48 patay, 40 sugatan sa pananalasa ng bagyong Paeng, 22 katao pa ang nawawala

48 patay, 40 sugatan sa pananalasa ng bagyong Paeng, 22 katao pa ang nawawala

PHOTO: PCG

UMABOT na sa 48 ang napaulat na namatay sa bagsik na ipinaramdam ni bagyong Paeng sa maraming lugar sa bansa.

Karamihan sa mga nasawi ay mula sa Mindanao – 40 sa BARMM at tatlo sa SOCCSKSARGEN, base sa latest report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Nasa 40 naman ang nasaktan at 22 ang nawawala.

Umakyat na sa 277,383 ang apektadong pamilya at mahigit 40,000 diyan ang nailikas sa mga evacuation center.

714 naman ang mga nasirang bahay sa Bicol Region, Western at Central Visayas, Davao Region, SOCCSKSARGEN, CARAGA, at BARMM.

Maraming pananim rin ang nasira at umabot na sa halagang ₱54,965,924.13 ang napinsala sa agrikultura.

Samantala, trending sa social media ang “#PaengPH” na kung saan ibinandera ng madlang pipol ang sitwasyon sa kanilang mga lugar, lalo na ‘yung mga binaha.

Gaya na lamang sa Parañaque City kagabi na abot hanggang bewang ang baha sa kahabaan ng Dr. Arcadio Santos Avenue mula sa Evacom hanggang SM Sucat.

May “aerial shot” naman na ipinakita sa Kawit, Cavite na kung saan lubog sa baha ang buong lugar.

May post din ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS) na ibinandera ang ilang litrato ng kanilang rescue operations para sa mga alagang hayop.

Nanawagan din ang grupo na huwag kalimutang bitbitin ang mga pets kapag lilikas sa mga tahanan.

Caption ng PAWS, “Pag oras na mag-evacuate, dalhin ang mga alagang hayop! Hindi kailangan ng mahal na carrier or kulungan: gumamit ng mga everyday household items tulad ng lalagyanan ng damit, palanggana, o styrofoam cooler upang ma-transport ang mga alaga.”

Nakunan din ng isang netizen ang rumaragasang baha sa Barangay Gasang sa Batangas at sinabing nanggaling daw ang tubig sa bundok dahil sa bagyo.

Bagamat papalabas na ng bansa ang bagyong Paeng, nagbabala ang PAGASA na patuloy pa rin itong magdadala ng mga pag-ulan at malakas ng hangin.

“‘Yung malawak na sirkulasyon ni Paeng ay nagpapaulan pa rin po sa malaking bahagi ng Luzon, Visayas, and Zamboanga Peninsula kahit nakapunta na ito dito sa may katubigan,” sey sa press briefing ngayong araw, Oct. 30, kaninang 5 a.m.

Bukod pa riyan, may isa pang bagyo ang nagbabadyang pumasok sa bansa pagdating ng Lunes at papangalanan itong “Queenie.”

Ayon sa weather bureau, ang kilos nito ay halos kapareho ng mga dinaanan ni bagyong Paeng.

Read more:

‘Paeng’ tapos nang manalasa sa bansa, pero isa pang bagyo nagbabadya

Vince Tañada ipangtutulong ang kinita ng ‘Katips’ sa nasalanta ng bagyong Paeng

#MindanaoNeedsHelp: 70 patay, 31 sugatan sa pananalasa ni bagyong Paeng

Read more...