (1992), “Dark Tide” (1994), “Epimaco Velasco: NBI” (1994), “Suicide Rangers” (1996), “Astig” (2009), “Mainit” (2011), “Pikit Mata” (2012), at marami pang iba.
RUSTICA CARPIO
Sumakabilang-buhay ang award-winning veteran actress at direktor na si Rustica Carpio noong February 1. Siya ay 91 years old.
Binawian ng buhay ang beteranang aktres sa kanyang bahay Cavite, ayon sa kanyang mga pamangkin na sina Myrea Baquiran at Nessea Carpio
Bukod sa pagiging aktres at direktor, isa ring author, playwright, scholar, literary critic at book editor si Carpio.
Naging dean din siya ng College of Languages and Mass Communication (College of Communication) sa Polytechnic University of the Philippines.
Ilan sa mga classic film na nagawa niya ay ang “Aliw” (1979), “Bona” (1980), “T-Bird At Ako” (1981), “Moral” (1982), “Rizal In Dapitan” (1997), “Captive” (2012), at “Circa” (2019).
Tumanggap din ng mga Lifetime Achievement Award ang beteranang aktres mula sa iba’t ibang award-giving bodies dahil sa natatanging kontribusyon niya sa Philippine entertainment industry.
DONG PUNO
Tuluyang namahinga ang beteranong broadcaster at dating press secretary na si Ricardo “Dong” Puno Jr. noong February 15 sa edad na 76.
Ayon sa kanyang dalawang anak na sina Ricky at Donnie, pumanaw ang kanilang ama dahil sa iniindang karamdaman.
Kilala si Dong Puno bilang dating public affairs host, media executive, newspaper columnist, at isang abogado.
Ilan sa kanyang nga naging ABS-CBN shows ay ang “Dong Puno Live”, “Viewpoints”, at “Insider”.
Taong 2000 nang i-appoint siya ng dating presidente Joseph “Erap” Estrada bilang press secretary bago ito tumakbo sa pagka senador noong sumunod na taon ngunit sa kasamaang palad ay natalo ito at nagbalik na lamang sa Kapamilya network.
Naging Senior Vice President rin siya ng News and Current Affairs ng ABS-CBN.
Si Dong Puno ay ang anak ng dating Justice Minister and Court of Appeals Associate Justice Ricardo Puno Sr.
LUZ FERNANDEZ
Namayapa ang kilalang radio talent at veteran character actress na si Luz Fernandez noong March 5. Siya ay 86 years old.
Walang binanggit tungkol sa rason ng pagpanaw ni Luz, pero kinumpirma ito ng nakababatang kapatid ni Luz na si Percie Zapata.
Halos pitong dekadang tumagal ang acting career ni Luz Fernandez na mas nakilala sa tawag na “Lola Torya” dahil sa pagiging host ng classic top-rating children’s fantasy television show na “Ora Engkantada” na umere noong 1986.
Huling napanood ang beteranang aktres sa pelikulang “And I Thank You” noong 2019 na pinagbibidahan ng Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas.
Naging bahagi rin siya ng mga drama sa DZRH noong dekada 50, kung saan una niyang ginampanan ang papel ni Lola Basyang.
KEITH MARTIN
Pumanaw ang American singer at songwriter na si Keith Martin na nakilala sa kanyang hit single na “Because Of You”.
Ayon sa singer-actress na si Sheree, isa sa mga malalapit na kaibigan ng pumanaw na singer ay natagpuan na lang daw si Keith na walang buhay sa tinitirhan nitong condo unit sa Libis, Quezon City.
Mag-isa at wala raw kasama sa unit ang kaibigan dahil hiwalay na ito sa kanyang Filipina girlfriend noon pang last part ng 2021.
Bago pa man ang nakalulungkot na balita ay namataan itong present sa kasal ng singer na si Daryl Ong at ni Dea Formilleza sa Antipolo.
GLORIA SEVILLA
Namatay ang veteran actress at tinaguriang Queen of Visayan Movies na si Gloria Sevilla noong April 16 sa edad na 90.
Sumakabilang-buhay ang award-winning actress habang natutulog sa kanilang bahay sa Oakland, California.
Unang nakilala si Gloria Sevilla bilang magaling na aktres sa mga Visayan films, kabilang na riyan ang “Badlis sa Kinabuhi” kung saan nanalo siyang best actress sa FAMAS (Filipino Academy of Movie Arts and Sciences) noong 1969.
