Dating stand-up comedian na si Pretty Trizsa nalulong sa droga at sugal; nawasak ang career, naging palaboy

Dating stand-up comedian na si Pretty Trizsa nalulong sa droga at sugal; nawasak ang career, naging palaboy

Pretty Trizsa

NAAALALA n’yo pa ba ang stand-up comedian na si Pretty Trizsa? Knows n’yo ba na nalulong din pala siya sa droga at naging palaboy sa lansangan?

Inamin ng komedyante na nawasak ang kanyang buhay at showbiz career nang dahil sa paggamit ng shabu. Bukod dito, nagumon din daw siya sa pagsusugal.

Sa interview ni Ogie Diaz kay Pretty Trizsa na mapapanood sa bago niyang YouTube vlog, naikuwento ng stand-up comedian kung paano nasira ang buhay niya nang dahil sa ipinagbawal na gamot at sugal.

Sabi ni Trizsa na Ronaldo Celso sa totoong buhay, tatlong beses siyang nagpabalik-balik sa isang rehabilitation clinic bago tuluyang “gumaling” at unti-unting nakabangon.

“Nagbisyo ako, droga. Tapos after ng droga, naging mas malala pa, sugal. Tapos may depression, anxiety problems,” simulang paglalahad ni Trizsa.

Nang dahil sa paggamit ng shabu, nasira ang pangalan niya sa mundo ng comedy bars hanggang sa matsugi na nga siya sa trabaho. Sabi ni Trizsha, wala siyang energy na mag-set sa pinapasukang comedy bar kaya bumabatak siya.

“Kasi, parang there is emptiness sa akin na parang wala akong magawa. Kasi kung hindi ako naka-tsutsi (naka-shabu), nakatanga lang akong ganyan.

“Iisipin ko, ‘Wala na pala akong kotse. Wala na pala akong career.’ Pero kapag naka-tsutsi ako, busy yung mind ko,” pag-amin ng komedyante.

Kasunod nito, nawalan siya ng tirahan at naging palaboy sa loob ng mahabang panahon kaya kung saan-saan na lang siya natutulog. Ayaw na rin siyang kupkupin ng mga kapatid.

“Kasi itong sila Ate, gusto akong matuto ng leksiyon. Pagkatapos ng pangalawa kong rehab, sinarado yung bahay na tinitirhan ko,” aniya pa.

Para matulungan daw siya kahit paano, ikinuha pa rin siya ng mga kapatid ng paupahang kuwarto na bayad na ng dalawang buwan. Ang usapan, siya na ang magtutuloy ng sa mga susunod na bayaran.

Pero pinalayas din siya roon dahil hindi na nakakabayad ng renta at nang magtangka siyang makitira uli sa mga kapatid ay hindi na siya pinapasok kaya nagpalabuy-labuy na naman siya.

“Ang dami kong raket sa iba’t ibang lugar, meron kaming perks na mga libreng hotel. Masarap na pagkain tapos makikita mo yung sarili ko na nakahiga sa tarpaulin,” sabi ni Pretty Trizsa.

Inalala rin niya ang naging buhay niya noong magsimula ang COVID-19 pandemic last March, 2020, “Nu’ng pandemic, naloka ako, lahat daw ng tao dapat nasa loob ng bahay. E, ako? Saan ako pupunta? Wala akong bahay.”

Dito nga niya naikuwento yung araw na may parang bumubulong sa kanya na magpunta sa ibabaw ng foot bridge, “Tapos sabi sa akin, ‘Tumalon ka! Tumalon ka!’ So, tumalon ako, pero du’n lang din sa kinatatayuan ko. Hindi ako tumalon du’n sa ano…kasi may huwisyo pa ko. Alam ko pa yung ginagawa ko.”

Hanggang sa makunan siya ng video ng isang vlogger at i-post sa social media ang naging buhay niya at dito na siya kinausap uli ng mga kapatid at ipina-rehab sa ikatlong pagkakataon.

Umabot ng mahigit dalawang taon ang ikatlo niyang pagpapagamot,  “Kasi hindi sapat yung six months, hindi sapat yung one year, parang ganu’n. Kasi depende yun sa tao, e. Kung hindi mo pa na-realize at hindi mo tanggap na ikaw ay ganito, kasi ang haba ng proseso.”

Noong kasagsagan ng pagkalulong niya sa droga, humingi siya ng tulong sa mga kaibigan pero dinededma na siya ng mga ito.

Hanggang sa magkita raw sila ng kapwa komedyanang si Ethel Booba. Talagang ikinulong das siya nito sa kotse at sinermunan.

Umaasa si Trizsa na mabibigyan uli siya ng chance na makabalik sa showbiz, “Kunyari hindi natuloy ang mga plano na bumalik ulit sa showbiz, hindi ako tanggapin, hindi ako madi-depress. Bagkus, I’ll try harder to brush up with my craft.”

“Pangako ko na I’ll do my best. Kasi pag ikaw mismo nag-alinlangan ka, kasi, parang napag-aralan namin ‘yan, kung ikaw mismo hindi ka naniniwala sa sarili mo, sinong maniniwala sa ‘yo?” aniya pa.

Ito naman ang payo niya sa mga taong naliligas ng landas, “Gusto ko lang sabihin sa kanila na huwag niyo nang i-try na mag-drugs. Kasi talagang dadalhin ka nu’n sa pinakamababang estado ng buhay.

“Magmumukha kang tae. Para kang talagang… lahat lalayo sa ‘yo. Lahat ng pagkakataon na para sa ‘yo, mawawala. Lahat ng mga taong nagtitiwala sa ‘yo, tatalikod sa ‘yo. Lahat ng mga pangarap mo, mawawala.

“Dahil sa drugs, dahil sa sugal, dahil sa maling barkada, napariwara ako. Wag niyong subukang mag-drugs,” payo pa ni Pretty Trizsa na napanood noon sa “Survivor Philippines Celebrity Showdown” ng GMA 7 na umere noong 2010.

Drug test muna sa mga artista bago sumabak sa trabaho…payag naman kaya ang mga taga-showbiz?

Ate Gay naka-confine sa ospital dahil sa pneumonia; nega sa COVID

Babala ni Dennis sa mananakit sa mga anak: Gaganti ako, hindi na ako comedian nu’n, action star na ako!

Read more...