Joel Lamangan hindi pabor sa censorship ng online platforms, may babala sa mga magulang

Joel Lamangan hindi pabor sa censorship ng online platforms, may babala sa mga magulang

JOEL LAMANGAN

ISA sa isinusulong ngayon ng Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB ay na magkaroon din ng censorship ang online platforms kung saan nagpapalabas ng mga sexy films tulad ng Vivamax.

At bilang direktor ng maraming pelikulang ipinalalabas sa Vivamax katulad nitong “Island of Desire” ay hiningan si Direk Joel Lamangan ng reaksyon kung pabor siyang dumaan sa MTRCB.

“Dapat hindi nila pakialaman ang mga nakalagay sa Netflix, ang mga nakalagay sa online apparatus. Dapat hindi na nila pakialaman ‘yun, ang pakialaman lang nila ay ang mga ginagawang pelikula na ipapalabas sa sinehan. Pero ‘yung mga tinatawag na online (platforms) ay hindi na dapat. Wala silang karapatang pakialaman ‘yun dahil iyon ay trabaho ng mga taong sinasabi nating dependable naman.”

Ano naman ang maisa-suggest ng direktor kung hindi ito dapat dumaan sa MTRCB dahil maraming kabataan ngayon ang malayang nakakapanood ng sexy movies sa online platforms o walang self-censorship.

“Dapat diyan papasok ang magulang o sinumang guardian na nasa tabi ng kabataan na ‘yan ay dapat sila ang may say kung ano ang hindi at dapat panoorin ng kanilang mga anak.

“Kung naniniwala sila na ang anak nila ay hindi pa kayang manood ng mga ganu’n bagay, dapat may mga pagbabawal na gagawin ang magulang o sinumang guardian ng tinatawag nating kabataan na ‘yuns.

“Diyan papasok ang katungkulan ng magulang. Hindi dapat i-asa ng magulang sa ibang tao ang pagpapalaki at pagpapatino ng kanilang mga anak. ‘Yan ang kanilang responsibilidad,”paliwanag mabuti ni direk Joel.

Samantala, natanong ulit ang direktor kung paano niya nailalabas ang galing ng mga artista niya sa mga ginagawa niyang pelikula anuman ang genre nito na posibleng magkaroon sila ng acting award in the future.

“Kinakausap ko sila kapag nakikita kong may kahinaan sila kinakausap ko at ipinaliliwanag ko sa kanila ang dapat nilang ginagawa upang ma-achieve nila ang dapat nilang ma-achieve bilang artista sa pelikulang ginagawa namin. Bago o lumang artista kinakausap ko sila kapag alam kong nangangailangan ng tulong na i-interpret ang character na naka-assign sa kanila at hindi ko tinatantanan hangga’t hindi nila nakukuha ng tama ang kinakailangan nilang gawin. Kung nagkataong nagka-award sila, ‘yun ay sa sarili na nilang effort,” paliwanag ni direk Joel.

Sa cast ng “Island of Desire” na sina Jela Cuenca, Rash Flores, Christine Bermas at Sean De Guzman ay sino sa kanila ang pinaka-desirable base sa pananaw ng direktor.

“Ang desirable sa akin ay kumbinasyon ng maraming bagay, una – maganda ang attitude, pangalawa – magandang babae, magandang lalaki at mahusay na artista. ‘Yun sa akin ang desirable, ‘yun ang magkasama-sama ng mga binanggit kong katangian.

“Lahat sila ay desirable dahil mahusay silang umarte maganda ang kanilang attitude at magaganda silang babae at lalaki, kade-kadesire talaga sila, paliwanag ni direk Joel.

Anyway, ang world premiere ng “Island of Desire” sa Vivamax ay sa April 1 produced ng Viva Films.

 

Related Chika:
Joel Lamangan bumilib kina Albie, Kit at Christine: Lahat sila professional!
Joel Lamangan puro baguhan ang katrabaho: Pandemic na nga, matanda pa ba ang kukunin ko?!

Read more...