Joshua Garcia biglang tumigil sa pagba-vlog: ‘Ang baduy ko naman dito, bakit ko ba ginawa ‘to?’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Joshua Garcia
TUMIGIL na ang Kapamilya actor at “Darna” leading man na si Joshua Garcia sa paggawa ng mga vlog sa kanyang YouTube channel.
Feeling kasi ng binata, parang hindi raw talaga para sa kanya ang pagba-vlog kaya naman nagdedisyon siyang huminto na at mag-concentrate na lang muna sa pag-arte.
“Ako, ang tagal kong tinigilan ang vlog. Nag-vlog lang ako nu’ng nag-pandemic kasi nga wala akong magawa, nasa bahay ka lang. ‘Yung time na ‘yon ‘yun ang trend.
“Halos lahat ng artista nagba-vlog noon. So sabi ko, ‘why not? Bakit di ko subukan?’ Pero malalaman mo kasi kapag para sa iyo,” ang pahayag ni Joshua nang mag-guest siya sa vlog ng talent manager na si Ogie Diaz.
Sey pa ng leading man nina Jane de Leon at Janella Salvador sa action-fantasy series ng ABS-CBN na “Darna”, kung itutuloy niya ang vlogging gusto niyang gumawa ng mga bagong content na ikatutuwa at kapupulutan din ng aral ng kanyang mga fans.
“Kung sakaling magbalik man ako gusto ko may content ako na ibibigay na hindi nakikita ng tao talaga. Kasi ngayon parang halos parehas na ang inilalabas,” sey ni Joshua.
Aniya pa, “Ngayon medyo busy pa. Hindi naman sa tinatamad (na mag-vlog). Marami lang ginagawa,” dagdag ng aktor.
“Pinrivate ko nga ang mga videos ko kasi nu’ng pinapanood ko nu’ng tumatagal, ‘ang baduy ko naman dito, bakit ko ba ginawa ito?’
“So private muna. Baka pag-arte lang ang kaya kong gawin sa ngayon,” chika pa ng aktor. Pero iginiit niya na tuluy-tuloy pa rin siya sa paggawa ng TikTok video.
Kung matatandaan, August, 2020 nagsimulang gumawa ng mga vlog si Joshua pero mas nagustuhan ng madlang pipol ang mga nakakakilig at nakaka-good vibes na entry niya sa TikTok.
In fairness, hindi lang ang mga female at gay fans ang naaaliw at nai-in love sa kanya sa mga ipino-post niya sa TikTok kundi pati na rin ang mga kapwa niya celebrities at ang mas bongga, napapansin din siya ng mga sikat na foreign artists at TikTokerist.