Herlene Budol pumapasok noon ng lasing sa school, payo sa mga talentadong Pinoy: Dapat kapalan n’yo ang mukha n’yo!
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Herlene Budol
KNOWS n’yo ba na sa edad na 17 ay nagtatrabaho na ang Kapuso comedienne at beauty queen na si Herlene Budol na nakilala rin bilang si Hipon Girl.
Naibahagi ng dalaga ang matitinding pagsubok na pinagdaanan niya sa buhay bago niya nakamit ang mga minimithing pangarap.
Ayon kay Herlene, noong maging teenager ay nagdesisyon siyang magtrabaho na at isa nga sa naging raket niya noon ay ang pagiging waitress sa isang bar.
Kuwento ni Herlene sa online show ng TV host-actor na si Luis Manzano na “Luis Listens”, inalala ni Herlene ang mga nakakalokang eksena sa kanyang buhay bilang isang raketera.
Ayon kay Hipon Girl, “Ako natutulog kasi ako sa school dati. Kasi galing ako ng trabaho tapos doon ako natutulog sa school.
“Kaya siguro depende sa teacher natin o sa pangalawang magulang natin kung paano tayo mamandohan,” pagbabahagi ng dalaga.
Pagpapatuloy pa niya, “Papasok ako alas-singko ng hapon tapos uuwi ako ng alas-singko ng umaga. Ang pasok ko sa school, alas-siyete.
“Hindi na ako uuwi. Dadaan na ako sa school tapos hihintayin ko na magliwanag,” chika pa ng komedyana.
May mga pagkakataon ding pumapasok siya sa school na lasing dahil kailangan niyang uminom para may maiuwing ekstra kita.
Tuwing suma-shot daw kasi siya ay nakakatanggap siya ng tip mula sa mga customers, “Waitress pa ako nu’n. Lasing pa ako nu’n. Kapag suma-shot ka kasi, may tip, eh.”
Tanong ni Luis kung anong klaseng bar ang pinagtatrabahuan niya noon, tugon ni Hipon Girl “’80s bar sa may mga Amerikano.”
Naging emosyonal naman si Herlene nang magkuwento tungkol sa pagkakaroon ng sariling bahay na iniregalo ng kanyang talent manager na si Wilbert Tolentino.
Malungkot man dahil hindi na ito nakita ng pinakamamahal na lola na si Nanay Bireng na pumanaw ilang buwan na ngayon ang nakararaan, todo pasalamat pa rin si Herlene sa biggest blessing na natanggap niya.
“‘Yung Lolo ko umiyak kasi hindi na nga po namin makakasama ‘yung Lola namin.
“Pero sa pamilya ko, sa buong buhay namin ngayon lang kami nagkaroon ng kisame. Ayun ‘yung problema ko dati, eh.
“Meron ‘yan mga kalde-kaldero tapos mga arinola nakasabit na sa bubong namin ‘yan,” aniya pa.
Ito naman ang mensahe ni Herlene sa lahat ng mga taong patuloy na nangangarap na magkaroon ng magandang buhay.
“Sa may mga talent, dapat kapalan niyo ang mukha niyo kasi mayroon akong mga kakilala, napakalulupit kumanta, napakalulupit sumayaw pero nahihiya sila.
“Ako nga hindi ako marunong kumanta, hindi ako marunong sumayaw. Kapal lang ng mukha ang puhunan. Kailangan i-push niyo ‘yung mga talent niyo,” pahayag pa ni Herlene.
Samantala, patuloy ang paghahanda ng Kapuso star para sa nalalapit na pagrampa niya sa Miss Planet International 2022 na magaganap ngayong darating na Nobyembre sa Uganda.