Pambato ng Batangas sa national pageants kinoronahan na
HINIRANG na ng Batangas ang mga pambato ng lalawigan sa iba’t ibang national pageants para sa lalaki at babae. Limang reyna at isang hari ang kinoronahan sa unang pagtatanghal ng Mister and Miss Batangas sa Claro M. Recto Event Center sa Lipa City sa Batangas nitong Dis. 10.
Hinirang na Miss Batangas Universe si Karen Joyce Olfano at lalahok sa Miss Universe Philippines pageant sa isang taon, habang Miss Batangas World si Liana Rose Barrido na sasali sa Miss World Philippines pageant. Miss Batangas International si Paola Allison Araño at lalaban sa Binibining Pilipinas pageant.
Ginawaran din ng mga titulo ang mga runner-up sa female division. Miss Batangas Earth si Jeica Dimatatac at inaasahang sasali sa Miss Philippines Earth pageant. Hinirang namang Miss Batangas Tourism si Samantha Feranil.
Nanguna naman si Jaylom Bughao sa male category at nasungkit ang titulong Mister Batangas. Runners-up naman sina Jobert Macayanan at Mark Limuel Melo.
Sinabi sa Inquirer ni pageant head Arnold Mercado na lalahok sa Misters of Filipinas at Mister International Philippines and mga nagwaging lalaki.
Nauna na niyang sinabing pangarap niyang makakita ng isang Batangueñang may international title, kaya naisipan niyang magtatag ng patimpalak na titipon sa mga palabang dilag ng lalawigan.
Isa si Mercado sa mga dating haligi ng Aces and Queens pageant camp na humubog kay Megan Young, ang unang Pilipinang nagwagi sa Miss World, 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach, at 2016 Miss International Kylie Verzosa.
Ilan sa mga inampalan ng 2022 Mister and Miss Batangas pageant ay mga dating alaga ni Mercado—sina 2011 Miss Universe third runner-up at ngayon ay Miss Universe Philippines National Director Shamcey Supsup-Lee, 2018 Miss International First Runner-up Ahtisa Manalo, at 2021 Miss World Top 12 finalist Tracy Maureen Perez.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.