Lolit Solis todo puri kay Sandara Park: Para siyang tunay na Filipino kung magsalita at kumilos
By: Reggee Bonoan
- 2 years ago
Sandara Park at Lolit Solis
PURING-PURI ng talent manager na si Manay Lolit Solis si Sandara Park na kahit sa Korea na naka-base ay hindi pa rin nalilimutan ang mga Filipino na naging malaking parte ng buhay niya.
Paano nga naman makakalimutan ni Sandara ang Pilipinas, e, dito siya unang sumikat nang maging 1st runner-up sa 2004 “Star Circle Quest” ng ABS-CBN na pinanalunan ni Hero Angeles na naging ka-love team naman ng dalaga.
Hanggang sa bumalik siya sa Korea para ituloy ang kanyang karera kung saan naging miyembro siya ng K-Pop group na 2NE1 na na-disband naman noong 2016.
Ang maganda pa kahit walang trabaho ay dumadalaw si Dara (palayaw niya) sa bansa at nakikipagkita sa mga old friends niya hanggang sa kinuha siyang isa sa hurado ng reality show na “Pinoy Boyband Superstar” kasama sina Aga Muhlach, Yeng Constantino at Vice Ganda taong 2016.
At higit sa lahat kahit sobrang sikat na siya sa buong mundo ay hindi pa rin siya nakalilimot magsalita ng Tagalog. Sabi nga niya, second home na niya ang Pilipinas.
Sa Instagram account ni Manay Lolit ay ipinost niya ang larawan ni Sandara na may caption na, “Very interested pa rin mga Pilipino kay Sandara Park, Salve. Kasi naman talagang napalapit ang puso natin kay Sandara Park dahil nakita natin mahal niya tayo.
“Hindi ko malimutan na kahit sa Korea pumunta pa siya sa atin para tayo batiin, hindi nagbago kahit pa nga international star na siya.
“Siguro isa nga sa dahilan kung bakit na addict tayo sa koreanovela at Kpop dahil din kay Sandara. Iyon bang parang feeling natin ka tropa natin ang mga Koreano dahil nandito at isa sa atin si Sandara Park.
“Isang bagay na maganda kay Sandara Park talagang puring -puri niya mga Pilipino. Talagang mahal niya, ipinagmamalaki niya ang stay niya dito sa atin, iyon mga kabutihan ipinakita natin sa kanya.
“Talagang sincere ang paghanga niya sa mga ginawa ng mga naging friends niya sa kanya. Hindi siya nagbago kahit doble ang naging kasikatan niya pagbalik niya ng Korea.
“Kaya naman lahat minahal si Sandara Park. Kahit na nga 100% siyang Korean, parang isang Pilipino kung magsalita at kumilos. Hindi namin makalimutan na pinuntahan pa niya kami sa Japanese resto sa Korea para bumati sa kanyang mahal na Budingding at Aileen Go.
“Appreciate namin ang effort na iyon ni Sandara Park. Ipinakita niyang hindi siya nagbago, at ganuon parin ang maganda niyang ugali kahit pa nga maging big international star na siya. Sandara Park is one example of a real star.
“Walang hangin at ilusyon, hindi kailangan ipakita ang power for validation of being a star, just by being there kita mo na ang ningning at aura, at hindi kailangan ang power play, kahit itanong mo pa kay Bea Binene. Sabi nga ni Leo Espinosa, powerful presence, hindi power playing, bongga di ba Salve at Gorgy,” mahabang pahayag ng talent manager.