Online seller ng kakanin may 10 anak na sa edad 43; hinangaan ng mga Dabarkads
Riza Torres kasama ang 10 anak
HINANGAAN ng mga Dabarkads at loyal viewers ng “Eat Bulaga” ang isang nanay na nagawang buhayin at alagaan ang 10 anak sa kabila ng hirap ng buhay.
Isa ang 43-years-old na si Riza Torres na tubong-San Pedro, Laguna, sa mga naging choices sa “Bawal Judgemental” segment ng “Eat Bulaga” kung saan tampok ang mga magulang na may siyam na anak o higit pa.
Dito nga nabanggit ni Riza na sa edad niyang 43 ay meron na siyang 10 anak at 17 years old daw siya nang isilang ang kanyang panganay na 27 na ngayon.
Pero paglilinaw ni Riza, “May mga pagitan naman po, yung una po kasi 27, yung sumunod po 26, tapos 24, 23, 21, 18, 15, 12, 8, at 6 (bunso).”
Kuwento ng nanay, kahit daw napakahirap ng buhay ngayon lalo pa’t may pandemya pa rin, masaya naman daw ang kanyang pamilya.
“Sa awa at tulong po ng Diyos, okay naman po, nakakaraos naman po kahit paano,” pahayag ni Riza.
Chika pa niya tungkol sa ginagawang pagtulong sa kanya ng 10 anak, “Lahat po sila may kani-kaniyang gawain, kung ano po kasi yung itinuro sa akin ng mga magulang ko.
“Kung paano i-manage yung mga bata gaya ng ‘ganito ang gagawin mo ganito naman sa inyo,’ kaya po lahat ng mga anak ko kahit na marami sila, alam po nila yung gagawin nila.
“Hindi naman po sila gaya ng ibang kabataan na lumaki sa kalye,” aniya pa.
Hindi rin daw issue sa kanila ang hatian pagdating sa pagkain, “Hati-hati po talaga ‘yun. Sa totoo lang po hindi naman po sila mapili, kung ano naman po yung hinahain namin, kunwari po gulay, lahat po sila kakain.”
Noon daw ay sa palengke nagtitinda si Riza pero nang magkaroon ng pandemya ay nawalan na sila ng puwesto hanggang sumabak na rin siya sa online selling.
“‘Yun pong mga kakanin po na niluluto ko kapag ka ganitong panahon (Pasko at Bagong Taon) meyo mabili po, yung mga nakaraan po talagang down po kami, nawalan din po ako ng pwesto sa palengke,” aniya pa.
Katulong daw niya ang mga anak sa pagpapago ng kanilang kakanin business online. Marami rin daw siyang natututunan sa kakapanood ng video sa YouTube tungkol sa paggawa at pagbebenta ng kakanin.
“Nanood lang po ako ng nanood sa YouTube kung paano gumawa ng kakanin para po makatulong sa mister ko, doon ko po natutunan lahat, step-by-step.
“Tapos kung paano siya ibenta, nag-umpisa lang po ako sa pagpapatikim sa mga anak ko, tapos sabi po ng mga anak ko na ‘Mama ang sarap ng luto mo. ibenta po natin ‘yan Ma tutulungan ka namin,'” pahayag pa niya.
Mensahe naman niya sa 10 anak, “Wala na po akong ibang masasabi sa mga anak ko kasi tumutulong po sila sa akin.
“Sa lahat, sa gawain, sa paghahanap-buhay naiintindihan po nila yung sitwasyon namin ngayon. Proud po ako sa kanilang lahat,” lahad pa ni Riza.
https://bandera.inquirer.net/294437/maja-salvador-official-eb-dabarkads-na
https://bandera.inquirer.net/289698/bossing-kay-tito-sen-saan-ka-man-dalhin-ng-iyong-kapalaran-nasa-likod-mo-ang-buong-eat-bulaga
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.