John Ernest Tanting ng Cebu naghahanda na sa ‘surprise’ international assignment
SA Mister International Philippines pageant nitong Hunyo, nagtapos si John Ernest Tanting ng Cebu City sa Top 10, nabigong makasungkit ng titulong magbibigay sa kanya ng pagkakataong maiwagayway ang bandera ng bansa sa pandaigdigang entablado.
Ngunit ilang buwan makaraan ang patimpalak, taglay na niya ang sarili niyang pambansang titulo, at naghahanda na para sa pagsabak sa inaugural edition ng isang international pageant.
Opisyal nang iginawad kay Tanting ang titulong Mister Beauté Internationale Philippines sa “sashing ceremony” ng Mister International Philippines (MIPH) organization sa Novotel Manila Araneta City sa Quezon City noong Set. 8. Tinanggap niya at ng mga runner-up ng pambansang patimpalak sa naturang programa ang kani-kanilang national title na magdadala sa kanila sa iba’t ibang global contest.
Dahil sa bago niyang titulo, tutulak si Tanting sa Istanbul, Turkiye, para sa unang edisyon ng Miss and Mister Beauté Internationale pageant sa Nobyembre.
“I was with my parents in the car when I received a text from the organization, saying ‘you’re going to be competing in an international pageant,’” ibinahagi niya.
Batid niyang kailangan niyang bumalik agad sa gym sapagkat ang katawan niya ang isa sa mga kinakailangan niyang pagtuunan ng pansin. Nagpakabit na rin siya ng braces upang pumantay ang mga ngipin niya. “I’m working on improving every little aspect so that I can be the best version and perfect version of myself in Turkiye,” ani Tanting
Paligsahan ng babae at lalaki ang international pageant na lalahukan niya, kaya magpapatawag ang MIPH ng auditions ngayong buwan upang mapili ang makakatambal niyang “Miss.”
Maliban kay Tanting, opisyal ding ginawaran ng MIPH ng kani-kanilang titulo ang apat na runner-up. Hinirang na Mister Global Philippines si first runner-up Mark Avendaño, habang Mister National Universe Philippines naman si second runner-up Michael Ver Comaling.
Iginawad kay third runner-up Kitt Cortez ang titulong Mister Tourism International Philippines, habang natanggap ni fourth runner-up Andre Cue ang titulong Caballero Universal Filipinas.
Samantala, tinanggap ni Mister International Philippines Myron Jude Ordillano ang espesyal na titulong “Mister Kemans” sa sashing ceremony.
Lahat silang anim lalaban sa kani-kanilang international competitions. Unang sasabak si Ordillano, na kakatawan sa Pilipinas sa ika-14 edisyon ng Mister International pageant, na itatanghal sa Pilipinas sa Oktubre.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.