NANINIWALA si Atty. Ferdinand Topacio na napakalayo pa ng pwedeng marating ng Philippine movie industry sa mga susunod na taon.
Ayon sa celebrity lawyer-producer, talaga namang pang-world class ang talento ng mga Filipino kaya naman pinasok na rin niya ang pagpo-produce para kahit paano’y makatulong sa entertainment industry.
Excited na si Atty. Topacio sa darating na Metro Manila Film Festival 2022 dahil pumasok nga ang pelikula ng kanyang Borracho Film Production na “Mamasapano: Now It Can Be Told” bilang isa sa Magic 8.
Kasama ni Atty. Topacio na humarap sa nakaraang mediacon ng “Mamasapano: Now It Can Be Told” na ginanap last Wednesday, October 25, ang ilang members ng cast, kung saan nagkuwento nga ang abogado ng ilang mahahalagang detalye about the movie.
Tatalakayin sa pelikula ang kuwento ng makasaysayang Mamasapano clash na naganap noong January 25, 2015 kung saan 44 miyembro ng Special Action Force (SAF) ang namatay sa gitna ng pagtupad sa kanilang mga tungkulin.
“Actually, sinali namin ito noong 2020, yung script. But it was not accepted. I didn’t know any better. Ngayon, suddenly we decided, although we had November 30 playdate fallback, National Heroes Day.
“We decided why not give it a try because, sabi ko nga, ang aim ng isang festival is to uplift the quality of movies in any country.
“Yung festival, parang fiesta iyan, e. Kasi last September, nakiusyoso ako roon sa Donostia, yung festival in San Sebastian, Spain.
“Pagkatapos sa Zurich film festival sa Switzerland. Ang gaganda nung mga entries! Talagang edgy, innovative, experimental.
“Sabi ko kasi, festival, fiesta. Di ba, kapag fiesta, hindi niyo naman pinapakain yung mga bisita niyo ng ordinaryong pagkain?
“Hindi naman tapsilog, hindi naman tortang talong, di ba? Hindi naman daing. Espesyal, lechon, lechong baka, di ba? Relyenong manok.
“Sana yung mga festivals natin, ganun din. Although sabi ko, not to denigrate anyone, lahat ng genre naman ay necessary in a film industry.
“Comedy, drama, horror, lahat. Pero sana pag festival, a cut above. So, sabi ko, dapat i-elevate the level of entries,” lahad ni Atty. Topacio.
Dagdag pa niya, “At timely nga naman, may mga senador na nagsasabi, although in a wrong way, bakit daw hindi competitive ang Filipino films? Napag-iwanan na tayo.
“Nung ’80s, ’90s, yung Korean movies, puro introspective iyan, e. Nung ’70s, tayo ang darling ng Asian Cinema because of world-class films.
“Kaya lang naiwanan tayo dahil nga ang nangyayari, yun nang yun plus walang government support. Ang Korean government po, 1968, ni-limit nila ang foreign movies. Ni-lift lang nung 1990s. Look at where they are now.
“Korea is one of the three major industries of film production in the world, ha?! After Hollywood, after Bollywood, Hallyuwood na, yung South Korea.
“Siguro naman, it’s not going to be a quick fix, pero if little by little, mabigyan tayo ng incentive ng ating pamahalaan, at yung mga producers natin ay mag-level up, probably in a decade or so, we can be competitive.
“Kasi alam niyo, iyang Korean film industry, nagpo-produce ng income iyan para sa Korea, e.
“Dito, ha, kahit anong lakas nung movie mo, dito mo lang kinukuha ang pera, e. Hindi naman ganun kalakas sa labas. So, wala kang napo-produce, walang value added yung pelikula.
“Hindi katulad ng Korea, K-pop, K-drama, kumukuha sila ng kita from outside of Korea. Nagpapasok sila ng pera. It has become a major industry.
“Yun po ang panaginip ko dito sana sa ating movie industry. Sana, ha, sana! Napakaliit ko lang. I’m not by any means a major producer,” pagbabahagi pa niya.
Umaasa si Atty. Topacio na kahit paano’y makatulong sa movie industry ang pagpo-produce niya ng mga makabuluhang pelikula.
“In my own little ways, sana ay makatulong po tayo na maging competitive ang pelikula natin.
“So, yun lamang po ang aking aim dito. Sana, matanggal na yung pamumulitika sa ating movie industry na porke’t yung artista dito sa isang pelikula ay pink o yellow, ayaw mo nang panoorin.
“Porke’t pulahan, ayaw mo nang panoorin. Ako, I’ve always watched all as much as possible ng MMFF. In fact, alam niyo naman ang political affiliation ko, ‘no? Pro-government ako even during the time of Duterte.
“Pero I have worked with Joel Lamangan du’n sa Deception. Alam niyo naman ang political color ni Direk Joel. Ang scriptwriter ko sa Deception, si Easy Ferrer. E, ano yun, rabid Leni Robredo supporter. But art should transcend politics.
“Tama na yung pulitika. Dahil kapag pinolitika, boykot ito, boykot si Toni Gonzaga dahil Marcos, boykot si Nadine Lustre dahil Leni (Robredo), walang mangyayari sa atin at kamote tayo lagi. May ulalo pa!
“So, umpisahan na sana natin. Sana, itong pangyayaring ito kung saan may narinig akong napupulitika pa itong movie na ito, sana, tumigil na,” diin pa ng producer.
“Nagpapasalamat din ako sa Screening Committee at sa Executive Committee for choosing Mamasapano as one of the entries in the 2022 Metro Manila Film Festival,” aniya pa.
Ang “Mamasapano: Now It Can Be Told” ay mula sa direksyon ni Lester Dimaranan, mula sa panulat ni Eric Ramos. Bida rito sina Edu Manzano bilang Gen. Benjamin Magalong, Aljur Abrenica bilang Lt. Franco, at Paolo Gumabao bilang Supt. Raymond Train.
Ka-join din sa cast sina Alan Paule bilang Gen. Getulio Napenas, Rey “PJ” Abellana bilang Col. Pabalinas, Gerald Santos bilang Sgt. Lalan, Rez Cortez bilang Gen. Alan Purisima, Juan Rodrigo bilang Secretary Mar Roxas, at Jervic Cajarop bilang President Noynoy Aquino.
Nasa movie rin sina Jojo Abellana, Ronnie Liang, Jim Pebanco, Tom Olivar, Rico Barrera, LA Santos, Marcus Madrigal, AJ Oteyza, Marco Gomez, Rash Flores, Elmo Elarmo, at Nathan Cajucom. May guest appearance naman sina Claudine Barretto, Ritz Azul at Myrtle Sarrosa.
Samantala, natanong naman si Atty. Topacio kung satisfied siya sa akting ng lead stars ng pelikula na sina Aljur at Paolo. Hindi ba sila nilamon ni Edu?
“Intense, intense! At pati pag-aaksyon nila, bumilib ako. Actually, the movie nu’ng nakita kong tapos na, exceeded all our expectations. Napakaganda talaga.
“We owe it to the director. Ang ganda nu’ng photography, maniwala ka! Very innovative si Paul Magsino. Pati yung editing. Siya na rin ang editor, e.
“So, it was really a collective effort. Kami yung nag-revise ng script. Ako na yung nag-compose ng theme song.
“Kami na rin ang naglagay ng musical scoring. Yung cinematography, location, kami na rin ang nag-location scout.
“Puro kami na rin. Sana pag pinalabas, hindi lang kami ang manood. May ibang manood,” pahayag ng kontrobersyal na abogado.