Erik Santos sa pagpanaw ng ina: Kapag mag-isa na lang ako, nagbe-breakdown ako, hindi ko kaya…
“ATE, hindi ko alam kung paano ako makaka-move on o makaka-move on pa ba ako? Hindi ko kaya.”
Ito ang paulit-ulit na sabi sa amin ng mang-aawit na si Erik Santos nang dumalaw kami sa wake ng pinakamamahal niyang nanay na si Gng. Angelita Ramos-Santos sa Arlington Memorial Chapels and Crematory nitong Linggo ng gabi.
Maraming dumalaw sa una at ikalawang gabi ng burol ni nanay Lits (tawag ng lahat sa pumanaw na ginang) at si Erik kasama ang ilang kaanak ang umiistima sa mga ito kabilang na ang kanyang bestfriend na adoptive daughter na rin ng Santos family na si Cynthia Roque, Cornerstone executive at handler ng singer.
“Ate kapag maraming tao, medyo nalilibang ako, pero kapag mag-isa na ako, nagbe-breakdown ako. Hindi ko kaya, sana kayanin ko,” kuwento ng binata.
Apat na magkakapatid sina Erik at hindi naman siya ang panganay pero masasabing paborito siya ng nanay niya dahil lagi siyang ipinagmamalaki sa lahat ng nakakausap. Ang suwerte-suwerte raw niya na naging anak ang binata.
“Sobra akong overwhelmed ate kasi laging sinasabi sa akin ni nanay na ang suwerte niya kasi ako ang naging anak niya dahil lahat ng ibinibigay ko sa pamilya at sa kanya.
“Wala akong regrets dahil lahat ay nagawa ko kay nanay, lahat ng gusto niya, naibigay ko naman nagbabakasyon kami sa ibang bansa buong pamilya, naisasama ko rin siya kapag may work ako sa ibang bansa, kaya for me nagawa ko naman ‘yung best ko bilang anak,” malungkot na kuwento ni Erik.
Habang naka-confine sa St. Lukes Hospital ang ina at nasa ibang bansa si Erik ay tinatawagan siya ng kapatid o ng nurse dahil ayaw nang magpa-inject si Nanay Angelita.
“Kasi ate in pain na siya, so ayaw na niyang magpa-injection kasi pagod na siya, kaya kinakausap ko sabi ko, ‘nay di ba gusto nating gumaling ka, kaya pumayag ka na, kailangan mong lumakas’ at saka lang siya papayag magpa-injection.
View this post on Instagram
“Basta lagi kaming nagtatawagan lagi kong kinukumusta habang nasa ibang bansa ako, sabi ko hintayin niya ako. Sabi naman niya gusto na niyang umuwi sa bahay at pag-uwi daw niya totally buksan namin ang gate, yung bukas na bukas, so anong ibig sabihin noon?
“Actually, nu’ng nagpa-check up kami at nalaman niyang may sakit siya (lung cancer) hindi siya nalungkot o nag-iiyak, sabi lang niya, magpapagamot naman ako, gagaling ako. Masaya siya ate, normal ang lahat ng kilos, tapos bigla na lang, ang sakit-sakit.
“February (2022) siya una nagpa-check up tapos nalaman na need ng chemo, so labas pasok kasi iki-chemo tapos may kumplikasyon sa baga, ibabalik na naman, ganu’n lagi, ate. Hanggang September 10 (hindi 13 tulad ng nasulat namin dito sa BANDERA) ‘na-confine siya hanggang nu’ng nawala siya (November 25),” kuwento ni Erik.
Dumating si Erik nitong Nobyembre 24 ng gabi at binawian ng buhay ang ina ng 1 a.m. ng Nobyembre 25.
Detalyado ring ikinuwento ng mang-aawit na siya ang personal nurse ng kanyang nanay.
“May kinalaman din naman sa science ang natapos ko ate kaya alam ko ‘yung mga terminology ng duktor, pero hindi ko ini-entertain sa utak ko, inaalis ko kasi I still believe in miracle, pero sigurp hanggang dito na lang talaga, oras na ni nanay.
“Kapag wala akong work, nandoon lang ako sa hospital, ako naghuhugas at nagpapalit ng diaper niya, ayaw na niya gumamit ng nebulizer kasi pagod na raw siya kaya ako ang dumudukot ng phlegm niya para makahinga siya.