Pansamantalang tumigil sa pag-aartista ang veteran actress ngunit pagsapit ng taong 2019, bumalik sa showbiz si Gloria sa pamamagitan ng pelikulang “Ang Pagbabalik” na isa sa naging official entry sa “Pista Ng Pelikulang Pilipino.”
Taong 2019 din nang bigyan siya ng Lifetime Achievement Award sa Gawad Urian.
BOYET SISON
Pumanaw ang batikang sports broadcaster na si Boyet Sison sa edad na 58 noong April 16 matapos ang kanyang surgery.
Paulit-ulit na kasi siyang nakakaramdam ng sakit sa tiyan kaya nagpa-admit na ito sa Delos Santos Medical Center sa Quezon City.
Ilan lang sa kanyang mga programa ay ang “Hardball” na ipinalabas sa ANC mula 2006 hanggang 2020 at “Fastbreak” sa DZMM mula 2007 hanggang 2020.
Naging bahagi rin si Boyet ng “TV Patrol” noong November 2021 kung saan pinalitan niya si Kim Atienza sa segment na “Alam N’yo Ba?”
FANNY SERRANO
Namayapa ang celebrity makeup artist and stylist na si Fanny Serrano noong May 11 sa edad na 72.
Matatandaang noong 2016 ay isinugod na siya sa ospital matapos atakihin sa puso na nakaapekto sa kanyang “senses and motor skills.”
SUSAN ROCES
Tuluyang namahinga ang award-winning veteran actress at isa sa mga itinuturing na movie queen na si Susan Roces noong May 20. Siya ay 80 years old.
Nagsimula ang acting career ni Susan Roces bilang child actress noong 1952 sa pelikulang “Mga Bituin ng Kinabukasan.”
Ilan pa sa mga blockbuster films ng aktres ay ang “Gumising Ka Maruja”, “Patayin sa Sindak si Barbara” at “Mahal, Ginagabi Ka Na Naman”.
Ang huling proyekto ni Susan sa telebisyon ay ang “FPJ’s Ang probinsyano” kung saan gumaganap siya bilang Lola Flora, ang lola ni Cardo Dalisya na ginagampanan ni Coco Martin.
CALOY ‘OGAG’ ALDE
Namayapa ang veteran comedian at tinaguriang “Mr. Bean” ng Pilipinas na si Carlos “Caloy” Alde sa edad 60 noong July 25.
Kinumpirma ng ilang celebrities na malapit sa beteranong komedyante ang malungkot na balita sa pamamagitan ng mga mensahe ng pakikiramay sa social media.
Kung matatandaan, dalawang taon na ang nakararaan ay isinugod si Caloy sa isang ospital sa Fairview, Quezon City dahil sa kanyang heart condition.
FIDEL V. RAMOS
Pumanaw ang dating Pangulo ng Pilipinas na si Fidel V. Ramos noong July 31. Siya ay 94 years old.
Base sa ulat, sumakabilang-buhay si Ramos habang naka-confine sa Makati Medical Center dahil umano sa komplikasyon dulot ng COVID-19.
Nagsilbing Pangulo ng bansa si FVR mula 1992 hanggang 1998.
Pero bago naging politiko at public servant nagsilbi muna siya bilang sundalo hanggang sa hiranging deputy chief staff ng Armed Forces noong 1981.
Bago siya hirangin bilang pangulo ng Pilipinas, nagsilbi muna siya bilang miyembro ng gabinete ng dating Pangulong Cory Aquino.
LYDIA DE VEGA
Namatay ang Filipino sports legend na si Lydia de Vega-Mercado matapos ang pakikipaglaban nito sa Stage 4 breast cancer.
Sumailalim si De Vega sa iba’t-ibang procedures, kabilang na ang brain surgery, sa loob ng ilang taon simula nang ma-diagnose ang kanyang sakit noong 2018.
Huling public appearance ni De Vega ay noong 2019 bilang isa sa mga flag bearers sa pagbubukas ng Southeast Asian Games noong taong iyon.
Si De Vega ay dating itinuturing na pinakamabilis na tumakbong atletang babae sa Asya na nagwagi ng 100-meter gold medal noong 1982 at 1986 Asian Games.
Siyam na beses niyang nasungkit ang gold sa Southeast Asian Games at siya’y nagretiro noong 1994.
CHERIE GIL
Sumakabilang-buhay ang movie icon at award-winning actress na si Cherie Gil noong August 5 dahil sa “rare form of endometrial cancer.”
