Maja hindi na nag-inarte nang alukin ng ‘special participation’ sa bagong serye ni Richard sa ABS-CBN: Payag agad-agad!
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Richard Gutierrez at Maja Salvador
MAKALIPAS ang ilang taon, muling mapapanood ang actress-TV host na si Maja Salvador sa pinakabagong teleserye ng ABS-CBN, ang “The Iron Heart”.
Pagkatapos ngang maintriga noon sa desisyon niyang iwan muna ang Kapamilya Network noong kasagsagan ng pandenya, pinatunayan ni Maja na welcome na welcome pa rin siya sa ABS-CBN.
Humarap sa members ng entertainment press si Maja sa ginanap na grand mediacon ng “The Iron Heart” kagabi kasama ang iba pang bida ng serye na sina Richard Gutierrez, Sue Ramirez, Jake Cuenca, Dimples Romana, Baron Geisler at marami pang iba.
Ayon kay Maja, hindi naging mahirap sa kanyang tanggapin ang offer ng Star Creatives na makasama sa “The Iron Heart” kahit na special participation lamang ang role niya rito.
“Madali lang ako napapayag. Of course, it’s under Star Creatives. Ang dami ko na nagawang magagandang shows sa Star Creatives, Legal Wife, Bridges of Love, iba yung alaga sa akin ng Star Creatives family,” pahayag ni Maja na napapanood din ngayon sa GMA 7 bilang host ng “Eat Bulaga.”
Sey ng dalaga, agad siyang nagtungo sa Cebu kung saan kinukunan ang “The Iron Heart” matapos tanggapin ang proyekto.
Nilinaw din ni Maja na hindi pangmatagalan ang ganap niya sa serye ni Richard, talagang pang-special participation lang daw ito kaya huwag magtaka ang madlang pipol kung bigla agad siyang mawala sa programa.
Sabi naman ni Richard, todo ang pasasalamat niya dahil tinanggap ni Maja ang project, “Eksakto yung timing ng pagpasok ni Maja. We couldn’t be happier to have her onboard. We’re very thankful kay Maja na tinanggap niya.”
Samantala, nabanggit din ni Maja na tinanggap niya ang serye dahil maganda ang role at first time niyang makakatrabaho si Richard. May show sana silang gagawin noon pero hindi raw ito natuloy.
“Hindi siya bago sa akin pero sobrang importanteng ito because it’s ABS-CBN. Ang ABS-CBN ay ang ganda gumawa ng isang teleserye. Na-miss ko gumawa ng isang love story,” sey ng aktres.
Mapapanood na simula sa Nov. 14 ang “The Iron Heart” sa iba’t ibang platforms ng ABS-CBN.
Huling napanood si Maja sa ABS-CBN sa seryeng “The Killer Bride” mahigit dalawang taon na ngayon ang nakararaan.