Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4 p.m. NU vs UST
(Final Four)
ISANG panalo pa at nasa UAAP men’s basketball Finals na ang De La Salle University. Gumawa ng season-high na 20 puntos na kinatampukan ng 6-of-11 shooting sa tres si LA Revilla para balikatin ang 74-69 panalo sa Far Eastern University sa kanilang playoff game kagabi sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Bago ito ay nangapa si Revilla sa kanyang tunay na porma nang magbigay lamang ng 4.3 puntos at may apat na tres lamang na naipasok sa 12 laro.
Ang huling tres na binitiwan sa 55.1 segundo ang naglayo sa Green Archers sa 71-63, para palawigin na rin sa walong sunod ang pagpapanalo ng koponan.
Hawak ngayon ng tropa ni Green Archers coach Juno Sauler ang mahalagang twice-to-beat advantage sa kanilang Final Four ng Tamaraws at kailangan lamang nila na manalo pa sa Miyerkules.
Si Terrence Romeo ay gumawa ng 22 puntos ngunit may 6-of-21 shooting lamang siya sa laro. Hindi rin nakatulong ang malamig na opensa lalo na sa tres ng ibang kasamahan para magtala lamang ng 5-of-34 shooting sa 3-point line ang Tamaraws na siyang number one three-point shooting team matapos ang double round elimination.
Ang rookie na si Jason Perkins ay may 14 puntos habang double-double na 13 puntos at 10 boards ang ibinigay ni Jeron Teng para sa nanalong koponan.
Magsasagupa naman ngayon sa Smart Araneta Coliseum ang number one team National University at number four squad University of Santo Tomas at kailangan lamang ng Bulldogs na manalo para pumasok na sa championship round.
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.