Jelai Andres naghihinagpis sa pagkamatay ng mga alagang aso: Bakit naman nilason n’yo?

Jelai Andres naghihinagpis sa pagkamatay ng mga alagang aso: Bakit naman nilason n'yo?

NAPAIYAK ang aktres at vlogger na si Jelai Andres matapos niyang mabalitaan na namatay ang kanyang dalawang aso.

Base sa YouTube vlog na ibinahagi niya nitong Huwebes ng gabi, June 8, na may naglason sa kanyang mga alaga.

Sa ngayon kasi ay nakahiwalay ng tirahan so Jelai sa kanyang pamilya at kasalukuyang tumutuloy sa isang condominium kaya hindi ito aware sa nangyari sa kanyang asong sina Neko at Kitty.

Nang dalawin siya ng mga kapatid ay dala dala na nila ang mga cremated ashes nina Neko at Kitty.

Aminado ang ate ni Jelai na hindi nila alam kung paano ito sasabihin sa nakababatang kapatid sa telepono kaya minabuti na lamang nila na puntahan na lamang ang kanilang bunso kahit na hindi nila alam ang magiging reaksyon nito.

 


“Ha? Hoy! Teka lang,” saad ng aktres na napabalikwas mula sa pagkakatulog nang dumating ang kanyang mga ate.

Agad na napahagulgol si Jelai nang malaman ang masamang balita at mas lalo pa itong naluha nang hawakan ang mga labi ng namayapang alaga.

Base sa kwento ni Ate Candy ay una raw nawala ang asong si Neko at agad na siyang kinutuban na may masamang nangyari rito samantalang si Kitty ay tila aligaga at marahil hinanap ang anak na si Neko kaya ito lumabas.

“Bakit n’yo nilason? Hindi naman nangangagat. Bakit n’yo nilason?”

Nakauwi pa raw si Kitty sa kanilang bahay kahit gumugulong na siya sa kalsada ngunit hindi na kinaya ng kanyang katawan ang lason.

“Grabe kayo… Mabuti sana kung may sakit ‘yung mga aso. Nilason n’yo. Ang sakit sakit. Pinatay n’yo,” humahagulgol pa ring sabi ni Jelai.

Maging ang isa pa raw na asong si Whitey ay nilason rin daw ngunit malakas ang resistensya nito at kinaya ang lason sa katawan.

Saad ni Jelai,”Walang kalaban-laban ‘yung aso. Hindi ko alam kung paano kami makaka-move on. Lahat kaming buong pamilya tulala lang, hinang-hina kami

“Parte po ng pamilya ‘yung mga alaga. Huwag n’yo pong patayin. Hindi naman makakalaban, walang kalaban-laban yung aso. Ang sakit talaga. Hindi ko man lang sila nakita.”

Hindi niya raw alam kung paano gagaling at makakaudad mula sa nakalulungkot na pangyayari pero iisipin na lang daw niya na magiging tao na ang mga alaga o di kaya’y may mga sinagip itong buhay para gumaan kahit papaano ang kanyang pakiramdam.

Nabalitaan rin nila Jelai na maski sa ibang street sa kanilang subdivision ay may mga asong namatay.

Hindi daw niya malaman kung pumapatay ba ng mga stray dogs ang mga tao sa likod nito gayong di naman stray dogs ang kanyang mga aso.

Humingi rin ng tulong si Jelai sa mga maaaring tumulong sa kanila sa nangyari sa mga aso nila maging sa iba pang namatay rin.

“Kung stray po ang mga pinapatay n’yo, mali po yang ginagawa n’yo. At saka wag po kayong pumatay ng stray. Kung hindi n’yo po kayang arugain, wag n’yo na lang patayin,” galit na saad ni Jelai.

Dagdag pa niya, “Kung target niyo ang stray dogs, hindi yung stray ang napatay niyo… Kahit naman stray iyan, inaampon nga namin yung mga stray, e.”

Related Chika:
Jelai na-depress dahil sa pag-ibig: Nakarating ako ng ospital, butas short ko!

Robin iniligtas ng alagang aso nang makaranas ng matinding depresyon: Siya ang nagbuwis ng buhay

Jelai Andres biktima rin ng pambu-bully, sinampal ng kaklase; pinuri ni Rhea Tan bilang epektib na endorser

Read more...