Lovi Poe ‘sinasaniban’ ni FPJ kapag sumasabak sa maaaksyong eksena; ‘Flower of Evil’ hahataw na sa free TV
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Lovi Poe
TILA sinasaniban ng Action King na si Fernando Poe, Jr. ang Kapamilya actress at singer na si Lovi Poe kapag gumagawa siya ng mga action scenes.
Inamin ng dalaga na nararamdaman pa rin niya ang presence ng kanyang ama kahit ilang taon na itong wala sa mundo, lalo na kapag nasa shooting siya at nagtatrabaho.
Sa naganap na mediacon ng ABS-CBN para sa pagpapalabas sa free TV ng hit digital series at Philippine adaptation ng Korean drama na “Flower of Evil,” natanong namin si Lovi kung napi-feel ba niya ang guidance ni Da King sa pagsabak sa aksyon.
Pagbibiro ni Lovi, parang sinasaniban daw siya ng ama kapag gumagawa siya ng action scenes at mga buwis-buhay na stunts. Ginaya pa niya ang boses at style ng pagsasalita ni FPJ pati ang porma nito sabay tawa.
Sey ng dalaga, talagang humihingi raw siya ng guidance kay FPJ sa tuwing sasabak sa maaaksyong proyekto para magawa niya nang tama ang mga ito at makaiwas sa anumang aksidente.
Sabi pa ni Lovi, hinding-hindi niya malalagpasan o mapapantayan ang na-achieve ng kanyang ama sa mundo ng showbiz pero sana raw kahit kaunti lang ng naabot ni Da King ay marating niya.
* * *
Kaya mo pa bang mahalin ang asawa mo kapag nalaman mong baka isa siyang mamamatay-tao?
Masusubukan ang pagmamahal at prinsipyo nina Lovi Poe at Piolo Pascual sa Philippine adaptation ng “Flower of Evil,” na mapapanood na gabi-gabi sa Kapamilya Channel, Jeepney TV, A2Z, at TV5.
Sinusundan ng kwento ang buhay ng mag-asawang Jacob at Iris (Piolo at Lovi). Umiikot ang buhay nila sa anak nilang si Luna (Sienna Stevens), habang si Jacob ay isang metal craftsman at si Iris naman ay isang maprinsipyong police detective.
Walang kamalay-kamalay si Iris na may itinatago pa lang masalimuot na nakaraan si Jacob. Ilang taon na kasing inililihim ni Jacob ang kanyang totoong pagkatao dahil siya talaga ang misteryosong si Daniel Villareal.
Si Daniel ay may antisocial personality disorder at 17 taon nang wanted ng pulis dahil sa pagpatay sa isang barangay captain. Siya rin ang nag-iisang anak ni Abel (Gardo Versoza), isang kilalang serial killer na nag-suicide.
Mayayanig ang mundo nila nang mapunta kay Iris ang imbestigasyon ng isang serial murder case na hindi pa nalulutas at maaaring konektado kay Daniel.
Gagawin ni Iris ang lahat upang maresolba ang kaso, habang hindi niya alam na may posibilidad na isang mamamatay-tao ang pinakamamahal niyang asawa.
Anong gagawin ni Iris kapag nalaman niya ang totoong pagkatao ni Jacob? Ano-ano pang mga sikreto ang itinatago ni Jacob?
Kasama rin sa cast sina Paulo Avelino, JC de Vera, Agot Isidro, Denise Laurel, Joem Bascon, Epy Quizon, Rita Avila, Jett Pangan, Pinky Amador, Joross Gamboa, Joko Diaz, at Edu Manzano, at idinerehe ito nina Darnel Villaflor at Richard Arellano.
Unang napanood ang “Flower of Evil” noong Hunyo sa Viu at ito ang kauna-unahang Viu original adaptation mula sa Pilipinas na ipinapalabas sa 16 markets sa Viu.
Subaybayan ang “Flower of Evil” gabi-gabi ng 9:30 p.m. sa Kapamilya Channel, Jeepney TV, A2Z, at TV5.