Bea Alonzo ipinagdarasal si Lolit Solis: I heard she’s sick, lalong hindi ako sasagot…I respect her so much
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Lolit Solis at Bea Alonzo
WALANG kaplanu-plano ang Kapuso actress na si Bea Alonzo na patulan at sagutin ang mga patutsada sa kanya ng talent manager at TV host na si Lolit Solis.
Hanggang ngayon ay ayaw pa ring tantanan ng online host si Bea na halos araw-araw niyang tinitira sa kanyang Instagram account.
Ito’y nag-ugat noong hindi maimbitahan ang veteran entertainment writer sa presscon ni Bea bilang brand ambassador ng Beautederm at mula nga noon ay hindi na tinantanan ni Nanay Lolit ang dalaga.
Sa pagharap ni Bea sa ilang members ng showbiz media last Thursday, October 6, natanong nga siya about this at bakit hindi niya ipinagtatanggol ang sarili mula sa pambabatikos sa kanya ng talent manager.
Sabi ng leading lady ni Alden Richards sa GMA Primetime series na “Start-Up PH”, “I will never reply because hindi ko naman nababasa what she writes about me. People just tell me about it.
“But I respect her so much, although we’ve never met, we’ve never been introduced or spoke to each other.
“I heard she’s sick at lalo na akong hindi sasagot, dadalhin ko pa yan parang ang bigat-bigat.
“Let’s just stay positive. I will sincerely pray for her healing and for her to get well soon,” pahayag ng premyadong aktres.
Samantala, sa gitna ng pangnenega sa kanya ng ilang netizens, tuloy pa rin ang pagdating ng mga blessings sa buhay at career niya.
Ibinalita ng dalaga na pagkatapos ng “Start Up PH”, may gagawin na agad siyang bagong series at bukod pa riyan ang mga gagawin niyang pelikula ngayong 2022 hanggang 2023.
Kabilang na riyan ang gagawin niyang movie with Erik Matti, at ang unang pelikula nila ni Alden under Viva Films at ang reunion project nila ni John Lloyd Cruz mula naman sa GMA Films.
Samantala, nagpasalamat naman si Bea sa napakainit na pagtanggap at pagtangkilik ng mga Kapuso sa Philippine adaptation ng hit Korean series na “Start-Up PH”.
“I’m happy na nagre-resonate siya sa Filipino audience. I’m happy na na-appreciate nila yung efforts namin. And they felt na, at least, yung ibang take o twists na ibinigay namin sa karakter, nakita nila in a positive way,” sey ni Bea.
Sabi ng aktres, nakikita rin niya ang sarili sa karakter niyang si Dani, “Sabi nga nila, art imitates life. Sobrang totoo for me because nung start ng Start-Up, I’m starting a new chapter in my life sa GMA.
“Yung character ni Dani, nandiyan siya para abutin yung mga pangarap niya. Para patunayan sa sarili niya na kaya niya. Na marami pa siyang pangarap na gustong abutin.
“And I’m the same way, so dun ako nakaka-relate, yun ang naiiwan sa akin ni Dani, yung fighting spirit niya,” chika pa ni Bea.