DEAR Atty.:
May asawa po ako at kasal po kami ng misis ko. Nag-abroad po siya at balak na niya kaming iwan kasi may mahal na raw siyang iba. Pag natapos na ang contract niya magsasama na raw sila, pwede ko po bang kasuhan ang misis ko? Ano po ba ang dapat kong gawin? May mga anak kami, tatlo. Thanks po. —Justine, 40, Iloilo,
Dear Justine:
Ang desisyon ng misis ninyo na makipaghiwalay sa inyo ay isang personal na desisyon. Hindi natin mapipilit ang isang tao kung sino ang dapat niyang mahalin, gayundin hindi natin mapipilit ang isang indibidwal kung nais niyang iwan ang kanyang mister o pamilya.
Gayunman, sa katanungan mo na kung maaari mo bang kasuhan ang misis mo ay maaari at maaari mong gawin. Ito ay isang karapatan ng isang indibidwal na sa palagay nila ay dinehado ng kanilang esposo o esposa.
Ang kasong kriminal na adultery sa ilalim ng Revised Penal Code ay pwede mong isampa. Pero tiyak na hahanapan kayo ng prosecutor ng matibay na ebidensiya para rito.
Maaari rin naman kayong magsampa ng kasong civil, maari kayong magsampa ng Petition for Annulment of Marriage sa Regional Trial Court kung saan kayo nakatira upang mapawalang bisa ng judge ang inyong kasal. Tanging ang judge lang ang maaaring makapagpawalang-bisa ng inyong kasal at wala nang iba.
Sa katanungan din ninyo na “ano ang dapat kong gawin, may anak kami, tatlo,” maari rin kayong magsampa ng “Petition for Support at Support Pendente Lite.” Isumite ang marriage contract at birth certificate ng inyong mga anak.
Dahil po ang inyong asawa ay nasa “abroad,” ang “summons” sa kanya ay kailangan i-publish sa diyaryo. Ito ay hindi birong gastusin. Ngunit sa kanyang pag-balik sa Pilipinas, kung papalarin na bigyan kayo ng “order” ng judge, maaari kayong makolekta ang financial support sa inyong mga anak.
Sana ay nakatulong kami sa inyong problema. – Atty.
Dear Atty.:
Magandang araw sa iyo. Taga-Cebu po ako, ako po si Anna, 25 years old. Hihingi lang sana ako ng payo tungkol sa mister ko. Fourteen years na siyang nagtatrabaho sa isang company pero ang sahod niya ay malayung-malayo sa minimum. Sabi ng husband ko, gusto na niyang mag-resign dahil pagod na raw siya sa pinapasukan niya. Magpapabayad na lang daw siya sa kompanya, pwede po ba iyon? Saan kaya kami maaaring lumapit? Aabot kaya ng taon bago siya mabayaran? Salamat po. — Anna
Dear Anna:
Kung malayo sa minimum ang sweldo ng mister mo, maaari kayong magsampa ng demanda sa National Labor Relations Commission diyan sa Cebu. Ang Labor Arbiter ang maniningil sa kumpanya ng inyong asawa. Opo, maaring umabot ng taon ang demandahan, depende ito sa gagawing litigation o paglilitis. Kasama na rin siyempre diyan ang pagbibigay ng due process sa sasampahan ng kaso at ilan pang proseso gaya ng pag-appeal sa mataas na hukuman.
Merong “libre” na payo na ibinibigay ang Public Attorney’s Office sa satellite office ng NLRC diyan sa Cebu. Magpatulong kayo sa kanila. Kumuha ka ng forms, wala itong bayad. Lagda lang ang kailangan at isang government-issued ID ng inyong asawa (SSS, Voter’s, Pag-ibig at PhilHealth), at maisasampa na ang demanda.
Kung hindi ayon sa batas ang katwiran ng kumpanya, ang kumpanya ay sisingilin ng labor arbiter ng halaga na utang po sa inyong asawa.
Tungkol naman sa sinasabi ninyong magpapabayad na lang siya sa kompanya at magre-resign na lang, pwedeng hindi na kayo magsampa ng demanda kung kusa o boluntaryo naman ang gagawing pagbabayad ng kumpanya sa inyong mister, gaya ng mga kulang nilang pasuweldo
Makipagugnayan kayo sa National Labor Relations Commission sa 2nd Floor Lim’s Brotherhood Foundation Incorporated, Osmeña Boulevard corner J. Llorente Street, Capitol Site, Cebu City, Cebu (032) 253 5529. – Atty.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.