Bb. Pilipinas Intercontinental Gabrielle Basiano pinaiyak ng bashers
MANILA, Philippines—Maliban sa pagsungkit sa “Best in Gown” award, hinirang ding first runner-up si Gabrielle Basiano sa 2021 Binibining Pilipinas pageant. Kaya naman inasahan na ng marami na magbabalik siya upang tangkaing makapag-uwi ng korona. Ngunit nang muli siyang sumali ngayong taon, may mga tumutol pa rin umano.
“Alam n’yo po, sa first few weeks umiiyak po talaga kao. Kasi po iyong mga tao they were thinking negatively sa journey ko. Sabi nila huwag daw sana this year dahil maraming mahigpit na kalaban,” inilahad niya sa Inquirer sa isang panayam sa Owner’s Circle sa Araneta City sa Quezon City makaraan ang coronation night na itinanghal noong Hulyo.
“Na-hurt ako. Pero sinabi ko na lang na I will do my best, ipo-pour ko ang lahat sa second time ko,” pagpapatuloy pa niya.
Ngunit nang isang puwesto na lang sa Top 12 ang natitira at hindi pa siya natatawag, isinuko na ni Basiano sa tadhana ang lahat. “Kung hindi ako tawagin ngayon, at least nabigay ko ang best ko. At least I tried again, I took the risk of joining again. At least I was able to experience new things, learn from it so I can do so much better sa next endeavors in life,” bulong umano niya sa sarili noong saglit na iyon.
Subalit sa kanya iginawad ang panghuling puwesto, at naipakita pa niyang mali ang mga nagduda sa kaniyang pagbabalik. Hindi lamang niya nasungkit ang mga pagkilala bilang “Best in Swimsuit” at “Best in Gown,” naiuwi rin niya ang korona bilang Bb. PIlipinas Intercontinental.
Bihirang may isang kandidatang naging Best in Swimsuit at Best in Gown sa Bb. Pilipinas. Bago siya, si 2018 Miss Universe Catriona Gray ang huling nakagawa nito.
“OMG! Iyong level ni Catriona sobrang taas, tapos I was able to pull it off din? Sa gown mataas na iyong confidence ko. Pero sa swimsuit po talaga ako nagulat,” sinabi ni Basiano.
Sinabi naman niyang kung natumbasan niya ang nakamit ni Catriona sa entablado ng Bb. Pilipinas, umaasa siyang magagawa rin niyang makapag-uwi ng isang international crown tulad ng dating Miss Universe.
“I will just do the same thing or more pa sa pinakita ko sa Binibini this year, hoping to get a back-to-back (win) this year,” pagpapatuloy ni Basiano.
Tatangkain niyang mapanalunan ang korona ng Miss Intercontinental na taglay ngayon ng Pilipinang si Cinderella Faye Obeñita. Itatanghal ang patimpalak sa Egypt sa susunod na buwan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.