Francine pinatunayang may himala, mala-eksena sa pelikula ang pinagdaanang hirap ng pamilya
Francine Diaz
PAK na pak na gawing mini-series o pelikula ang madrama at inspiring life story ng Kapamilya young actress na si Francine Diaz.
Matinding paghihirap at sakripisyo rin ang naranasan ng dalaga bago narating ang estado niya ngayon sa showbiz industry — bilang isa sa most promising stars ng ABS-CBN.
Inalala ng youngstar ang mga pinagdaanan niyang pagsubok noong nagsisimula pa lamang siya bilang artista at inamin niyang talagang hindi naging madali ang kanyang mga hinarap na challenge.
Kuwento ni Francine sa latest vlog ni Karen Davila sa YouTube, sa murang edad ay nagdesisyon siyang magtrabaho na para makatulong sa pangangailangan ng kanyang pamilya.
Napilitan din siyang tumigil sa pag-aaral matapos silang mabaon sa utang at sa katunayan, muntik pa silang mapalayas sa inuupahang bahay dahil hindi na sila nakakabayad ng kuryente at tubig.
“Hindi rin ako nakakapasok sa school kasi walang baon. Wala rin akong books. Nakikihiram lang ako.
“Parati akong absent tuwing exam day kasi hindi kami nakakabayad ng tuition,” pagbabahagi ni Francine tungkol sa pinagdaanang pagsubok sa edad na 10.
Kuwento ng dalaga, dito na niya naisipang subukan ang showbiz. Nagsimula raw siya bilang extra sa mga teleserye sa ABS-CBN.
“Parati akong nangungulit sa RM (road manager) na, ‘Meron po bang bago? May audition po ba?’ Lagi ko siyang tinatawagan, nangangamusta ako para lang (sabihin), ‘Bigyan niyo naman ako ng konti diyan,” lahad ng dalaga.
View this post on Instagram
Naibahagi rin niya ang naging experience niya sa isang direktor nang minsan siyang mag-try rumaket, “Nag-audition ako sa serye ni Kuya Jericho Rosales. Ang rule namin ni Mama, audition muna bago kumain para tipid tayo.
“So, bawal tayong kumain hangga’t hindi ka tapos mag-audition. So, siyempre, pag gutom, parang slow ka mag-pick up ng instructions. Hindi nagwo-work yung brain.
“So, parang may sinasabi yung director that time… audition pa lang po, ah, na hindi ko na-gets. Kasi gutom din ako noon, pero binibigay ko yung best ko sa audition.
“Tapos ang sabi niya, ‘Ang artista dapat matalino, hindi tatanga-tanga,’ yun ang sabi niya,” pagbabalik-tanaw ni Francine.
Ngunit hindi ito naging hadlang para mawalan siya ng pag-asa at itinuloy lamang ang paghahanap ng raket at pagpunta sa mga audition. Hanggang sa matanggap na nga siya sa seryeng “Kadenang Ginto” (2018-2020) na siyang naging daan para makilala siya bilang aktres.
Aniya, nangutang pa nga raw sila noon ng pamasahe para lang makapunta sa story conference ng “Kadenang Ginto.”
“Nag-Kadenang Ginto na, tanda ko ‘to, August, 2018, nakatanggap kami ng text na storycon nu’ng trailer, Kadenang Ginto na siya. May ibinigay na address. Punta naman kami. Nangutang kami sa RM ko ng pang-Grab kasi wala kaming pamasahe.
“Minsan nga po kinakatok namin ang kapitbahay namin madaling-araw para (manghiram ng) pamasahe,” pag-alala pa niya.
Isa pang hindi niya malilimutang tagpo na mala-eksena raw sa pelikula ay nang lumuwas sila sa Maynila para makisakay sa service ng ABS-CBN papuntang location.
Talagang inabutan pa raw sila ng ulan sa Quiapo, “Umulan siya, sumilong lang kami sa bridge sa mga nagtitinda sa gilid-gilid.
“So, hinintay naming tumila ang ulan. Nasa tapat kami ng simbahan. So, parang nag-pray ako na ayoko nang mangyari ito. Akala namin wala siyang katapusan.
“Tapos habang tumatagal, papalapit kami nang papalapit sa Kadenang Ginto, na naging door talaga sa maraming blessings. So, parang narinig talaga kami,” ang patunay pa ni Francine na talagay may himala.
https://bandera.inquirer.net/303220/fans-ni-andrea-sinisi-ang-nanay-ni-francine-kim-malungkot-sa-pagpasok-ng-2022
https://bandera.inquirer.net/295794/francine-diaz-sa-pagsali-sa-beauty-pageant-i-dont-think-its-for-me
https://bandera.inquirer.net/291762/francine-naibili-na-ng-bahay-at-sasakyan-ang-pamilya-pangarap-ding-makakuha-ng-college-diploma
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.