ISA nanamang bagyo ang nagbabadyang manalasa sa Northern Luzon matapos ang bagyong Neneng.
Sa forecast track ng PAGASA, posible pang lumakas ang bagyong Obet – mula sa “tropical depression,” may tsansa itong mag-upgrade at maging “tropical storm” category.
“Inaasahan din natin na posible pa itong bahagyang lalakas or unting-unting lalakas into a Tropical Storm category bukas ng gabi or sa madaling araw ng sabado, and once na nasa West Philippine Sea na itong si Obet, hindi natin tinatanggal ang posibilidad na further intensification,” ayon sa press briefing ng ahensya ngayong araw, Oct. 20, kaninang 5:00 a.m.
Ipinaliwanag din ni PAGASA Weather Forecaster Daniel Villamil na ang tinatawag na “shearline” ang kasalukuyang nagpapaulan sa bansa at hindi pa ang bagyo.
Ayon kay Villamil, “Wala pa itong direktang epekto sa ating bansa, ngunit mapapansin natin sa ating satellite images itong mga kaulapan sa malaking bahagi ng Northern at Central Luzon ay ang patuloy na pag-iral nitong shearline.”
Bagamat wala pang epekto si Obet, itinaas na sa “tropical cyclone wind signal no. 1” ang Batanes, Babuyan Islands, at northeastern portion ng mainland Cagayan, ayon sa 11 a.m bulletin ng PAGASA.
Asahan daw sa mga nabanggit na lugar ang malakas na pagbugso hangin.
Huling namataan ang bagyo sa distansyang 745 kilometers East ng Basco, Batanes.
Taglay nito ang hanging 45 kilometers per hour malapit sa gitna at bugsong aabot sa 55 kilometers per hour.
Kasalukuyan itong kumikilos sa bilis na 10 kilometers per hour.
Nagbabala din ang PAGASA na posibleng bukas pa maramdaman ang bagsik na dala ni bagyong Obet.
Sabi ni Villamil, “Inaasahang si Obet ay babaybayin ang extreme northern area or sa hilagang bahagi ng mainland Northern Luzon between tomorrow evening.
“So bukas ng gabi hanggang Saturday morning ay asahan po nating ito ‘yung peak kung saan ang pinaka mararanasan natin ‘yung epekto nitong si bagyong Obet.”
Dahil sa “Shearline” at “localized thunderstorms” ay uulanan ang malaking bahagi ng Luzon ngayong araw.
“Asahan natin sa buong Northern Luzon dito sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, pati na rin dito sa Central Luzon at sa Quezon province kasama na diyan ang Polillo Islands ay magpapatuloy itong maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog at kidlat throughout the day,” sabi ng PAGASA.
May mga pag-ulan din sa Visayas, pero magiging maaliwalas ang panahon pagdating ng tanghali.
“Samantala dito naman sa may Visayas area, itong thunderstorms activity natin na nararanasan ngayong araw ay magdadala ng pulo-pulong pag-ulan. So mga isolated na pag-ulan ang ating mararanasan and ‘yung mga kaulapan na ito ay posibleng mag-clear up or mawala sa pagdating ng tanghali,” ani ng forecaster.
Samantala, magiging mainit naman daw ang panahon sa Metro Manila maliban na lang sa panandaliang ulan.
Aniya, “So sa metro manila at sa malaking bahagi ng bansa ay generally maalinsangang panahon ang ating nararanasan ngayong araw and ‘yung mga pag-ulan na lamang na panandalian ang ating inaasahan na dala ng thunderstorms sa hapon hanggang sa gabi.”
Read more:
Bagyong Neneng tumama sa Cagayan, signal no. 3 itinaas na
Bagyong ‘Neneng’ tatama sa Batanes o Babuyan Islands, Signal #3 posibleng itaas sa Luzon
Bagyong Neneng ‘mananalasa’ sa Northern Luzon; 1 pang bagyo sa labas ng bansa binabantayan ng PAGASA