INAMIN ni Senator Robinhood Padilla na nahihirapan siya kapag nagsasalita na ng English ang mga kapwa senador kapag nasa session na sila.
Sa panayam ni Sen. Robin sa senate reporters kaninang tanghali, “’Yun lang nahihirapan lang ako kapag nag-i-inglesan na… Puwede dahan-dahan lang?”
Hindi naman naiwasan ng mga kausap na senate reporters ni Robin na matawa dahil inisip nilang joke ito pero seryoso ang legislator.
“Mahalaga ‘yung journal, eh. Kaya binabasa ko ‘yung journal kasi nandoon lahat,” sambit pa ng senador.
Sa tanong kung ano ang ginagawa ni Sen. Robinhood para makahabol sa usapan ng kapwa senador.
“Nakatunganga Ma’am ako!” pag-amin nito. “Okay-okay lang ako, bukas mababasa ko sa journal ito.”
Dagdag pa, “hindi naman lahat ay hindi ko naiintindihan pag gumamit lang sila (kapwa senador) ng English na pang dictionary. Marami (nagsasalita ng English) talaga lalo na pag nagtatalo na (debate).
“Nu’ng nagtalo si Senator (Loren) Legarda at saka si senator (Francis) Tolentino saka si senator Coco (Pimentel), ‘yun nagkalabasan na ng mga Webster (dictionary) do’n. Medyo…tenga ko dumugo! Ha, ha, ha hindi naman ako pinagsalita, eh.
“Huwag naman tayong magpapahalata, kunwari tumatango-tango ka pa (sabay muwestra). Pero nasa isip ko, ano raw? Ha, ha, hahaha.”
Inamin din na kinabukasan ay kaagad hinahanap ni Robin ang journal (nakasaad lahat ng napag-usapan sa senado).
“Pagpasok ko agad, asan ‘yung journal tapos binabasa ko na. Makikita n’yo ang journal ko may mga linya, kapag may linya ibig sabihin no’n kailangan ko ng dictionary kung ano ‘to (ibig sabihin),” pagtatapat ng baguhang senador.
Aminado rin si Sen. Robinhood na since bago siya ay nakikisama siya sa lahat sa senado at masaya siya sa bago niyang trabaho ngayon.
“Exciting. Gusto ko umaga na kailangang makibagay talaga. Para sa akin kasi team player ako, eh. Akala ko kasi nu’ng una kapag may reaksyon puwede mo nang gawin, e, may rules,” saad nito.
Mapapanood ang buong panayam ni Robin sa kanyang Facebook Live ngayong araw.
Related Chika:
‘Robinhood ang itawag n’yo sa akin’ — Robin Padilla
Robinhood Padilla nais gawing legal ang paggamit ng medical marijuana