SAMPUNG taon na ring namamayagpag sa mundo ng showbiz ang real life love team na sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo na kilala rin bilang “KathNiel”.
Noong Setyembre 2021, naglabas ng YouTube vlog ang dalaga bilang marka at selebrasyon ng isang dekada nilang pagsasama ng onscreen partner at real life boyfriend.
Umang nagtambal ang dalawa sa youth-oriented series na “Growing Up” at magmula doon ay naging sunud-sunod na ang mga proyektong pinagsamahan ng dalawa kaya naman hindi na kataka-taka na isa sila sa mga namamayag na love team sa bansa.
Ngunit ano nga ba ang sikreto ng dalawa kung paano nila napanatili nang ganito katagal ang pagsasama?
“There’s no exact formula talaga na, ‘Okay, if you do this, magiging 10 years din kayo ng love team niyo, ito ‘yung secret,’ but I think, if there’s something na since day one, up until now, 10 years after, it’s respect and teamwork. Iyon ‘yung ginagawa namin ni DJ over the years,” saad ni Kathryn.
Dagdag pa niya, ““Iyon ‘yung nag-wo-work for us. So hindi ko rin masabi na gawin niyo ‘yun ta’s iyon ‘yung mangyayari sa inyo. But, kasi, teamwork is very important, na hindi niyo nakikita ang isa’t isa as competition. Dapat nagtutulungan kayo paakyat. With DJ, hawak-kamay kami, through thick and thin, nandiyan kami para sa isa’t isa.”
Kwento pa niya, palaging nakaagapay sa kanya ang kasintahan.
“Just yesterday, meron akong nahirapan na eksena, kasi feeling ko hindi ako ready doon. Pero sinabihan lang ako ni DJ, ‘Oh my God, na-feel ko na.’ That’s very important na tinutulungan niyo ang isa’t isa to be better. Ganoon ‘yung na-develop ko na relationship with him,” lahad ni Kathryn.
Sang-ayon naman si Daniel sa mga isinagot ng nobya.
Aniya, “It’s the same. It’s love and respect and ‘yung support sa isa’t isa. ‘Yung suporta namin sa isa’t isa, sa kahit anong eksena, iyon ‘yung pinaka-importante.”
At bilang selebrasyong ng kanilang 10th year sa industriya nang magkasama, muling magbabalik sina Kathryn at Daniel at bibida sa teleseryeng “2 Good 2 Be True” na mapapanood sa Netflix ngayong Mayo 13 samantalang May 14 naman sa mga ABS-CBN platforms.
Labis naman ang pasasalamat ng dalawa sa tiwala at sa opportunity na ibinibigay sa kanila ng kanilang home network.
“To create projects and to be given the opportunity to show it not just here in the Philippines but also through TFC, iWant, and now on Netflix, it’s such an honor and privilege for us,” sabi ni Kathryn.
Dagdag niya, “Hindi naman lahat nabibigyan ng ganiyang opportunity. Once binigyan ka ng ganiyang opportunity, you want to do something good, something great. You want to inspire more people. And hopefully, after this project, it will open more doors not just for us, but also for the company.”
Hirit pa ni Kathryn, “Kaya natin, na Filipino-made, basta bigyan ng time, bigyan ng tamang mga tao, kaya nating gumawa ng ganitong quality project. Nakaka-proud na slowly, pumapasok tayo, like with Netflix. It’s such a huge opportunity not just for us but sa ABS-CBN. We’re very grateful.”
Para naman kay Daniel, isang magandang pagkakataon na hindi lang sa Pilipinas mapapanood ang kanilang serye at accessible ito sa lahat , saan mang sulok ng bansa dahil marami raw sa mga kababayan natin sa ibang bansa ay nakalimutan na ang pagiging Pinoy.
“Maganda rin na napapanood ng mga kababayan natin, lalo na ‘yung mga nasa ibang bansa, lalo na ‘yung mga kabataan, ‘yung mga Filipino films, dahil punung-puno ng kultura na hindi na natin nakikita ‘pag malayo na tayo.
“Marami rin akong kilala na nasa ibang bansa na nakakalimutan na ‘yung root ng pagiging Pilipino. So importante rin na napapanood nila dahil mahalaga ‘yung Filipino values and culture natin,” pagbabahagi ni Daniel.
Related Chika:
Daniel inialay kay Kathryn ang kantang ‘Last Night On Earth’ ng Green Day: You are the moonlight of my life!
Daniel aminadong nagkamali noon kay Kathryn
Angel humirit tungkol sa pagpapakasal ni Kathryn; Dimples may warning sa KathNiel wedding