COC ni Raffy Tulfo sa pagkasenador pinakakansela ng nagpakilalang ‘legal wife’
USAP-USAPAN ngayon ang senatorial aspirant na si Raffy Tulfo.
Ito ay matapos magpetisyon ang umano’y legal na asawa ni Tulfo sa Comission on Elections upang kanselahin ang kanyang Certificate of Candidacy (COC) sa pagtakbo bilang senador.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez sa isang briefing noong Huwebes, Nobyembre 18, isang ginang na nagngangalang Julieta Pearson, sa pamamagitan ng kanyang mga abogado, ang nagsumite ng petisyon upang ipakansela ang COC ni Tulfo noong Oktubre 25.
View this post on Instagram
Ayon kay Pearson, mayroong “misrepresentation” sa isinumiteng COC ni Tulfo dahil hindi siya ang inilagay nito bilang asawa. Mali raw ang impormasyong inilagay ni Raffy na kasal siya kay ACT-CIS party-list Rep. Jocelyn Tulfo.
Giit niya, sila ay ikinasal noong Oktubre 25, 1982 sa Capaz, Tarlac. Ang kanilang pag-iisang dibdib raw ay hindi na-dissolve at wala ring na-file na petisyon para i-nullify ito.
“This misrepresentation in his certificate of candidacy was done by him fully aware that he is not legally married to his declared wife,” ayon sa nakasulat sa petisyon.
Nag-file rin daw ng kasong bigamy si Pearson laban kay Tulfo noon sa Office of the Prosecutor of Quezon City na under petition for review before the Department of Justice.
Dagdag pa ni Pearson, hindi rin daw inilagay ni Tulfo ang kasong bigamy sa kanyang COC lalo na’t importante ang impormasyong ito para sa mga botante para masuring mabuti kung sino ang dapat iboto sa darating na eleksyon.
Matatandaang noong 2019, inamin ng broadcaster at senatorial aspirant sa kanyang TV show na nagkaroon sila ng anak ni Pearson.
“Noong ako po ay isa pa lang struggling broadcaster o naghihikahos na mamamahayag, maraming taon nang nakararaan, I reached out to my daughter with her, at nagkita po kami ng aking anak sa kanya at ako po’y nagbigay ng tulong pinansiyal at mga regalo,” saad ng broadcaster.
Isa si Tulfo sa mga tumatakbo sa pagka-senador. Siya rin ang front-runner base sa mga naglalabasang election surveys.
Bukas naman ang BANDERA para sa pahayag ni Raffy Tulfo hinggil sa isyung ito.
Related Chika:
Raffy Tulfo sukang-suka na sa pakikipag-usap sa makukulit na employer
Raffy Tulfo nagpaalam na sa Idol in Action at Frontline Pilipinas
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.