Vice-Gov. balik sa pagsusuplado matapos ang eleksyon
Wacky Leaks - July 22, 2022 - 07:02 PM
Ilang linggo pa lang sa kapitolyo pero marami na ang nakakapansin sa pag-iiba ng ugali ng isang bagitong bise gobernador.
Hindi bago sa kapitolyo ang ating bida dahil dati na rin siyang humawak ng posisyon dito bago tumakbo at nanalo sa kanyang bagong pwesto.
Kung nung araw ay medyo may pagkasuplado itong gwapong opisyal na bida sa ating kwento, ngayon ay lumabas na rin ang kanyang kayabangan.
Gustong ipa-review ng bagitong opisyal pati ang mga proyekto ng national government sa kanilang lalawigan.
Kapag nagkataon ay magiging dahilan ito ng pagkabalam sa mga proyekto lalo yung mga nasa ilalim ng Build Build Build program.
Dumaan na ang mga ito sa mahigpit na pag-aaral ng National Econonomic Development Authority (NEDA) at iba pang ahensya ng gobyerno.
Bukod dyan ay naging maangas na rin ang pakikitungo ng opisyal sa mga local media members sa kanilang lalawigan.
Tama ang sinabi ng aking cricket na pakitang tao lang dating ang ginagawa nitong pakikihalobilo sa mga kasapi ng media sa kanilang lugar nung panahon ng kampanya.
Pati ang mga dating kaibigan sa kapitolyo ay napansin na rin ang tila ay pang-iisnab sa kanila ng ating bida lalo na kapag ito ay nakakasalubong nila.
Ang dating supladito ay mas lalong naging suplado ayon sa ilang empleyado ng kapitolyo.
Hindi na rin ako magtataka na balang araw ay targetin rin niya ang posisyon bilang gobernador tulad ng kanyang pangako sa ilang mga kabarkada.
Ang opisyal na bida sa ating kwento ngayon araw ay si Vice Gov. A….mula sa mayamang lalawigan sa Central Luzon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.