PITONG bansa sa Europa ang nadagdag sa “red list” ng Pilipinas dahil sa pagkakaroon dito ng kumpirmadong kaso ng Omicron.
Ayon kay Secretary Karlo Nograles, tumatayong tagapagsalita ng pangulo, ang mga manlalakbay mula sa Austria, Czech Republic, Hungary, Netherlands, Switzerland, Belgium at Italy ay hindi na papayagang pumasok sa bansa.
Epektibo ang kautusang ito mula Nobyembre 28 hanggang Disyembre 15, ayon kay Nograles.
Labing-apat na ang kabuuang bilang ng mga bansang nasa “red list” ng Pilipinas.
Nitong Biyernes ng gabi, sinuspendi na ang inbound flights mula sa South Africa, kung saan unang na-detect ang Omicron, pati na rin sa Botswana, Namibia, Zimbabwe, Lesotho, Eswatini, at Mozambique.
“Inbound international travel of all persons, regardless of vaccination status, coming from or who have been to Red List countries/jurisdictions/territories within the last 14 days prior to arrival to any port of the Philippines shall not be allowed,” ayon kay Nograles.
Tanging mga Pilipino lamang na pabalik ng bansa sa pamamagitan ng repatriation na isinagawa ng pamahalaan o non-government group at Bayanihan flight ang papayagang makapasok. Pero sasailalim sila sa mga test at quarantine protocol alinsunod sa patakaran sa mga bansang nasa red list.
Mula sa ulat ni Zacarian Sarao
Kaugnay na ulat:
Listahan ng mga bansang may positibong kaso ng Omicron
Hong Kong travel ban ‘hindi pa pinal’ – NTF
Manlalakbay mula sa 7 bansa sa Africa, bawal nang pumasok sa Pinas