Joey sa isyu nina Alex at Dina: Wala yan! Ako, matindi, pag may nale-late nilalayasan ko yung show at pinapasara ko

Joey sa isyu nina Alex at Dina: Wala yan! Ako, matindi, pag may nale-late nilalayasan ko yung show at pinapasara ko

Dina Bonnevie, Joey de Leon at Alex Gonzaga

NAIKUMPARA ng veteran TV host-comedian na si Joey de Leon ang naging karanasan niya bilang artista sa kontrobersyal na isyu sa pagitan nina Alex Gonzaga at Dina Bonnevie.

Sa naganap na grand mediacon para sa Metro Manila Film Festival 2022 entry nina Joey at Toni Gonzaga na “My Teacher”, naibahagi ng “Eat Bulaga” host ang kanyang mga pinagdaanan sa showbiz.

Sabi ng tinaguriang Henyo Master,  pinakamasarap daw talagang  trabaho ang pag-aartista, “Kasi, ano ka, huwag na yung sikat ka.

“Huwag na yung malaki ang kita mo. Marami kang nami-meet na mga idols mo at mga hinahangaan mong tao,” ani Joey sa nasabing presscon na ginanap last December 12, sa Winford Hotel Manila.

At ang worst thing naman daw sa pagiging artista, “Sa akin, yung sa time, e. Sabi nga ng iba, e, nang-aaway sila pag may nale-late. Yung kapatid mo, nabasa ko na naman.” Na ang tinutukoy nga ay ang kapatid ni Toni na si Alex. “Luma na nga, e, si Mareng Dina (Bonnevie).”

Nagkasama sina Dina at Alex sa teleserye ng TV5 na “P.S. I Love You” na umere noong November, 2011. Sa isang interview noong 2018, nabanggit ni Dina na tinalakan daw niya ang isang baguhang aktres dahil na-late ng tatlong oras sa taping.

At kamakailan nga lamang ay ibinandera naman ni Alex na na-trauma siya nang sigaw-sigawan siya ng isang “artistang matanda” noong bago-bago pa lang siya sa showbiz.


Sabi ni Joey, “Iyon, ang pinag-umpisahan nu’n, sa time, di ba? Sabi ko, ‘Wala yan! Walang kuwenta yan!’ Sa bahay, ‘Ano ito?! Paano iyan?’ sabi ng anak ko. ‘2018 pa iyan.’ Ganu’n katagal, bago pang artista yung utol nito (sabay baling kau Toni), kontrobersiyal sa YouTube ito.

“So, sabi ko, ‘Wala yan! Ako, matindi ako. Pag may nale-late, nilalayasan ko yung show. Pinapasara ko.’ Noong araw, may show kami, T.O.D.A.S. Sa Channel 13. Ba’t natigil yun? Dahil sa akin.

“Nagalit ako dahil na-late yung ibang cast. Sabi ko, ‘Tigilan na natin ito!’ Pinatigil ko yung show. E, hindi naman nila magawa, wala ako.

“Kaya wala yan, yang mga away-away na yan. Nangyayari talaga yun. Ang importante kasi, pag na-late ka, lalo ngayon may cellphone, tatawag ka lang, ‘Male-late ako.’

“Kasi, yung ibang artista, sinungaling, di ba? ‘Nasaan ka na?’ pag tinanong mo. ‘Nandito na ako sa EDSA.’ Actually, nasa Bulacan pa yun.

“May mga ganu’n e, pangyayari. Totoo ito, seryoso. So, tatawag ka lang, sabihin mo.

“E, ang nangyari sa akin nun, ahhh… alam ko, nabalitaan ko, nag-date lang, may ginawa yung iba, e. So, hindi tumawag. Wala pang cellphone nu’n e.

“Puwede naman sa telepono, sa opisina. E, ako, ang aga-aga ko lagi sa set. Kami nu’n sa Iskul Bukol, walang problema. Kasi after Bulaga, taping ng Iskul Bukol. So, magkakasama na kaming tatlo (Tito, Vic & Joey). Walang lumalayas.

“Ipinasara ko talaga, ‘Tama na! Tigilan na natin! Wala nang taping next week. Ayoko na!’ Ganu’n,” mahabang pa-throwback ni Joey na ang tinutukoy na “T.O.D.A.S. (Television’s Outrageously Delightful All-Star Show) ay ang comedy show noon sa IBC 13 na umere noong 1980 hanggang 1989.

Nakasama ni Joey sa nasabing show sina Frieda Fonda, Redford White, Jimmy Santos, Val Sotto, Richie D’ Horsie, Spanky Rigor at  Maribeth Bichara.

Natanong din si Joey kung may na-encounter na ba siyang artista na nag-attitude o nag-primadonna? “Si Alex. Alex Gonzaga. Ha-hahaha! Hindi, hindi! Hindi ko pa nakatrabaho yun. Joke yun. Hindi, hindi, hindi, mabait yun.

“Marami na. Kasi yung word na ‘attitude,’ hindi namin pinapansin yun, e. Maraming kuwento, e, mga nakaaway. Hindi namin pinapansin, e, pag may ano. Kasi pagtsitsismisan namin agad siya, e, kawawa yun.”

“Pero yun nga, nagsasara ako ng show, di ba? Ahhh wala, wala yung ganun. Hindi namin pinapansin, sayang ang oras, e,” ani Joey.

“Pinapaano mo, pinapasabi namin sa mga opisyal, ‘Uy, pagsabihan mo yung si ano.’ Walang kuwenta ang mga away, e,” sabi ni Joey.

Payo naman ni Joey sa mga baguhan para tumagal din sa showbiz, “Importante yung time. On time ka dapat. Huwag mong sayangin ang oras mo at ng iba.”

Samantala, sey naman ng mag-asawang Toni at Paul Soriano na siyang producer ng “My Teacher”, wala silang naging problema sa cast na kinabibilangan nina Ronnie Alonte, Loisa Andalio, Pauline Mendoza, Kych Minemoto at Isaiah de la Cruz.

Sey ni Toni, “Sa set namin, wala. Wala, wala, wala naman. Sa Ten17 at TinCan, so far wala naman. Very professional lahat ng nakatrabaho namin.”

Tungkol naman sa kontrobersyang kinasangkutan ni Alex at ng sinasabi nitong “matandang artista”, “Kilala ko naman si Alex, so alam ko yung totoong istorya. Alam ko yung totoong nangyari.

“So, bago pa minsan lumabas, sasabihin na niya, ‘Ito, iaano ito, palalakihin. Pero ganito talaga yung nangyari, ha?’

“O, ‘Ito, uungkatin pa pero 2008 pa iyan, ha? Pero kaya ganito yan kasi galing ako sa ganito, tapos pumunta ako du’n,’” katwiran ni Toni.

Dina Bonnevie dinipensahan ng netizens laban kay Alex Gonzaga: ‘Own up to your mistake’

Sino ang babaeng may koneksyon sa nakaraan nina Dina Bonnevie at Alma Moreno?

Dina nakita na ang bagong apo; Pauleen ‘di mapigil ang gigil kay baby Isaac

Read more...