Kung mabuti ang hangarin, ikaw ay igagalang. Kapag humanap ng gulo, iyon ay masusumpungan. —Kawikaan 11:27
MERON tayong presidente, anak nina Ninoy at Cory. Siya’y mahal ng taumbayan. Labis ang pagmamahal sa kanya ng taumbayan, kung ang paniniwalaan ay ang resulta ng mga survey, gayong hindi ka naman tinanong bilang mamamayan.
Meron ba tayong commander in chief? Meron nga ba? May alam ba sa pagiging commander in chief ang ating presidente? Meron nga ba? Talaga?
Noong sumiklab ang pangho-hostage sa Luneta sa mga turistang mula sa Hong Kong, meron tayong pangulo. Bagum-bago pa nga siya at napakabango pa sa masa, na kanyang tinawag na mga “boss ko.”
Inihayag sa media ng Ikalawang Aquino na lilipas din ang insidente pagkatapos na dumanak ang dugo sa bus at nabilang na ang mga patay, at sugatan, at sa paglipas ng maraming taon ay mangingiti na lamang kapag binanggit ang hostage drama.
Nainsulto ang mga Intsik. Nagalit ang mga Intsik. Mas mabuti pa nga ang kanyang ina, dahil nang paslangin ang mga magsasaka sa Mendiola ay nagpakita ito ng labis na kalungkutan at inutusan ang ilang miyembro ng Gabinete na salubungin sa kalye at kausapin ang nangngangalit na mga nagpo-protesta.
Nang mapatay ng mga Moro ang 19 na sundalo sa Al Barka, Basilan, hindi nakidalamhati ang commander in chief sa mga balo at mga paslit na inulila.
Bagkus, sinisi pa ang mga kawal at opisyal nito. Kinasuhan sa court martial ang mga opisyal at, ito namang court martial, pinarusahan ang ilan. Napatay ng mga NPA (New People’s Army) ang mga sundalo sa Samar.
Dedma lang at maging ang Human Rights Commission ay hindi naramdaman ang hapdi nang mawalan ng haligi ng tahanan. Siyempre, sino ba naman at saan galing si Etta Rosales, na para kay Miriam Santiago ay kailangang magbalik-aral sa Ingles.
Nang magpakita ng seryosong pag-aangkin ang China sa mga isla, buhanginan at bato na pag-aari ng Pilipinas, panghahamon ang isinagot ng commander in chief (siyempre, “commander in chief yata ako”), na mistulang tirador lang ang panlaban ng kanyang mga kawal sa makabagong bakal ng higanteng komunista.
Hindi padadaig kaya’t hanggang ngayon ay ipinagyayabang pa ang dalawang lumang-bagong barko, na hindi naman talaga pandigma kundi gamit ng US Coast Guard, na hanggang ngayon ay hindi pa napakikinabangan at di pa nasusubok ang kakayahan, na mistulang hawig din sa pork barrel (noong dekada 60, mabuti pa ang pinaglumaang US Federal Ships at karamihan sa mga ito ay ginamit bilang inter-island vessels ng Philippine Steam Navigation Co., Compana Maritima, Aboitiz Shipping, Go Thong at Sulpicio).
Si Cory, ang ina ng Ikalawang Aquino, ay commander in chief din naman, pero parating nasa laylayan ng kanyang saya sina Fidel Ramos, Eduardo Ermita, Renato de Villa, Ramon Montano, Alfredo Lim, Romeo Maganto, Jose Almonte, at, higit sa lahat, Estados Unidos; kaya naman hindi siya napabagsak ng pitong matitinding kudeta, na pinangunahan nina Cabauatan, Honasan, Lim, atbp.
Labis ang panliligaw ng commander in chief sa Moro Islamic Liberation Force at binigyan pa ng pera at nakipagkita pa sa Japan sa liderato ng rebelled. Mali ang akala ng commander in chief na lalatag na ang walang hanggang kapayapaan sa Mindanao kapag nakipagkasundo sa MILF.
Isinantabi at binalewala ang mandirigmang si Nur Misuari. Nang nilusob ng MNLF (paksyon lamang daw kaya’t di tuwirang maibunton ang sisi kay Misuari at di rin siya puwedeng direktang papanagutin), hindi alam ng commander in chief ang kagyat na gagawin at nanood na lamang, pati na ang nasa Malacanang, sa telebisyon habang nagaganap ang oras-oras na putukan; at malinaw na talo pa rin ang mga sundalong buta-butas ang bota at maninipis na suwelas habang ang mga senador at kongresista ay lantaran at hayagang pinagnanakawan ang taumbayan.
Porky ng ina ‘nyo. Laban, sugod, ang utos ng commander in chief, at mistula na ngang binanggit na pulbusin ang mga iyan. Teka, kay Erap iyan, ah. At pinulbos nga ni Erap ang mga Moro.
Walang nakapaligid na Fidel Ramos, Eduardo Ermita, Renato de Villa, Ramon Montano, Alfredo Lim, Romeo Maganto at Jose Almonte, o katulad man nila ang tikas, karanasan at pag-iisip sa commander in chief nang lusubin ang Zamboanga City. Voltaire Gazmin?
Hmmmph. Jailer lang o tagapagbantay sa bilangguan lang iyan kay Ninoy. Gera? Gazmin? Walang sumasagi sa alaala. Hindi iniwan ng senior officers ng hukbo noon si Cory kaya walang nagawa ang pangahas ng junior officers.
Hindi rin iniwan ng senior officers, at Estados Unidos, si Gloria Arroyo noon, kaya wala ring nagawa ang junior officers. Ngayon ay puro junior officers ang nasa Zamboanga, kaya…
Huwag kayong mag-alala. Nasa likod namin kayo, ang paniniguro ni Aquino sa mga taga-Zamboanga City. Nang magbilang pagkatapos ng pananalita ni Aquino, 52 sibilyan ang patay at 56 ang sugatan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.