Joshua, Charlie nag-iingat sa social media; takot nga bang magkaroon ng ‘Viral Scandal’?
AKMANG-AKMA ang “Viral Scandal” sa mga kasalukuyang nangyayari ngayon mula sa mga ordinaryong tao at mga kilalang personalidad tulad ng mga nasa showbiz industry na konting pagkakamali o nabibigyan ng ibang kahulugan ay mabilis na kumalat dahil sa makabagong teknolohiya.
Inamin ng dalawa sa bida ng series na sina Joshua Garcia at Charlie Dizon na nag-iingat talaga sila sa kanilang mga ginagawa lalo na sa mga pino-post nila sa kanilang social media accounts.
“Ako po ever since talaga hindi ako magamit ng social media, ever since rin hindi ako ma-share ng opinions sa social media pero if I know na totoo at alam na alam ko ang sitwasyon magsasalita ako,” pahayag ni Charlie.
Sabi naman ni Joshua, “Good thing about me is hindi rin ako mahilig mag social media. Iyon ang maganda rin sa akin na medyo aware at medyo wild ang social media at wild ang mga tao doon. So far mas marami namang nagba-viral na good news about so far and grateful ako na ganu’n ang lumalabas sa akin. Kung masama ang lumabas ang pangit na. Especially sa aming mga artists dagdag hatak din iyon sa mga manonood sa ‘yo, di ba?”
Samantala, hiningan namin ng reaksyon ang aktor tungkol kay Ivana Alawi dahil hanggang ngayon ay viral pa rin sa social media ang tungkol sa kanila at kapag nababanggit ang pangalan ng binata sa sikat na social media influencer ay nakikitaan ito ng kilig. Nagkaroon na ba ng pag-uusap muli ang dalawa pagkatapos ng unang mediacon ng Viral Scandal at gaano sila kadalas magka DM sa Instagram.
Napangiti muna si Joshua, “grabe, parang update ‘to ah? Ha, haha. Hindi pa kami ulit nakakapag-usap, eh. Usually kasi kapag nag-uusap kami sa DM like nabisita niya ‘yung IG story tapos nabisita ko ‘yung IG story niya biglang nakaagaw ng atensyon ko, nakaagaw ng atensyon ko, ganu’n lang. Mga small talks lang din, ganu’n lang.”
Sundot naman ng host ng mediacon na si MJ Felipe, “di ba ganu’n na ngayon makita lang ‘yung story mo, nakita lang ng mga fans na view ng celebrity ‘yung isa story, may istorya na kaagad, viral kaagad ang bilis ‘no?”
“Ang bilis ‘no? Ang galing. Wala, e, ganu’n talaga ngayon,” sambit ni Joshua.
Dagdag ni MJ, “Kailangan talaga tayong masanay at maging careful.”
Natanong din namin si Charlie ng hypothetical na kung sakaling magkaroon siya ng scandalous issue na nag viral. How would you face it, aaminin ba niya ito o itatago?
“Una sana po hindi mangyari ‘yun, pero siguro kung mapunta man ako sa ganu’n sitwasyon siguro doon ko na rin po malalaman kung ang gagawin ko kasi depende po sa bigat ng sitwasyon pero kung alam kong kaya kong sagutin agad at alam kong ang totoo, siguro magsasalita rin po ako para i-explain ang side ko,” nakangiting sagot ni Charlie Dizon na nagwagi sa MMFF 2020 bilang Best Actress para sa pelikulang “Fan Girl”.
Tulad ng eksena nila sa “Viral Scandal” na nag-iinuman at nalasing si Charlie na nakunan sa awkward na sitwasyon ay posibleng mangyari iyon sa totoong buhay.
Hirit naman ni Joshua, “yung paligid lang talaga ro’n ang mahirap.”
Pero kung may ginagawa kang kakaiba, ay tiyak na iyon ang problema pero kung simpleng umiinom lang ay okay lang naman din na opinyon naman ni MJ.
Uso na ngayon ang cancel culture at ano sa tingin ni Joshua na hindi niya puwedeng gawin para hindi siya makaranas nito.
“Siguro ‘yung gagawa ako ng hindi nila (netizens) magugustuhan for example maging racist. Wala akong maisip (na gagawin), pero siguro maka-kansela lang ako kapag may gagawin akong masama na tipong maba-bother na bakit ginawa ko ‘yun” natatawang sagot ng binata.
At si Charlie, “siguro pop ag may nasabi akong hindi maganda kasi ang bilis kong mag-isip tapos nasabi ko bigla, parang ganu’n. Siguro po ‘yun ang iiwasan ko na may ma-offend tapos nabastusan sa akin. Wala po akong maisip na scandal talaga.”
Kung sakaling mabuntis siya ng wala sa oras, “kung mangyari po sa akin ‘yun feeling ko hindi naman po scandal for me ‘yun parang meant to happen.”
Samantala, bukod sa magka-loveteam na Joshua at Charlie ay kasama rin sa “Viral Scandal” sina Dimples Romana, Jake Cuenca, Miko Raval, Jameson Blake, Markus Patterson, Ria Atayde, Maxene Magalona, Aljon Mendoza, Karina Bautista, Louise Abuel, Kaila Estrada,Vance Larena, Gian Magdangal, Arielle Roces, at Aya Fernandez.
Abangan ito sa Kapamilya Channel, TV5, A2Z, Kapamilya Online Live, iWantTFC, at TFC IPTV. Para sa updates, sundan lamang ang ABS-CBN PR sa Facebook (fb.com/abscbnpr), Twitter (@absbncpr), at Instagram (@abscbnpr).
View this post on Instagram
Related Chika:
Joshua nanginig ang buong katawan dahil kay Charlie; ABS-CBN tuloy ang mga ‘pasabog’ para sa buong mundo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.