Ex-Goin’ Bulilit star John Manalo magpapa-raffle ng luxury items para sa kaibigang writer na may sakit
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
John Manalo
SA LOOB ng apat na taon ay napakaraming natutunan ng dating child star na si John Manalo sa award-winning kiddie gag show noon ng ABS-CBN na “Goin’ Bulilit.”
Ayon kay John, simula noong mamaalam siya sa nasabing programa na nagpaalam sa ere taong 2019, ay napakaraming opportunities ang dumating sa kanyang showbiz career.
Nine years old siya nang maging bahagi ng “Goin’ Bulilit” at napakarami niyang hindi malilimutang experience sa show, lalo na ang ilan sa mga nakasama niya ritong production staff na naging kapamilya na rin nila sa mahabang panahon.
Kaya naman hindi nagdalawang-isip si John na tumulong para makalikom ng funds para sa medical expenses ng isa sa mga writer ng dati nilang show, si Sherwin Buenvenida.
Naisip ng aktor na magsagawa ng online raffle gamit ang kanyang personal luxury items.
Pahayag ni John patungkol kay Sherwin sa pamamagitan ng kanyang social media account, “Simula nu’ng tumayo na siyang parang kapatid sa akin itong taong ‘to ay sobrang dami ng natulungan mapa pamilya niya at sa industriya.
“Alam kong maraming nagmamahal sa kanya at malalapagsan niya lahat ng ito. Pero mas madali niyang mahaharap ang pagsubok na ito pag may kasama siya.
“Kaya naisip ko magparaffle ng mga gamit ko. Precious lahat ng ito para sa akin. Pero wala lang ito kumpara sa lahat ng nabigay na tulong sa akin ni Kuya Sherwin at nabigay niyang tulong sa mga tao,” lahad ni John.
Patuloy pa niya, “Sa panahon na ‘to masaya ang win-win situation. WIN dahil nagkaron na ng bagong amo itong mga gamit ko at WIN dahil nakatulong tayo kay Sherwin.
“Alam kong di maliit na halaga ang 500 pesos. Pero sa 500 PESOS na ito. Nakatulong ka na at nagkaron ka pa ng chance magkaron ng CLASSIC BIKE or VINTAGE FILM CAMERAS,” sabi ng aktor.
Sabi pa ni John, first time niyang magsasagawa ng fundraising para sa isang kaibigan kaya nanawagan siya sa mga netizens na tulungan siyang ipakalat ang balita by sharing his post.
“Ngayon ko lang gagawin ito. Mag sisimula ang raffle pag na hit na natin ang target natin na 50,000 pesos.
“Kaya please tulungan niyo ako mag work ito para matulungan natin si Sherwin at patuloy pa siyang makatulong sa kapwa niya,” sabi pa ni John.
Sa mga gustong makiisa sa fundraising project ni John bisitahin lang ang kanyang official social media pages para sa mga karagdagang detalye kung paano makakasali.
Nang iwan ni John ang showbiz, ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral hanggang sa makapagtapos ng AB Communication Arts sa University of Santo Tomas noong 2018.