Jake hindi hinayaang maapektuhan ang pagtatrabaho sa naging problema sa PNP
Jake Cuenca at Kylie Verzosa
HINDI hinayaan ng Kapamilya actor na si Jake Cuenca na maapektuhan ng kinasangkutan niyang kontrobersya kamakailan ang kanyang pagtatrabaho.
Aminado ang hunk actor na hindi naging madali para sa kanya ang ipagpatuloy ang kanyang mga natanguang commitment habang may pinagdaraanang pagsubok sa personal niyang buhay.
Nitong nagdaang Oktubre, na-headline sa mga news programs, entertainment sites at mga diyaryo si Jake dahil sa paghabol at pagdadala sa kanya ng mga pulis sa presinto.
Ito’y matapos ngang ipagwalang-bahala umano ng binata ang nabanggang sasakyan na pag-aari umano ng mga pulis na nagsasagawa noon ng buy-bust operation sa Mandaluyong.
Pinakawalan naman agad si Jake ngunit nagbanta ang pamunuan ng Philippine National Police na pananagutin ang binata kapag napatunayang may mga nilabag siyang batas.
Sa nakaraang virtual mediacon ng bagong drama series ng Kapamilya Channel na “Viral Scandal” nabanggit ni Jake na nasabay nga sa huling cycle ng kanilang lock-in taping para sa serye ang naging engkwentro niya sa mga pulis.
“Maraming challenges. I had to do what an actor does and to put your problems aside, you’re responsible for hundreds of people on the set.
“Umaasa sila eh, kasi di ba, if I don’t make it to work then ang daming taong hindi makakapagtrabaho at makakapagpakain sa pamilya nila.
“I just put my problems aside and focus on work and remind myself na ilang buwan ko pinaghandaan itong role na ‘to. I did not want to just throw that away,” pahayag ng boyfriend ni Kylie Verzosa.
View this post on Instagram
Samantala, sa halos dalawang dekada ni Jake sa mundo ng showbiz ay hindi na raw bago sa kanya ang mga online bashing at pambu-bully ng netizens.
Kaya naman nakaka-relate at nakikisimpatya siya sa karakter ni Charlie Dizon sa “Viral Scandal” na naging biktima ng video scandal.
“Hindi ko masasabi na fake news kasi may mga bagay na nagba-viral na nami-misinterpret ng tao like for me, yung (marriage) proposal kay Kylie.
“Parang sa likod ng camera alam namin na joke yun pero yung taong nakakanuod akala nila parang totoo pala. So nami-misinterpret.
“May lesson din akong natutunan du’n na hindi universal ang humor ng lahat ng tao. Siguro para sa akin yun yung naalala ko na most recent time,” paliwanag ni Jake na ang tinutukoy ay ang ipinost niyang video sa social media kung saan kunwari’y magpo-propose siya kay Kylie pero joke lang pala.
Ibinahagi rin ni Jake ang ilan sa mga natutunan niya sa pagganap bilang mayor sa bago niyang teleserye sa ABS-CBN.
“Siguro kung meron man akong napulot na magandang asal sa character ko as Troy, minsan may mga bagay na siguro may pinagdadaanan ka.
“Or siguro baka hindi madali yung sitwasyon para sa ‘yo, pero dapat ang nangingibabaw ang responsibilidad, ang obligasyon natin sa project, sa responsibilidad natin sa taong umaasa sa ‘yo.
“For me meron pa rin akong oportunidad to do my family proud, to do my co-workers proud and to do my loved ones proud. So at least with that yun yung nakakapagpa-motivate sa akin to do my best every time,” ang pahayag pa ng hunk actor.
Kasama rin sa “Viral Scandal” sina Joshua Garcia, Jameson Blake, Markus Paterson, Ria Atayde, Maxene Magalona, Aljon Mendoza, Karina Bautista, Louise Abuel, Kaila Estrada, Vance Larena, Gian Magdangal, Arielle Roces at Aya Fernandez.
https://bandera.inquirer.net/295319/jake-sa-mga-umarestong-pulis-hindi-ako-naglaban-hindi-ko-sila-pinahirapan
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.