GINULAT ng Unkabogable Star na si Vice Ganda ang mga dumalo sa Leni-Kiko Bulacan campaign sortie nang sumampa ito sa entablado para magbigay pugay sa mga kapwa Kakampink.
Kinagiliwan ang biglaang appearance ng “It’s Showtime” host na talaga namang nagpahiyaw sa lahat ng mga Bulakenyo.
“What’s up, madlang pipol!” bati ni Vice Ganda.
Dagdag pa niya, “Gandang gabi madlang Pinkpol! Mula ngayon kayo na ang madlang Pinkpol.
Ani Vice, hindi naman daw talaga siya kasama sa mga artistang naka-line up sa naturang rally pero dahil nasa venue siya ay naisipan na rin niyang kumustahin ang mga dumalo sa rally.
“Hindi po talaga ako kasama sa programa ngayong gabi. Nandito lamang po ako at nagbigay pugay po kay Madam Leni at sa lahat ng mga narito.
“Napag-isipan ko, nakakahiya naman kung hindi ako sasampa at magbibigay pugay man lang sa inyo at magpapasalamat sa presensya n’yong lahat na naririto na mga magagandang Pilipino,” sey ni Vice.
Chika pa niya, ang desisyon na suportahan ang si VP Leni at ang mga kasama nito sa pagtupad ng “kulay rosas na bukas” ay isang desisyong “nakaka-proud”.
Lahad ni Vice, “Maraming salamat po sa suporta ninyo. Ang ginagawa ninyong pagsuportang ito ang desisyon n’yong tumindig at makiisa kay Madam Leni at sa kanyang mga programa ay desisyong nakaka-proud.
“Desisyong maipagmamalaki n’yo, hindi n’yo kinakailangang ikubli. Desisyong maipo-post n’yo sa Facebook nang hindi nahihiya dahil kapag sinulat natin sa balota ang pangalang Robredo, tayong lahat ang mananalo.
Matatandaang ginulantang ni Vice Ganda ang lahat matapos itong magpakita ng suporta para kay Vice President Leni Robredo sa nagdaang birthday people’s rally nito sa Pasay City noong April 23 na ginanap sa Macapagal Blvd.
Pormal na rin niyang inendorso ang kandidatura nito sa pagkapresidente.
“Sa gabing ito, opisyal kong ineendorso ang susunod na pangulo ng Republika ng Pilipinas, Leni Robredo,” saad ni Vice Ganda.
Dagdag pa niya, “Tayo dapat ang manalo. Mga bata pa lamang tayo, gusto natin kahit sa laro, tayo ang manalo, ‘di ba? ‘Pag sumasali tayo sa mga patimpalak… noong nagaaral pa lang tayo, gusto natin tayo ang nananalo. ‘Pag sumasagot tayo sa mga pagsusulit sa mga eskwelahan, gusto natin tama ang sagot natin.
“Kay Leni Robredo, tayo ang panalo, kay Leni Robredo, tama tayo. So bakit hindi natin kukunin ang pagkakataon na ‘to para gumanda at para gumawa ng desisyon na tama? Tayo naman ang manalo.”
Related Chika:
VP Leni kay Rep. Boying Remulla: Kung may pruweba, ilabas na
Gumanap na Mosang sa ‘Lenlen’series, nag-switch bilang kakampink?