Kalma lang tayo dapat sa Omicron, at magpasalamat | Bandera

Kalma lang tayo dapat sa Omicron, at magpasalamat

Jake J. Maderazo |
Wag Kang Pikon -
December 17, 2021 - 04:36 PM

omicron covid

Dapat ba tayong mag-overreact o magpanic sa paparating nang OMICRON VARIANT ng COVID-19 sa bansa?

Kung susuriin ang numero ng DOH at OCTA, walang dudang tinalo na natin o nawalan na ng kamandag ang mas nakamamatay na “DELTA VARIANT” .  Dito sa Metro Manila, 48 hanggang 53 na lamang ang mga bagong kaso bawat araw, kumpara sa 12 milyong populasyon dito. Wala nang lockdown sa Quezon City at iba pang lungsod. Maluwag ang mga ospital at nag-zero cases sa  ilang bayan sa NCR, Central Luzon at Calabarzon. Kahit dating nagsiksikan ang mga tao sa Divisoria, Luneta, mga mall at nakahalo pati mga “unvaccinated”, hindi tayo nagkakaroon ng spike o super-spreader event.

Pero, hindi nagpakampante ang gobyerno at hindi inalis sa ALERT LEVEL number 2 . At maliwanag na ito’y dahil sa inaasahang pagdating ng OMICRON. Nakakatakot ang mga balita, meron nang dalawa sa bansa, mga nagbiyahe mula Japan at Nigeria. Karaniwan, kapag nakapasok sa bansa ang variant, bibilang tayo ng apat na linggo  bago magkaroon ng “community transmission”. Kayat kailangan ang puspusang pagbabantay lalo na sa mga LGU.

Ang OMICRON ay may reproduction number na sumipa sa mas mataas na 4.18 bago bumaba sa kasalukuyang 2.96. Ibig sabihin, sampung beses na mas nakakahawa ito sa unang Wuhan virus at higit apat na doble  ang tindi sa DELTA variant.

Ang maganda rito at ang  resulta ng mga pag-aaral sa South Africa na puros “mild symptoms” lamang ang nararamdaman ng mga tinamaan. Kahit yong dalawang nakitaan ng OMICRON dito sa bansa ay parehong “asymptomatic” o mild lamang ang sintomas. Bukod dito, wala namang namamatay sa South Africa samantalang bineberipika pa rin ang balitang may namatay sa United Kingdom.

Di tulad ng nakamamatay na DELTA variant, naniniwala ang mga scientists na mas mahina ang OMICRON. Pero, kinakailangan talagang mapigilan ang mga “infected” para hindi sila makapanghawa ng iba. Kailangan silang  matukoy, ma-isolate upang hindi mabahiran ng OMICRON ang ating hangin sa buong bansa.  At sa tingin ko, mabisa ang “four door policy” ng DOH at talagang bantay-sarado ang ating  mga port of entries .

Anut-anuman, hindi na nakakatakot ngayon ang OMICRON. Una, bukod sa “mild” at “asymptomatic” ang epekto nito, marami nang subok na gamot na panlaban ngayon dito, kahit saang stage nito  na una kong binanggit sa mga dati nating kolum.   ito ay ang “over the counter” tulad ng FLUVOX, kasama na rin ang “MULNOPIRAVIR”-MOLNAFLU ng Mercks na ginagamit na ngayon sa mga ospital at ang mga bagong RITONAVIR-PAXLOVID ng Pfizer  at EVUSHELD ng Astrazeneca.

Ibig sabihin, di tulad noong ALPHA, BETA at sa simula ng DELTA, talagang hilong talilong ang ating health care system kung paano gagamutin ang critical at “serious”. Pero, ngayon, kumpleto ang mga gamutan  na parang nagdadahilan na lang ang mga may COVID. Katunayan, halos lahat ng ospital  ay isinasara o binabawasan na ang kanilang COVID wards.

At ang pinakamaganda rito, ay buhos ang buong pwersa ng gobyerno, LGU  at mamamayan sa pagtutok sa bagong variant na OMICRON . Salamat at hindi na natin pinuproblema ang tinalo nating DELTA variant. Pareho tayo ng sitwasyon ng Indonesia  kung saan humina na rin si DELTA variant at makakabantay din sila ng husto laban sa bagong variant.

Pero, hindi maswerte at may malaking problema ay ang mga bansang Vietnam, Malaysia, Thailand, Myanmar kung saan nananalasa pa ng husto ang DELTA variant, pagkatapos ay hahagupit at sasabay pa itong “OMICRON”. Iyan din ang nangyayari sa Europa, hindi pa humihina ang DELTA, nananalasa rin itong si OMICRON.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Kaya nga dito sa atin, sa halip matakot sa bagong “variant”, magpasalamat tayo sa Panginoon sa malaking swerte ng bansa natin. Makipagtulungan tayo sa gobyerno, sa DOH,  IATF at mga LGUs na handang handang labanan si OMICRON. Sabi ko nga kanina, isang variant na lang ang kalaban, ang OMICRON. Hindi katulad ng mga katabi nating mga bansa na dala-dalawa at magkasabay nilang nilalabanan ang DELTA at OMICRON.

Kaya, ang dapat mangyari ay mag-ingat tayong lahat , hindi lamang para sa sarili kundi sa kapakanan ng ating mga mahal sa buhay at kapwa Pilipino.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending