Lalaking nanalo ng P20k sa ‘Laklak Challenge’ namatay, paalala ng otoridad: ‘Drink slowly and moderately’

File photo

NAMATAY ang lalaking dumalo lamang sa inuman sa isang lugar sa Villanueva, Misamis Oriental matapos sumali at manalo ng P20,000 sa “Laklak Challenge”.

Nauwi nga sa trahedya ang dapat sana’y masayang salu-salo at inuman na naganap noong October 2, dahil sa pagkamatay ni Richie Elleso Dumaloan.

Ayon sa ulat ng pulisya, napagkatuwaan ng grupo nina Richie na sumabak sa “Laklak Challenge” kung saan ang mananalo ay mag-uuwi ng P20,000.

Bukod kay Richie, kumasa rin sa hamon ang lima pa niyang mga katropa kung saan kailangan nilang laklakin at ubusin ang isang long neck (750 ml.) na alak sa loob ng 20 segundo.

Sa ending ng game, nagwagi nga si Richie at tinalo ang limang kainuman. Sumigaw pa raw ang biktima ng “Para ni kang Papa!” o para sa kanyang ama ang kanyang pagkapanalo.

May sakit daw kasi ang tatay ni Richie kaya gagamitin niya ang perang napanalunan para sa pagpapagamot nito.

Ngunit makalipas lamang daw ang ilang sandali matapos ang challenge, bigla na lang bumagsak si Richie at agad na isinugod sa ospital. Pero pumanaw nga ito kinabukasan, October 3.

Sabi ni Police Major Renz Serrano, officer-in-charge ng Villanueva, Misamis Oriental Police Station, sa panayam ng One PH, “Siya ang unang nakatapos at siya lang ang nakaubos (ng alak).”

Ngunit pagkatapos nga raw ng laklak challenge, natumba na lang bigla si Richie at nakaranas ng lock-jaw. Patuloy pa ring iniimbestigahan ng PNP ang insidente.

Samantala, ayon naman sa ka-live in ni Richie na si Mary Jane, may history ng heart attack ang biktima kaya may posibilidad na inatake ito sa puso dahil sa dami ng nainom na alak.

Sa report ng Philippine Daily Inquirer, napag-alaman na may plano na sanang magpakasal sina Richie at Mary Jane ngayong darating na Disyembre. May tatlong  anak si Richie kay Mary Jane.

Ayon naman sa isang eksperto, ang sobra-sobrang pag-inom ng alak ay maaaring magresulta sa pagka-comatose ng isang tao o kaya’y mauwi sa pagkamatay.

Kaya nga ang laging paalala sa mga commercial ng alak — drink slowly and moderately.

https://bandera.inquirer.net/290639/netizens-aliw-na-aliw-sa-viral-tweet-ni-paulo-avelino-inuman-lang-ang-hina-mo-naman

https://bandera.inquirer.net/325632/ice-may-pa-tribute-kina-martin-at-gary-muling-magsasanib-pwersa-cant-wait-to-do-this-concert-with-you

https://bandera.inquirer.net/299638/vicki-belo-tumalon-mula-sa-umaandar-na-kotse-para-takasan-ang-ka-date-tumakbo-talaga-ako

https://bandera.inquirer.net/326430/oct-7-idineklarang-jo-koy-day-sa-la-i-will-continue-to-wave-my-flag-high-mahal-kita

 

Read more...