“Ganu’n pala ‘yun, ‘yung hindi ko maisip na magagawa ko nagawa ko para sa nanay ko, sobrang mahal na mahal ko siya, ate,” aniya pa.
Hindi rin nahiyang aminin ni Erik na naisip na niyang magbenta ng properties niya dahil simula Pebrero 2022 hanggang Nobyembre 25 ay hindi biro ang gastos niya sa hospital.
“Ate, dumating na ako sa point na nag-check na ako ng balanse ko sa bangko, nag-check na rin ako kung ano ang mga properties ko na puwede kong ibenta, pero awa ng Diyos, hindi naman umabot pa.
“Ang daming gustong tumulong, sabi ko okay pa, kaya pa naman at sobra akong nagpapasalamat sa manager ko ate kay kuya Erickson kasi sinabihan niya ang staff na, ‘Oh, lahat ng bookings ni Erik huwag ninyong tatanggalan ng komisyon.’ Ate, napakalaking tulong ‘yun sa amin, di ba?
“Isipin mo, 24 doctors meron ang nanay ko (ikinagulat namin) at director levels na lahat. Ibinigay ko lahat kay nana yang best doctors para maging maayos siya, pero hindi na talaga kinaya,” naluluha niyang kuwento.
Tinanong namin kung bakit ganu’n karaming doktor na umasikaso sa mama niya at first time naming makarinig at talagang mamumulubi ka talaga sa professional fees palang.
“E, kasi kanya-kanyang espesiyalista, lagi nga silang nagmi-meeting tungkol sa kaso ni nanay kung anong gamot ang ibibigay,” sambit ng binata.
Isip namin na sa rami ng gamot na ipinasok sa katawan ni nanay Lits ay hindi kaya nagkaroon na ng kumplikasyon.
“Hindi naman ate, hindi na namin inisip ‘yun, siguro hanggang doon na lang talaga ang buhay ni nanay.
“Actually, hindi pa kami tapos mag-usap sa hospital, manghhingi talaga ako ng discount. May mga doctor na nag-waive ng fee nila, ‘yung Oncologist ni Nanay, saka…nakalimutan ko, pero tatlo silang nag-waive kaya sobrang nagpapasalamat ako kasi di ba, per day at director level silang lahat,” saad ni Erik.
Sa Nobyembre 30, Miyerkoles ang cremation ng mama ni Erik sakto sa pagdating ng ate Dang Santos niya na manggagaling pa ng London.
Walang binanggit pa kung saan ang ilalagak ang urn, “Hindi pa namin napag-uusapan ate kasi plano namin i-uwi muna, mag-stay muna siya sa bahay, gusto ko munang makasama namin siya sa Pasko at Bagong Taon.
“Ate ang sakit talaga, magpa-pasko at bagong taon wala na si nanay. Magbi-birthday pa naman siya sa January 12, ka-birthday ni Piolo (Pascual),” seryosong sabi sa amin.
Sa ngayon ay hindi pa gaanong nakakapag-isip si Erik pero bilin ng ina ay alagaan ang bunsong kapatid niyang si Hadiya na kakatapos lang ng senior high school.
“Sundo’t hatid siya ate kasi bilin ni nanay huwag pasasakayin ng LRT at MRT. Inaalalayan ko nga rin siya (Hadiya) kasi siya ang nakatutok lagi kay nanay kasi sila lang naiiwan sa bahay at magkakuntsaba sila.
“Pag gustong mag-mall ni nanay, isasama niya kapatid ko at bibilinan na huwag magsusumbong sa akin kasi hindi ko siya pinapayagang umalis ng bahay, parang ako ‘yung tatay nila.
“Ngayong wala na si Nanay, kay tatay ko naman itutuon lahat. Alam naman ni tatay na si nana yang inuuna ko noon, hindi naman siya nagtatampo kaya ngayon, siya naman at kapatid ko,” say ni Erik.
Dalawa na lang kasi sina Erik at Hadiya ang walang pamilya at kasama sa bahay ng magulang kaya mas ramdam nito ang lungkot at mami-miss niya ang luto ng ina na walang nakamana sa kanilang magkakapatid.
Hugot ni Erik Santos: Kung sino pa ang mga icon, sila pa ‘yung sobrang bubuti ng kalooban
Angeline hindi pa ipinakikilala kay Erik ang bagong BF: ‘Di naman kailangan…selos yarnnnnn?
Erik sa paghahanap ng kanyang ‘the one’: Kailangan grabe yung faith niya kay God
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.