Matatandaan na noong February 2022 nang iwanan ni Cherie ang Pilipinas at lumipad papuntang Amerika para makasama ang kanyang pamilya at doon na manirahan.
Nakilala ang aktres sa kanyang iconic roles sa “Oro, Plata, Mata” at “Bituing Walang Ningning.”
MON LEGASPI
Namayapa ang OPM Bassist ng legendary rock bands na “The Dawn” at “Wolfgang” na si Mon Legaspi noong October 4 sa edad 54.
Inanunsyo ng bandang “The Dawn” ang pagkawala ni Legaspi sa pamamagitan ng Facebook post.
Sikat ang The Dawn sa mga kantang “Salamat,” “I Stand With You,” at “Iisang Bangka.”
Habang ang Wolfgang naman ang nasa likod ng mga hit song na “Halik ni Hudas,” “Lion in Cages,” at “Vendetta Del Disco.”
DANNY JAVIER
Tuluyang namahinga ang OPM legend at miyembro ng iconic trio na APO Hiking Society na si Danny Javier noong October 31. Siya ay 75 years old.
Ayon sa kanyang anak na si Justine Javier Long, komplikasyon sa mga iniindang karamdaman ng naging sanhi ng pagkamatay nito.
Sina Danny, Boboy at Jim Paredes ng APO Hiking Society ang nagpasikat ng mga classic hits na “Batang-Bata Ka Pa,” “Panalangin,” at “Bawat Bata.”
Ang ilan naman sa mga ginawa niyang kanta ay ang “Pumapatak ang Ulan (1978), “Kaibigan” (1978), “Doo bidoo” (1978), “Kabilugan ng Buwan” (1980), “Blue Jeans” (1981), “Di Na Natuto” (1985), “Kumot At Unan” (1991), A”wit ng Barkada” (1991), “Just A Smile Away” (1992),”Lumang Tugtugin” (1992) at “Isang Dangkal” (1999).
FLORA GASSER
Namayapa ang veteran character actress na si Flora Gasser noong November 21.
Si Flora ay asawa ng yumao na ring broadcaster at news anchor na si Harry Gasser na pumanaw noong April 2014.
Ilan sa mga pelikulang nagawa ni Flora Gasser ang “Annie Batungbakal,” “Batang Z” at “Kumander Bawang.”
Huling napanood ang yumaong aktres sa short film na “Nene” noong 2020.
SYLVIA LA TORRE
Pumanaw ang aktres at tinaguriang “The Queen of Kundiman” na si Sylvia la Torre nitong December 1 sa edad na 89.
Ito ay mismong kinumpirma ng kanyang apo na si Anna Maria Perez de Tagle sa kanyang social media post.
Nakilala si Sylvia noong 1960s dahil sa kanyang radio programa na “Tuloy ang Ligaya” at naging parte rin siya ng hit noontime program noon na “Oras Ng Ligaya”.
Lumabas rin siya sa maraming pelikula gaya ng “Ulila ng Bataan”, “Ang Asawa Kong Americana”, “Buhay Pilipino”, “Nukso Nang Nukso,” at “Tang-Tarang-Tang.”
Siya rin ang boses sa mga sikat na classic Filipino songs gaya ng “Maalaala Mo Kaya”, “Paskong Anong Saya”, “Waray Waray”, “Sa Kabukiran”, at marami pang iba.
JOVIT BALDIVINO
Namatay ang “Pilipinas Got Talent” grand winner at OPM singer na si Jovit Baldivino sa edad 29 nitong December 9.
Sa inilabas na official statement ng pamilya ni Jovit, ikinuwento nila na nagpapagaling mula sa hypertension ang OPM icon at payo pa ng doktor ay huwag na munang kumanta.
Pero nag-perform pa rin daw ito habang nagpapagaling matapos maimbitahan ng isang family friend sa Batangas City.
Tatlong kanta ang inawit ni Jovit at sa huling awitin daw ay nahihirapan na itong huminga kaya sinugod na siya sa ospital.
Huling napanood ang mang-aawit noong Nobyembre sa isang episode ng “Family Feud.”
Si Jovit ang kauna-unahang nagwagi sa first season ng talent competition na “Pilipinas Got Talent” noong 2010.
Sinalihan niya ang kompetisyon dahil naniniwala siya na ito raw ang mag-aangat sa kanyang pamilya mula sa kahirapan.
Related chika:
Mom ni Jean Garcia, pumanaw na sa Covid-19
Susan Roces pumanaw na sa edad 80, buong showbiz industry nagluluksa