PINALAGAN ni Whamos Cruz, kilalang content creator at Tiktoker ang mga lumait sa ipinamahagi niyang pagkain sa mga nagtapos ng Senior High School kabilang ang kanyang girlfriend na si Antonette Gail.
Nagkusang loob si Whamos na mamahagi ng food pack at bottled water sa buong grumadweyt na umabot sa 500 students na ang katwiran kasi ng Youtuber ay walang mabibilhan ng pagkain sa venue at tiyak na aabutin ng gutom ang mga nagsipagtapos.
Dokumentado ang ginawang pagluluto at paghahanda ni Whamos at inilagay niya sa YouTube channel niya kasama ang mga kaibigan sa food pack na ang laman ay kanin at tig dalawang pirasong hita ng manok at inilagay sa malilinis sa kahon.
Kita na masaya at nagpasalamat ang mga estudyanteng nabigyan ng food pack at bottled water ni Whamos maging ang kasintahan niyang si Antoinette Gail ay tuwang-tuwa rin sa kawanggawa ng nobyo.
Pero heto hindi napigilan ni Whamos ang sarili na maglabas ng sama ng loob dahil sa panglalait sa pagkaing pinamigay niya sa pamamagitan ng FB live nitong Biyernes ng gabi tungkol sa mga pumik-ap sa pictures nila ni Antoinette Gail ng walang paalam at may inilagay na link na iba naman ang nilalaman.
Ang sentimyento ng kilalang social media influencer, “Hey what up guys. May mga lilinawin lang ako.. sa dinami-dami ng Facebook page na kumakalat about doon sa ibinigay naming food ni Antoinette doon sa graduation niya.
“Alam n’yo guys ‘yung iba’t ibang klaseng Facebook page kung kukuha po kayo, actually wala nga kayong paalam sa amin, eh kahit kinukuha n’yo ‘yung mga picture namin para lang mai-post n’yo sa facebook page n’yo tapos may mga link-link kayo, di ba?” umpisa ni Whamos.
“Sa akin naman sana ‘yung caption ninyo pakilinaw naman ng maayos kung magpo-post kayo ng picture namin sana ‘yung caption n’yo maging maganda naman sa pandinig ng tao kasi hindi kayo ang nasisira, kami po,” pagpapatuloy niya
Aniya, hindi naman ang mga ito ang nagpakahirap na magluto at maghanda ng food packs na kanilang pinamahagi.
Dagdag pa ni Whamos, “May nilalagay pang link na (kapag klinik) na ang pinamimigay ko raw pancit canton lang. Nakita n’yo ba ‘yung vlog namin kung gaano kahirap magluto? Kung gaano karami ang binigyan namin, limang daang estudyante ang binigyan namin nu’ng araw na ‘yun.”
“Panoorin n’yo po kung ano ‘yung binigay namin. Hindi kamahalan aminado ako pero ang intensyon ko do’n tumulong. Ang intensyon ko ro’n magbigay ng pagkain sa mga estudyante dahil walang mabibilhan ng pagkain doon at ako mismo ang nag-suggest no’n hindi sila nanghingi,” hirit pa niya.
Sabay tanong ni Whamos sa mga dumukot ng mga larawan nila at pinost sa sariling FB page, “ikaw ba na may Facebook page naisip mo bang magbigay ng pagkain sa mga grumadweyt? Naisip mo ba ‘yun, ha?”
Huling pakiusap pa nito ay i-edit na lang ‘yung mga caption at link dahil hindi naman tama lahat.
“Maraming salamat po sa inyong lahat, peace out!” pagtatapos ni Whamos.
Related Chika:
Whamos Cruz ibinandera ang pagiging ama, hirit ni Xian Gaza: Huwag naman sana niyang maging kamukha
Whamos Cruz nag-ala Coco Martin; tinakpan ang mukha para hindi paglihian ng dyowa