2022 matindi ang epekto sa pamilya ni Ka Tunying: ‘Para kaming pinagsakluban ng langit at lupa’
ABOT-LANGIT ang pasasalamat ng veteran broadcast journalist na si Anthony Taberna sa pagiging cancer-free ng panganay niyang si Zoey Taberna.
Inamin ni Ka Tunying sa members ng entertainment press sa mediacon ng bago niyang programa sa ALLTV channel 2 na matinding challenges ang hinarap ng kanilang pamilya sa pagpasok pa lang ng 2022.
“Salamat po sa Panginoong Diyos! Salamat din po sa inyo na kasa-kasama po namin na nagpe-pray para kay Zoey.
“Hindi po madali ang taon na ito para sa aming pamilya dahil ito pong taon na ito ay nag-umpisa sa amin na para kaming pinagsakluban ng langit at lupa, sabi nga,” pag-amin ni Ka Tunying nang kumustahin namin sa kanya ang kundisyon ng anak nila ni Rossel Taberna.
Patuloy pa ng news anchor at TV host, “Nu’ng nagpunta po kami sa Singapore, para po kaming mga ulila po du’n. Wala kaming kakilala.
“Yung doktor na kausap namin, hindi nga namin alam kung ano ang background nun. Baka kung ano lang ang gagawin kay Zoey.
“Pero apparently po, tinuruan po kami ng Panginoong Diyos kung saan po kami pupunta, ano ang dapat naming gawin.
“Every step of the way po, wala po kaming ginawa kundi manalangin. At umabot po sa pagkakataon na si Zoey po ay akala namin, mawawala na.
“Dahil meron pong ganu’ng mga moment habang nasa ospital po siya. Pero sa kabutihan po ng Panginoong Diyos, siya po ay unti-unting gumaling,” dagdag pa ng premyadong host.
“At ngayon po ay kasa-kasama namin siya. Masaya, nakabalik na po siya sa eskwela.
“Although twice a week lang po siyang nagpe-face to face pero napakalaking achievement na po yun kung titingnan po sa Zoey na nakita po namin nu’ng siya po ay may sakit na halos hindi po makatayo, halos ay hindi po makagulatay, pero ngayon po ay halos balik na po ang kanyang nawalang lakas.
“Salamat po sa inyong lahat na kasa-kasama naming nag-pray para kay Zoey,” mensahe pa ni Ka Tunying.
Matatandaang nagbahagi rin si Anthony sa kanyang Instagram page ng tungkol kay Zoey, “Makulimlim ang panahon, parang naging senti tuloy ako. Di maiwasang alalahanin ang mga malulungkot na nangyari sa taong ito.
“January 22, 2022 ang picture na ito. Kamay namin ito ni Zoey habang nakaratay siya sa pagamutan dun sa Singapore halos sampung buwan na ang nakakalipas.
“Ito yung mga panahon na alam kong pinipilit niyang maging matapang kahit napakasakit, napakakirot ng kaniyang pakiramdam.
“Sa aking upuan ay tinawag niya ako na tumabi sa kaniyang higaan. Hiling niya sakin ‘Daddy, hawakan mo po yung kamay ko. When I’m holding your hand, I don’t feel alone.’
“Yun naman ang gagawin ko at kahit ano pang sabihin niya upang maibsan ang kaniyang lungkot, takot at iniindang kirot. Kanina sa pagsamba, naluha man ako ay hindi dahil sa kalungkutan kungdi kaligayahan nang basahin ng aming Pastor na si Bro. Riovida Roy ang talata na wari ay kasagutan sa aking tanong noon pang unang nagkasakit si Zoey.
“Ito rin ay testamento ng pakikinig ng Diyos nang pagalingin Niya si Zoey. ‘Kung ipahintulot man ng Panginoon na kayo’y magkasakit o magdanas ng hirap, siya na inyong guro, ay hindi magtatago sa inyo.
“Maririnig ninyo ang kanyang tinig at siya ang laging kaalakbay ninyo upang ituro ang inyong daraanan. Ngunit ang Diyos ay naghihintay upang tulungan kayo at kahabagan, Siya ay Diyos na makatarungan. Mapalad ang lahat ng nagtitiwala sa kanya.’ (Isa. 30:20-21 at 18).
“Kaya huwag tayong magtatampo kung tayo man o ang mahal natin sa buhay ang magkasakit. O kahit na dumaan sa iba pang uri ng pagsubok. Tutulong Siya at maaawa sa lahat ng sa Kaniya’y lubos na magtitiwala. Salamat po muli, Ama sa biyayang dulot ng pagsamba,” pagbabahagi pa ni Ka Tunying.
Samantala, nagsimula na sa ALLTV 2 ang programa ni Ka Tunying na “Kuha All” last November 26, 5 p.m..
“Marami po tayong pinagdaanan nitong mga nakaraang panahon. Ang Kuha All po ay nabuo kasama po namin ang pangasiwaan ng bagong Channel 2, ang ALLTV.
“Ito po ay isang uri ng public service program. Kung inyo pong mapapansin sa teaser, usung-uso po kasi ngayon ang napakaraming mga krimen, napakaraming mga aksidente.
“May mga magaganda rin namang bagay na nakukuhanan ng video. May mga kababayan po tayo dahil nga po sa cellphone na may camera na nakukuhanan po lahat ng bagay, lahat po tayo ay parang reporter na.
“Lahat ng tao yata ngayon ay sinaniban na ng mga cameraman at reporter. So nakukuhanan po ang mga pangyayari na yan araw-araw.
“Pero hindi lang po ang mga videos na nagte-trending ang gusto nating ipakita. Gusto nating makausap mismo yung mga tao na nagte-trending sa social media.
“At hindi lang po ang layunin ay makausap sila kundi para po matulungan po sila.
“For example ito pong pilot episode po natin, pasabog po ito. Meron po kayong malaking aabangan dito, e.
“Sila po ay biktima ng krimen pero hindi lang po nalaman natin na sila ay biktima ng krimen, nakapagtuturo din po tayo sa mga tao kung paano makakaiwas sa krimen na ito.
“At meron po kaming pasabog na saya all. May ‘all’ po, e. May saya all dimension po itong programa natin. Yun po yung public service component niya. Matutulungan po natin yung tao na nabiktima o kaya’y parte ng video na atin pong ipe-present,” aniya pa.
Related chika:
Ka Tunying inaming napakalaki ng talent fee sa ALLTV; tinanggihan ang offer na tumakbong senador
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.