ISA si Romnick Sarmenta sa mga hinahangaan naming artista mula noong kasagsagan ng kasikatan niya sa bagets days hanggang ngayon dahil napaka-maginoo, magalang, humble, hindi backbiter at magaling na aktor na hindi binago ng panahon.
Ilang beses na kasi namin siyang nakapanayam at wala kaming masasabing hindi maganda dahil napakalaki ng respeto niya sa media, sabi nga ni Nanay Cristy Fermin ay mabibilang sa daliri sa isang kamay ang mga artistang may ganitong katangian at isa si Romnick sa anak-anakan niya noong may Mariposa Publications pa.
Anyway, kaya namin naalalang isulat si Romnick ay dahil nakita namin ang post niya ngayong araw sa kanyang Facebook account.
Base sa post ng aktor, “Matagal na akong botante. Madalang akong mangampanya. Magmula ng bumoto ako, di mo ako makikita sa entablado ng kahit na sinong pulitiko.
“Hindi ko ugaling manghikayat, o mangumbinse ng tao sa sinong dapat piliin, o bakit sila dapat ang iboto. Iisa lang ang bilang ng balota ko. At ako lamang ang may responsibilidad dito.
“May mga pagkakataong hindi nanalo ang pinili ko. Nagparaya ako, naghintay at nag abang sa pangako ng panalo. Umasa, sumuporta, nagpatuloy sa pagiging Pilipino. Hindi naman ‘yun nababago ng sino mang nakapwesto.”
Ibinahagi rin ni Romnick kung ano mga naging pamantayan niya sa pagpili kung sino ang dapat ihalal sa puwesto.
“Paano ba pumili ng kandidato? Gusto nyo ba ng barumbado, o kaya eh pilosopo? Maganda nga ba ang pagpili ng taong nasa pamilya ng mga pulitiko? Mainam ba ang tumatakbo kapag puro pagpuna sa kalaban ang kayang atupagin nito? O nakapagyayabang ng nagawang serbisyo, na sa simula at dulo, ay bayad naman ng buwis mo… at natural na dapat nilang gawin bilang pagtupad sa mandato?
“Huwag na tayong magsugal at makipagsapalaran, mahirap yung para tayong niloloko. Hindi lang para sa isang araw ito. Ilang taon din tayong papasailalim ng kung sino mang mananalo. Sa araw ng halalan, sa gitna ng gulo, sa harap ng tukso,” sey ni Romnick.
Aniya, bago magpadala sa mga pangako at ayuda ng mga kandidato, dapat daw ay alalahanin muna ang mga anak na hindi pa maaaring bumoto, mga taong walang kakayahang bumoto, at ang buong Pilipino dahil ang pagboto ay isang responsibilidad at ang isang boto ay maaring makaapekto sa buong bansa
“Kinabukasan at katiwasayan din nila ang nakasalalay dito. Sa simpleng papel na kailangan pangalagaan. Sa isang boto na magbubuhat ng isang tinig at nakasaad ang iyong pangalan. Sa gitna ng ingay ng pangako at pasiklaban, pumili ka ng makakatugon sa kanilang kinabukasan. Boboto ako, hindi kaila sa sinuman kung sino,” paliwanag mabuti ni Romnick.
Dito ay tuluyan nang inihayag ng aktor kung sino ang kanyang napupusuang kandidato sa darating na eleksyon sa May 9 — yan ay walang iba kundi sina Vice President Leni Robredo at Sen. Kiko Pangilinan.
Ani Romnick, hindi pa man niya nakakaharap ang mga kandidato kahit minsan ay itataya pa rin niya ang pangarap na kinabukasan.
Samantala, muling mapapasabak sa larangan ng aktingan si Romnick sa pamamagitan ng bagong teleserye nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo, ang “2 Good 2 Be True” mula sa direksyon ni Mae Cruz-Alviar mula sa RGE Drama Unit.
Related Chika:
Pagkalalaki ni Romnick pinagdudahan din ng mga kapamilya; pero keri bang magkaanak ng tomboy o beki?
OK lang ba kina Agot, Nikki at Romnick na magkaanak ng bading o lesbian?