Bagong Miss International Jasmin Selberg ‘happy to write history’
NANG masungkit ni Jasmin Selberg ang korona bilang Miss International sa ika-60 edisyon ng patimpalak, pinutol din niya ang 33-taong tagtuyot sa titulo ng bansa niyang Germany sa pandaigdigang paligsahan.
“This is a great honor to me. I’m a history student, so I’m happy if I can write history myself,” sinabi niya sa mga kawani ng midya mula Japan at ibayong-dagat makaraan siyang makoronahan sa Tokyo Dome City Hall sa Tokyo, Japan, noong Dis. 13.
“I still cannot believe it, to be honest. I feel really shy. Germany hasn’t won in thousands of years, basically, or ever placed,” pagpapatuloy ni Selberg, na nasungkit para sa bansa niya ang ikatlo nitong panalo sa Miss International pageant 33 taon makaraang itala ni Iris Klein ang pangalawang panalo ng Germany noong 1989.
Nagwagi si Klein 24 taon mula nang hirangin si Ingrid Finger bilang unang Miss International winner mula Germany noong 1965.
Dinaig ni Selberg, mag-aaral ng history at ng philosophy, ang 65 iba pang kandidata, kabilang si Binibining Pilipinas Hannah Arnold na nagtapos sa Top 15.
Inamin ng German beauty na ilang buwan lang siyang nakapaghanda para sa ikatlo niyang international competition. “I was actually crowned just in September, unlike other queens. So I had a lot to prepare by myself, and I’m actually proud that I made it,” ibinahagi ni Selberg.
Nagtapos siya sa Top 15 ng 2021 Miss Globe contest, at lumahok din sa 2022 Miss Supranational pageant.
“I actually made my national costume myself, I started from scratch. It may not be the most beautiful thing that you have seen, but it is the most beautiful thing that I have created myself,” ani Selberg. Nilikha naman ng Pilipinong designer na si Benj Leguiab ang evening gown niya.
Bilang isang beterana sa pageants, sinabi niyang tinutukan niya ang paghahanda sa isipan para sa Miss International pageant, “and started to be more happy than anxious.”
Sa pagwawagi sa ika-60 edisyon ng Miss International pageant, tinanggap ni Selberg ang bagong koronang dinisenyo at nilikha ng Vietnamese jeweler na Long Beach Pearl. Ipinutong ito sa ulo niya ni Sireethorh Leearamwat, ang unang reyna mula Thailand at ang pinakamatagal na nagreyna sa kasaysayan ng pandaigdigang patimpalak.
Nagwagi ang reynang Thai sa ika-59 edisyon ng patimpalak na itinanghal noon pang 2019. Nagpasya ang pageant organizer na International Cultural Association (ICA) na huwag munang magsagawa ng patimpalak noong 2020 at 2022 dahil sa COVID-19 pandemic.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.