PORMAL nang inanunsyo ng isa sa mga senatorial candidates na si Rodante Marcoleta na tumatakbo sa ilalim ng PDP-Laban ang kanyang pag-atras sa pagtakbo ngayong 2022 national elections.
Ayon sa inilabas nitong statement, ang dahilan ng kanyang pag-withdraw ay ang “poor showing” niya sa pre-election surveys.
Base sa inilabas na March survey ng Pulse Asia, nasa 24-30th rank lamang si Marcoleta at hindi man lang nakasampa sa winning circle ng mga senatorial bets.
“The fighter in me should be brave enough to read the writings on the wall. Let’s call a spade a spade,” saad ni Marcoleta.
Kinumpirma naman ni Comelec Commissioner George Garcia ang balita at sinabing personal siya nitong pinuntahan sa kanyang opisina para mag-file ng withdrawal.
“Pumunta po siya sa office ko dala ang withdrawal and referred him to the law department,” pagbabahagi ng Comelec commissioner.
Dagdag pa niya, kumpirmado na ang pag-atras ni Marcoleta sa pagtakbo at lahat ng makukuha niyang boto ay mga stray votes at hindi counted.
Sa kabila nito ay kinakailangan pa rin ng kongresista na magsumite ng Statement of Contributions and Expenses na nire-require sa lahat ng kandidato at dapat ipasa sa loob ng isang buwan matapos ang eleksyon.
Samantala, nagpasalamat naman si Marcoleta sa mga sumuporta sa kanyang pagtakbo kagaya nina President Rodrigo Duterte na isa sa mga nag-endorso sa kanya.
Bukod rito, pinasalamatan niya rin ang PDP-Laban at People’s Reform Party sa pag-adopt sa kanya bilang isa sa mga senatorial candidate nito.
Hindi rin nakalimutan ni Marcoleta na pasalamatan ang UniTeam sa pagsama sa kanya sa mga iniendorsong senatorial bets.
“I will be indebted forever to several people who chipped in their resources, time, and tons of hard work into my memorable campaign,” pahayag ni Marcoleta.
Sa kasalukuyan, siya ang Deputy Speaker ng House of Representatives at siya ring nagrerepresenta sa SAGIP Party-list.
Matatandaang isa si Rodante Marcoleta sa mga bumoto at tumutol sa muling pagbibigay prangkisa ng ABS-CBN noong 2020.
Isa rin siya sa mga nanguna sa pag-iimbestiga sa “alleged” violations ng Kapamilya network gaya ng hindi pagbabayad ng buwis na siyang pinabulaanan naman ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Related Stories:
Willie nanghinayang sa pag-atras ni Bong Go: Pero saludo ako sa naging desisyon mo!
Hugot ni Isko: Opo, lumaki akong busabos, ngunit hindi ako naging bastos!