Jake Cuenca nasarapan nga ba sa halikan nila ni Sean de Guzman sa MMFF 2022 entry na ‘My Father, Myself’?
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Sean de Guzman at Jake Cuenca
NANINIWALA kami na isa ang pelikulang “My Father, Myself” na hahakot ng award sa gaganaping Metro Manila Film Festival 2022 na magsisimula sa December 25.
Trailer pa lang kasi ng bagong obra ni Direk Joel Lamangan ay pinag-uusapan na ang mga pasabog na eksena ng mga bidang sina Jake Cuenca, Sean de Guzman at Dimples Romana.
Isa na nga riyan ang kontrobersyal na kissing scene nina Jake at Sean na ngayon pa lang ay mainit nang pinag-uusapan ng mga netizens — may mga nagsasabing excited na silang mapanood ito pero may nagkokomento naman na hindi raw ito pang-Pasko.
Ang reaksyon naman nina Jake at Sean, sana raw ay panoorin muna ng mga nangnenega ang kabuuan ng kanilang pelikula bago manghusga dahil hindi lang naman ang halikan nila sa movie ang ibinebenta rito.
Anyway, naitanong naman kay Jake kung masarap bang kahalikan si Sean. Natawa muna ang hunk actor bago sumagot, “Well, basing from the reaction sa set namin at ni Direk Joel, he said it was a very good scene.
“So, I’ll just take that. Nung sinabi ni Direk Joel na very good yung scene, okay, I’ll take that. So, yun po,” sagot ng ex-boyfriend ni Kylie Verzosa.
Actually, hindi naman ito ang unang pagkakataon na nakipaghalikan si Jake sa kapwa lalaki sa isang pelikula. May kissing scene at sex scene rin sila ni Joem Bascon sa 2013 movie na “Lihis” na idinirek din ni Joel Lamangan.
Samantala, puring-puri naman nina Jake at Dimples Romana si Sean nang matapos na nilang gawin ang “My Father, Myself.”
“In my head, my God, if he continues to be just the same, humble, very listening, absorbing actor that he is, he’s going to go a very, very long way dahil nakita ko na iyang ganyang gigil sa ganyang pagkatao.
“Ang gandang panoorin ni Sean. I hope you guys will really appreciate the kind of work he did for this movie,” sey ni Dimples.
“Kasi siya, sa totoo lang, he knows how to be playful, nakikipagbiruan siya, but he also knows when work is work and that I appreciate the most.
“Hindi rin siya easily intimidated kasi kung iisipin mo minsan pag hindi kami nagsasalita ni Jake puwede mong isipin para ma-intimidate ka, pero wala siyang ganoon. Alam mo kung bakit? Trained siya kay Direk Joel.
“Nakikinig siya. Hindi lang siya over aesthetic kasi may eksena kaming dalawa that you have to watch out for. Yung eksena ni Sean, dalawa kami nito pero kanyang-kanya yon,” pahayag pa ng Kapamilya actress.
Sey naman ni Jake patungkol kay Sean, “Hindi mo malalamon si Sean. Kung hindi n’yo nga sinabing one year palang siyang artista, one year palang niyang ginagawa ang ganito, hindi ako maniniwala kasi parang matagal na siyang artista.
“Mahusay siya. Yung mga intimate scenes namin he is very professional at malakas talaga ang loob niya,” dagdag ni Jake.
Iikot ang kuwento ng “My Father, Myself” sa bawal na pag-iibigan ng isang ampon (Sean) na nagkaroon ng relasyon sa kanyang kinikilalang ama o adoptive father (Jake), na dating karelasyon ng kanyang yumaong ama.
Magiging complicated pa ang kuwento nang mabuntis ng karakter Sean ang anak ni Jake (Tiffany Grey).
Ka-join din sa movie sina Allan Paule, Jim Pebanco, AC Carillo, Mon Mendoza, Shawn Nino Gabriel, Erryn Garcia, KC Contreras, Rayah Minioza, at Joseph San Jose, produced by 3:16 Media Network and Mentorque Productions, mula sa panulat Quinn Carrillo.