Mrs. Tourism Ambassador International Japan pageant bukas sa transgender candidates

Mrs. Tourism Ambassador International Myla Villagonzalo-Tsutaichi/ARMIN P. ADINA

Mrs. Tourism Ambassador International Myla Villagonzalo-Tsutaichi/ARMIN P. ADINA

PARA sa isang Filipino pageant organizer sa Japan, may karapatan ang transgender women na lumahok sa isang beauty contest tulad ng sinumang babae. At binuksan na niya ang pintuan ng unang pagtatanghal ng national competition niya para sa sinumang nagnanais sumali.

Binuo ni Myla Villagonzalo-Tsutaichi, na kinoronahan bilang 2020 Mrs. Tourism Ambassador International sa Malaysia, ang isang patimpalak na pipili sa mga magiging kinatawan ng Japan at ng pamayanang Pilipino doon para sa iba’t ibang international pageant para sa mga ginang, maybahay, at single mothers.

Kinausap niya ang Inquirer sa Tokyo Dome Hotel kamakailan upang talakayin ang kaniyang Mrs. Tourism Ambassador International Japan pageant, at ang pasya niyang tanggapin ang transgender women sa patimpalak niya.

“Unang una sa lahat, in-open ito ng Miss Universe (pagtanggap sa transgender contestants). So sa akin, inisip ko, gusto kong i-open din sa mga misis na transgender,” ipinaliwanag niya. Inilahad din ni

Tsutaichi na natuklasan niya sa pag-oorganisa ng pageant niya na marami nang transgender women na nagsisilbing asawa at ina sa Japan nang ilang dekada na, at sumasali rin sila sa Japanese-organized pageants kasama ang mga kalahok na assigned female at birth.

“Gusto ko silang bigyan ng pagkakataon na ma-uplift sila, na hindi naibigay ng iba. Naisip ko na panahon na para bigyan sila ng pagpupugay, parangal, bigyan sila ng pagpapahalaga ng ating lipunan,” pagpapatuloy niya.

Sinabi ni Tsutaichi na magsisilbing plataporma ang Mrs. Tourism Ambassador International Japan pageant upang maipakita ng mga ina “how they give hope, love, and light to the world,” at makamit ang kanilang mga pangarap “through action and determination.”

Sinabi niyang mahalaga ang asal ng kalahok sa pagpili sa magwawagi. “Unang unang tinitignan ko ang good moral and right conduct, walang attitude. Unang una, may pusong mapagmahal, mapagbigay, sumusuporta sa fellow candidates. Hindi kailangang maghilahan. Magsuportahan sa narating ng iba. Magtutulungan para maaabot ang pangarap nila,” ani Tsutaichi.

Maliban sa pangunahing titulo, may mga karagdagang korona ring igagawad sa mga mangunguna sa patimpalak.

“The top crown will be the Mrs. Tourism Ambassador International Japan,” ani Tsutaichi. Sasali siya sa patimpalak sa Malaysia kung saan niya nasungkit ang international crown niya, ang Mrs. Tourism Ambassador Universe pageant.

Tatanggap din ng kani-kanilang titulo ang mga runner-up, na magtatalaga sa kanila sa iba’t ibang international pageants. Hihirangin bilang Mrs. Universe (Official) Japan ang first runner-up, habang Mrs. Tourism Ambassador International Philippines-Japan ang second runner-up.

Mrs. Universe (Official) Philippines-Japan naman ang third runner-up, habang Mrs. Model Mom Japan ang fourth runner-up.

Para lamang sa mga Pilipinang naninirahan sa Japan ang mga titulong kaakibat ng puwestong second at third runner-up. Maaari namang mapanalunan ng iba pang mga kalahok ang tatlong iba pang titulo, kabilang ang pangunahing korona. Ngunit maaari pa ring mapanalunan ng mga kandidatang Filipino-Japanese ang alinman sa mga titulong paglalabanan.

Lalaban sa 2023 Mrs. Tourism Ambassador Universe pageant na itatanghal sa Kota Kinabalu, sa Sabah, Malaysia, sa Hunyo ng susunod na taon ang pangunahing winner at second runner-up.

Sasali naman ang first at third runner-up sa 2023 Mrs. Universe (Official) contest na inoorganisa ng isang Pilipinang nakatira sa Australia. Iba pa ito sa patimpalak na may katulad na pangalan na itinatag sa Bulgaria noong 2007.

Sasabak naman ang fourth runner-up sa Mrs. Model Mom na inoorganisa ng isang Pilipino.

Itatanghal ang coronation program ng 2023 Mrs. Tourism Ambassador International Japan pageant sa 4 Chome 12-20 Minami Azabu sa Minato City sa Tokyo, Japan, sa Peb. 19 ng susunod na taon.

Bukas ito para sa mga babaeng 24 hanggang 64 taong gulang, may asawa, hiwalay, biyuda, o single mother man, at dapat may good moral character. Ipadala ang pangalan, address, contact numbers, advocacy statement, at half body picture sa pamamagitan ng e-mail sa happylife1221@gmail.com.

Sa Dis. 21 na ang deadline para sa application.

Read more...