2 Pinay babandera sa Mrs. Universe (Official) pageant sa Australia
DALAWANG Filipina ang pansamantalang magpapahinga mula sa mga tungkulin nila bilang mga ina upang bumandera sa pandaigdigang entablado.
Kapwa mga iginagalang sa kani-kanilang larangan, tinanggap na nina Ellen Poyaoan-Santos at Ann Marie Morales ang kani-kanilang national title na magdadala sa kanila sa Australia.
Sa isang “sashing and crowning ceremony” sa Hotel Celeste sa Makati City sa Set. 24, iginawad ni Christine Escalante, national director ng Mrs. Universe (Official) para sa Pilipinas, kina Santos at Morales ang mga titulong Mrs. Universe (Official) Philippines at Mrs. Universe (Official) Asia Pacific.
Tumulong din sa paggawad sina Asia Prime Phils. Corp. President Lerma Bernabe at Aura Beauty and Wellness CEO Bennilyn Molina.
Ginawaran din si Escalante ng sarili niyang titulo noong Diyembre ng nagdang taon, ang Mrs. Universe (Official) Australasia, at sasabak din sana sa Mrs. Universe (Official) pageant. Ngunit dahil sa isang napipintong government appointment, kinailangan niyang isantabi ang pangarap na makasali sa isang international beauty contest.
Magpapadala naman siya ng dalawang ginang na nagpamalas na ng husay sa kani-kanilang larangan. Inaashang tutulak sa Sydney sina Santos at Morales para sa preliminary events ng Mrs. Universe (Official) pageant, na magtatapos sa isang grand coronation night sa Disyembre.
Iba pa ito sa Bulgaria-based na Mrs. Universe pageant na tinatag noong 2007, kung saan isa pang organisasyon ang pumipili ng mga kinatawan ng Pilipinas.
Ang Sydney-based na Pilipinang si Maryrose Salubre ang nagtatag sa Australia-based na Mrs. Universe (Official) pageant, na naglalayong tumuklas ng “world’s outstanding married, divorced, annulled women” na tutulong sa charity projects.
Isang civil engineer si Morales, 62, na tumanggap din ng honorary doctorate. Mag-isa niyang itinaguyod ang tatlong anak mula nang mabiyuda mahigit isang dekada na ang nakararaan. Computer Science naman ang tinapos ni Santos, 46, na may graduate degree din at honorary post-graduate degree.
Itatanghal ang coronation night ng 2022 Mrs. Universe (Official) pageant, ang unang edisyon nito, sa Grand Pavilion ng Rosehill Gardens sa New South Wales, Australia, sa Dis. 4. Mahigit 50 ginang ang inaasahang bumandera sa patimpalak.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.