Mga ‘prinsipe’ ng Misters of Filipinas pageant 'hari' na ngayon | Bandera

Mga ‘prinsipe’ ng Misters of Filipinas pageant ‘hari’ na ngayon

Armin P. Adina - August 30, 2022 - 06:24 PM

Mister Model Worldwide Philippines Derick Allen Lauchengco (L) and Mister Super Globe Philippines Romel Ayag | MISTERS OF FILIPINAS FACEBOOK PHOTOS

DALAWANG prinsipe ng 2021 Misters of Filipinas pageant ang umangat at mga hari na ngayon nang tanggapin nila ang mga bagong titulo bilang mga kinatawan ng bansa sa mga international pageant.

Hinirang bilang Misters Model Worldwide Philippines si Second Prince Derick Allen Lauchengco ng Laguna, habang Mister Super Globe Philippines naman si Third Prince Romel Ayag ng Caloocan.

Isinagawa ang paggawad ng mga bagong titulo sa kanila sa pagdaraos ng final callback ng mga aplikante ng 2022 Misters of Filipinas pageant sa Winford Manila Resort and Casino noong Agosto 28.

Sa pagtatapos ng 2021 Misters of Filipinas pageant noong Oktubre sa Negros Occidental, tanging ang pangunahing nagwaging si Nadim Elzein lang ang hinirang na hari at tinalagang kumatawan sa bansa sa isang pandaigdigang patimpalak—ang Man of the World pageant.

Sa isang panayam ng Inquirer noong mga panahong iyon, sinabi ng pangulo ng organizer na Prime Event Productions Philippines (PEPPS) Foundation Inc. na si Carlo Morris Galang na maaari pa ring mabigyan ng pagkakataon ang mga prinsipe na kumatawan sa Pilipinas sa mga pandaigdigang patimpalak kung magkakataon.

Derick Allen Lauchengco

Mister Model Worldwide Philippines Derick Allen Lauchengco/MISTERS OF FILIPINAS FACEBOOK PHOTO

Ilan kasi sa mga haring hinirang sa 2019 Misters of Filipinas pageant ang hindi pa nakasasabak sa mga paligsahan sa ibayong-dagat na lalahukan sana nila noong 2020, sapagkat natigil ang pagdaraos ng mga patimpalak bunsod ng pandemyang bunga ng COVID-19.

Sinabi ni Galang na uunahin munang isaalang-alang ang mga nakabinbing hari ng 2019 sa pagpili ng mga kinatawan ng bansa sa mga pandaigdigang patimpalak, habang nakaantabay naman ang mga prinsipe ng 2021. Walang idinaos na Misters of Filipinas pageant noong 2020 dahil sa higit na mahigpit na mga pagbabawal na umiiral noong taong iyon.

Nauna nang nabigyan ng pagkakataon si First Prince Junichi Yabushita ng Cebu City na makasalang sa pandaigdigang entabalado nang mapili siya bilang kinatawan ng bansa sa dibisyong panlalaki ng unang edisyon ng Mister and Miss Runway Model Universe competition na idinaos sa Pilipinas noong Mayo. Nasungkit niya ang titulo.

Romel Ayag

Mister Super Globe Philippines Romel Ayag/MISTERS OF FILIPINAS FACEBOOK PHOTO

Sunod namang lumaban si Elzein sa 2022 Man of the World pageant noong Hunyo, sa Pilipinas din. Nagtapos siya bilang second runner-up.

Sa isang online interview ng Inquirer, sinabi ng opisyal ng PEPPS na si Aski Pascual na lalaban si Lauchengco sa ikatlong edisyon ng Mister Model Worldwide search sa India sa Disyembre. Wala pang lugar at petsa ang Mister Super Globe contest na sasalihan ni Ayag.

Kasalukuyan na ring gumugulong ang ikasiyam na edisyon ng Misters of Filipinas pageant kung saan pipiliin ang mga tagapagmana ni Elzein at ng mga prinsipe niya. Itatanghal ang coronation night sa Newport Performing Arts Theater ng Newport World Resorts sa Pasay City sa Okt. 16.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Pipiliin sa 2022 Misters of Filipinas pageant ang mga kakatawan sa Pilipinas sa mga pandaigdigang patimpalak sa 2023—ang Man of the World contest ng PEPPS, at ang mga kumpetisyong Mister Model Worldwide, Mister Fitness Model World, Mister Tourism and Culture Universe, at Mister Super Globe.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending