Netizen na may hugot sa National ID, viral na: ‘Dear PSA, pumayat na ako kahihintay’

Netizen na may hugot sa National ID, viral na: 'Dear PSA, pumayat na ako kahihintay'

PHOTO: Facebook/Joemar Santos Torres

IKA nga nila, “Patience is a Virtue.”

At ‘yan nga ang ginawa ng nag-viral na netizen na si Joemar Torres mula sa Valenzuela City.

Mahigit isang taon kasi siyang naghintay bago makuha ang kanyang National ID.

Hindi na bago ang mga ganitong balita dahil libo-libong mga kababayan ay may kaparehong sitwasyon kay Joemar.

Ang iba pa nga, mahigit dalawang taon na ay wala pang nakukuhang National ID.

Pero ang agaw-atensyon sa Facebook post ni Joemar ay halos hindi na niya kamuka ang nakalagay na picture sa kanyang ID!

Makikita kasi sa viral post na medyo mataba-taba pa siya sa kanyang ID na ipinagawa lang last year, tapos ngayon ay malaki na ang kanyang ipinayat.

Caption pa niya sa viral post, “DEAR PSA, PUMAYAT NA’KO KAHIHINTAY (laughing emoji)”

Nakapanayam ng BANDERA  si Joemar at nasabi nga niya sa amin na noon pang July 1, 2021 siya nagrehistro ng national ID at nitong November 14 lang niya ito nakuha.

Nakwento pa niya na talagang malaki ang kanyang pinayat sa loob lamang ng mahigit isang taon dahil marami siyang pinagkaabalahan.

Ilan na raw diyan ang pagre-review sa board exam, at pagiging aktibo sa paglalaro ng volleyball at badminton na sinabayan pa niya ng diet.

Chika niya sa amin, “In a span of more than a year, marami narin pong nangyari. While working, I took the board exam. Also after po ‘nung pumasa ako, nag-take po uli ako ng ibang exam. While nagre-review po ako, nag-try po ako mag-diet din. For three months, no rice and exercise na rin.”

Patuloy pa niya, “But now, nagra-rice na po ako pero hinay-hinay nalang. Nagva-volleyball and badminton din po ako after work and during weekends.”

Tinanong din siyempre ng BANDERA kung ano ang pakiramdam niya na nag-viral ang kanyang post.

Sabi naman niya na nagulat siya dahil marami ang naka-relate sa kanya.

Sey ni Joemar, “Interesting kasi pag nababasa ko po ang comments ng netizens marami po palang nakaka-relate.

“Akala ko konti nalng po kaming ‘di nakaka-receive ng National ID since matagal na rin po siyang na-implement.”

As of this writing, libo-libong netizens na ang nag-like at share ng kanyang viral post.

Samantala, una nang ipinaliwanag ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ang kaso ng “close matches” ang dahilan kaya marami ang naaantala sa pamimigay ng National ID.

Sabi pa ng PSA, may mga pagkakataon na kailangan pa nilang gumamit ng mano-manong pag-verify dahil ang iba ay halos magkapareho na ang mga impormasyon.

Sa kasalukuyan, nakapag-isyu na ang PSA ng 27 million National ID cards.

Ang target ng ahensya bago matapos ang taong 2022 ay makapagbigay ng 50 million cards.

Related chika:

Kwelang ‘attendance check’ ng guro sa Masbate viral na: ‘Say DARNA at ang first love mo!’

Sandara Park pak na pak sa viral birthday bikini photo: ‘Forever young, Dara!’

Anak na dinala ang mga ‘manliligaw’ sa bahay kahit first day palang ng eskwela, viral

Read more...