Ate Guy pasikretong pumunta sa Malacañang para personal na magpasalamat kay Pangulong Duterte
FINALLY, nagkita na rin sina Superstar Nora Aunor at President Rodrigo Duterte kahapon sa Palasyo ng Malacañang.
Balitang palihim at walang coverage na nagtungo sa Malacañang ang award-winning veteran actress para personal na magpasalamat kay P-Duterte.
Ito’y matapos ngang isama ng Pangulo ang pangalan ni Ate Guy sa listahan ng mga bagong National Artists para sa taong 2022.
Isang empleyado sa Palasyo ang nag-post ng litrato nina Ate Guy at Pangulong Duterte sa social media na pinusuan ng mga Noranians at ng mga netizens.
May nabasa naman kaming comment sa socmed na sandali lamang daw ang pagkikita at pag-uusap ng Superstar at ng Pangulo.
“Parang kagagaling lang ni Ate Guy sa hospital at mukhang babalik pa sya sa hospital,” ang sabi ng isa sa nakasaksi sa insidente.
Mukhang totoo naman ito dahil habang sinusulat namin ang balitang ito ay balik-ospital na umano ang nag-iisang Superstar.
Hanggang ngayon ay wala pa ring inilalabas na official statement ang pamilya ng veteran actress at National Artist tungkol sa tunay niyang sakit.
May isa kaming nakausap na source na nagkuwento sa amin kung ano talaga ang iniindang karamdaman ng Superstar pero nakiusap siya na huwag muna namin itong isulat at isapubliko.
Aniya, hindi naman daw life-threatening ang karamdaman ni Ate Guy pero kailangan pa raw maobserbahan ang kundisyon nito para masigurong tama ang magiging diagnosis sa kanya ng mga doktor.
Sabi ng aming source, hintayin na lang daw ang ilalabas na opisyal na pahayag ng mga anak ni Nora tungkol sa tunay niyang health condition.
Nauna rito, nabanggit ng veteran showbiz columnist at radio host na si Nanay Cristy Fermin, na biglang nahirapang huminga si Ate Guy kaya isinugod siya sa ospital.
Ito yung araw ng pagpunta sana ng premyadong aktres sa Malacañang para tanggapin ang kanyang award bilang National Artist for Film noong June 16.
Hindi siya pinayagan ng kanyang mga doktor na lumabas ng hospital nu’ng araw na yun kaya ang mga anak lamang niya ang tumanggap ng plake mula kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Kuwento ni Nanay Cristy na isang certified Noranian, talagang nalungkot at nabahala siya nang mabalitaan na may karamdaman si Ate Guy.
“Kaya nu’ng nalaman ko na hindi siya nakakahinga nang maayos, lagi siyang naka-oxygen, hanggang sa dalhin na sa ospital at binabantayan na, parang ang lakas-lakas ng suntok sa puso ko talaga,” pahayag ni Nanay Cristy sa kanyang radio program.
Sa katunayan, pinaghandaan daw ng award-winning actress ang pagtanggap sa kanyang National Artist award pero napurnada nga dahil sa bigla niyang pagkakasakit.
“May sakit naman si Nora Aunor. Hindi naman niya kaya. Pinaghandaan niya ito, sabi nga ng mga anak niya nagpagupit pa raw ng buhok.
“Matagal na niyang pinaghandaan ang pinakamataas na antas ng parangal sa kahit sinong artista,” sabi ni Nanay Cristy.
“Nagpagawa pa raw ng damit, pero pagdating nung awarding, hindi niya kakayanin. Sabi, ayaw payagan ng mga doktor niya si Nora Aunor na umalis at lumabas ng ospital,” aniya pa.
Samantala, hinihintay na rin ng madlang pipol ang magiging kuwento ng panganay ni Nora na si Lotlot de Leon tungkol sa kanilang pagbabati.
Si Lotlot ang aligaga at palaging nagbabantay kay Ate Guy sa ospital sa tulong na rin ng iba pa niyang kapatid tulad nina Ian at Matet de Leon.
Kung matatandaan, ilang taon na ring napapabalita na hindi nag-uusap at nagpapansinan ang mag-ina dahil sa ilang personal na isyu ngunit tinuldukan na nga raw nila ang kanilang misunderstanding.
https://bandera.inquirer.net/315785/anu-ano-ang-mga-benepisyong-matatanggap-ni-ate-guy-at-ng-iba-pang-itinanghal-na-bagong-national-artist
https://bandera.inquirer.net/315658/nora-aunor-itinanghal-bilang-isa-sa-mga-national-artists
https://bandera.inquirer.net/297383/vilma-inaming-nagkaroon-sila-ng-tampuhan-noon-ni-nora-aunor
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.