Misters of Filipinas pageant nakapili na ng 20 kalahok
IPINAKILALA na ng Misters of Filipinas pageant ang 20 sa mga kandidatong magtatagisan sa ika-9 nitong edisyon ngayong taon.
Ito’y matapos ang ginanap na “final callback” ng mga aplikante na isinagawa ng organizer na Prime Event Productions Philippines (PEPPS) Foundation Inc. sa ballroom ng Winford Manila Resort and Casino noong Agosto 28.
Tinipon ng PEPPS sa final callback ang mga aplikanteng nakapasa sa online screening para sa mas masusing pagsasala na isinagawa nang face-to-face.
Maliban sa 20 mapapalad na aplikante na mga opisyal nang kandidato ng 2022 Misters of Filipinas, may apat na ginawaran ng “wildcard status,” katulad ng ginawa ng PEPPS sa nagdaang edisyon.
Sinabi ni PEPPS official Aski Pascual sa Inquirer sa isang online interview na magsasagawa sila ng pagsusuri sa loob ng tatlong linggo upang masukat kung may progreso “on some aspects needed” ang apat na wildcard.
Maaari ring umangat ang isang wildcard na aplikante kung may isang opisyal na kandidatong aatras, dinagdag pa niya.
Sinabi pa ni Pascual na nasa 35 ang panghuling kabuuang bilang ng mga opisyal na kandidato para sa ikasiyam na Misters of Filipinas pageant. Magmumula sa mga prangkisa sa iba’t ibang lalawigan at mga pamayanang Pilipino sa ibayong-dagat at ibang mga kalahok.
Pipiliin sa 2022 Misters of Filipinas pageant ang mga kakatawan sa Pilipinas sa mga pandaigdigang patimpalak sa 2023—ang Man of the World contest ng PEPPS, at ang mga kumpetisyong Mister Model Worldwide, Mister Fitness Model World, Mister Tourism and Culture Universe, at Mister Super Global.
Itatanghal ang Misters of Filipinas coronation night sa Newport Performing Arts Theater ng Newport World Resorts sa Pasay City sa Okt. 16.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.