Nag-isip ka na bang mag-suicide?
IPINAGDIRIWANG natin ang “Suicide Prevention Week” tuwing ikalawang lingo ng Setyembre, sa pangunguna ng Department of Health. Ito ay kasabay sa pandaigdigang “Awareness Campaign on Suicide Prevention”.
Bakit nga ba dapat bigyan pansin pa ang suicide o pagpapatiwakal? Kung papansinin maraming mga balita tungkol sa suicide.
Ang pagkitil ba sa sariling buhay ay sadyang may partikular na dahilan? Siyempre naman!
Maiiwasan ba ito? Siyempre naman! Paano pahahalagaan ang buhay? Nag-iisip ka ba na tapusin na ang lahat? Ang mga ito ang ating tatalakayin ngayon.
Bakit ka nga ba nakakapag-isip nang hindi tama (suicide)? Feeling mo lang siguro ay nalulungkot ka, nag-iisa, sobrang mabigat ang problema, nawawalan ng pag-asa, kalaban mo ang buong mundo, wala nang nagmamahal sa iyo.
Maaring totoo ang pakiramdam mo nguni’t hindi dapat paniwalaan ito dahil ang ganitong pag-iisip ay kulang sa tamang direksyon o “rationality”.
Natural na malikot ang kaisipan ng tao. Gusto nito ay palaging kasiyahan, kaaliwan, at control. Gusto nito na ulit-ulitin ang karanasan na ganito. Gusto ng kaisipan ng tao ng kontrol sa paligid niya, at siya ang sentro ng buong mundo (self-centeredness).
Ang katotohanan lamang na hindi matanggap-tanggap ng kaisipan ay ang katotohanan na wala siyang “absolute control”.
Ito ang dahilan kung bakit ang tao ay nadi-disappoint at napu-frustrate. Dito nag-uumpisa ang kalungkutan na kapag hindi natanggap ang katotohanan ay maaring magdala sa kaisipan ng mga karamdamang nasabi na.
Ang pinakamatinding depression ay maghahatid ng “desperation” na ang kasunod ay ang pagpapatiwakal. Samakatuwid, and puno’t-dulo ng suicide ay ang pagiging makasarili, ang paniniwala ng kaisipan na siya ang may pag-aari ng buong pagkatao kasama na ang katawan.
Hindi ikaw ang may-ari ng buhay!
Ito ang rason kung bakit hindi mo makontrol kung ano ang mangyayari rito. Kailangan maintindihan mo na ang Diyos na may lalang sa tao ang siyang may-ari ng buhay at Siya lang ang tanging may karapatan na kunin ito ayon sa kanyang panahon.
Ang maluwag na pagtanggap sa katotohanang ito ang siyang sekreto upang maiwasan ang suicide. Ito ang tamang espiritwalidad, na ayon sa mga pagsasaliksik ng syensya ay naiiwasan ang suicide kapag naisabuhay ang pagiging espiritwal, ang pagtanaw sa kapangyarihan ng Poong Maykapal.
Ang pagpapasalamat at pagpapahalaga sa bawa’t sandali na ikaw ay nabubuhay ay malaking hakbang tungo sa kalusugan ng kaisipan. Hindi tama ang ihambing mo ang iyong sarili sa iba at maisip mo na may kakulangan sa iyo, tapos sasabayan mo ng inggit na magsisindi ng galit dahil nga sa isip mo ay ikaw na ang pinakakawawa na nilalang sa mundo.
Dito nakasalalay ang kalusugang pang-kaisipan.
Ano ang mangyayari sa iyong kaisipan (mind) na parte ng iyong pisikal na kaluluwa (physical soul) kapag nahiwalay siya sa katawan dahil nga sa nawalan na ng buhay ito dahil sa pagpapatiwakal? Pagkamatay, naniniwala ka bang tapos na ang lahat?
Ikagugulat mo na malayo pa pala sa dulo at patuloy pa rin ang iyong paghihirap, paghihirap na ikaw din ang may kagagawan dahil lamang ang iyong kaisipan ay mapagmalaki, malikot at walang pagkakuntento.
Kung titingin ka sa paligid mo, makikita mo na napakapalad mo dahil marami pa ang mas naghihirap sa iyo. Magpasalamat ka sa tinatamasa mong biyaya!
Gusto mo pa rin bang tapusin ang buhay mo? Kaibigan, hindi na di ba?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.