Manny Pacquiao may isyu sa pera; hindi pa bayad sa mga dating kasamahan pati kay Snow Badua
ISA si Sen. Manny Pacquiao sa mga naging topic nina Nanay Cristy Fermin at ng co-host nitong si Romel Chikka sa kanilang programang “Cristy Ferminute” noong Lunes, Oktubre 18.
Inilabas ng kaibigan ni Sen. Manny na si Jayke Joson na tinaguriang “Pambansang Anino” noon dahil nga lagi itong nakasunod sa ating “Pambansang Kamao” ang mga dahilan kung bakit siya humiwalay na at hindi na nakasama sa huling laban nito kay Yordenis Ugas ng Cuba noong Agosto.
Pera ang pinag-ugatan ng “falling out” ng magkaibigang Manny at Jayke.
Bungad ng radio host at batikang manunulat, “Marami kasing nagtatanong kay Jayke kung bakit wala siya sa huling laban ni Pacman kay Ugas. Ano po ba ang pinag-ugatan ng isyu na ito kung bakit napilitang magsalita si Jayke Joson?
“Sabi nga natin sa darating na Disyembre ay magkakaroon na ng promulgation ang kasong isinampa ng Paradigm kakampi si Jayke at saka si Arnold Vegafria (business manager ni Pacman).
“Ang una pong nakarating na balita rito sa atin na nasulat pa nga sa pamamagitan ng blind item ay si Jayke at si Arnold ang idinemanda ni Senador Manny Pacquiao pero baligtad ang katotohanan at mayroon akong mga dokumento na talagang ang Paradigm ang nagdemanda kasama si Jayke at si Arnold,” paliwanag ng manunulat.
Ang Paradigm Sports ang nag-ayos ng laban ni Manny kay Conor McGregor base na rin sa gusto ng senador kaya siya pumirma ng kontrata pero hindi natuloy at si Ugas nga ang nakalaban ng Pambansang Kamao.
Sa pagpapatuloy ni ‘nay Cristy, “pumirma po ng kontrata si Sen. Manny Pacquiao ng laban sa Paradigm, nagpahingi siya kina Jayke at Arnold ng advance (down payment).
“Dapat ay $1 million dollars lang ‘yun, pinagawa niyang $2 million dollars, nakuha po ‘yun ni Sen. Manny Pacquiao. Sinabihan niya si Jayke at saka si Arnold na ‘dagdagan pa para may pantulong sa mga kababayan kapag tumakbo ako. Padagdagan n’yo pa, another $2 million.”
Pero hindi na pinagbigyan ng Paradigm si Pacman dahil hindi talaga nagpapa-advance payment ang nasabing management company.
At dahil mapilit daw si Sen. Manny kaya sina Jayke at Arnold na ang gumawa ng paraan para makabuo ng salapi na ibibigay sa ating boksingero.
“Saksi po ako dahil si Jayke ay nagka-sanla-sanla ng bahay niya at nagka-utang-utang siya para makuha pa ‘yung P60 million plus pa na hinihingi ni senador Manny Pacquiao.
“Pera ang pinag-uusapan dito, pero ang nakasakit talaga kina Jayke at Arnold ay ‘yung dinedma na lang sila. Naipit ang mga kaibigan mo na nagtitiwala sa ‘yo na hindi ka man lang nagsalita na ‘O ganito na lang ayusin nalang natin ‘yan, ibalik na lang natin ‘yung pera’ para wala ng usapan di ba?” kuwento ni Nanay Cristy.
At dito na sinabi ng manunulat na 2004 pa ay kasama na ni Pacman si Jayke pagkatapos nitong manalo kay Marquez (Juan Manuel) na apat na beses nagharap sa ring dahil laging table pero sa huli ay natalo na si Sen. Manny.
“Kasama naman po ako noon dahil ako naman ang nagre-report ng laban na binabato ko dito sa Pilipinas. Si Jayke Joson lang po ang kasama namin ni Colonel Jude Estrada mula roon sa napakasimpleng apartment na tinitirhan ni Sen. Pacquiao sa L.A. (Los Angeles). Kami-kami po ang magkakasama, wala pa pong pera noon, maliit palang ang pera noon ni Sen. Pacquiao.
“Sa haba po ng panahon 2004, 2021 na ngayon ay napakasakit naman talaga na basta na lang sila iniwan sa gitna ng laban at binabaligtad pa sila.
“At de papel ito, may dokumento, may kopya kami nito, alam namin ang pangyayaring ito.
“Bukod po kay Jayke ay nagsalita na rin po si Snow Badua, ito naman po yung MPBL (Maharlika Pilipinas Basketball League).
(Binabasa ni nay Cristy ang text messages ni Snow), “Ang hinahabol din po ni Snow ay ‘yung hindi siya binayaran ng tatlong buwan ng paggawa ng speech ni senador Manny Pacquiao sa senate at three months bilang komisyoner ng MPBL.
“Si Snow din po at mga kasama niya ang nag-abono ng mga pambayad sa mga restaurant kung saan nila kinakausap ang mga ka-deal ni Sen. Manny Pacquiao. Gusto pa niya sa mga restaurant na magaganda at malalaki at sikat.
“Nakalulungkot isipin na kung sino pa ‘yung mga taong nakatulong kay Sen. Manny Pacquiao ‘yun pa ‘yung mga hindi niya binibigyan ng pagpapahalaga at ganu’n din po ang nangyari kay Jayke Joson at Arnold Vegafria.
“Hindi pa po binabalik ni Sen. Manny ‘yung P100 million ($2Million) sa Paradigm at ‘yung P60 plus million nila ni Arnold.
“Yun po ang dahilan kung bakit si Jayke Joson ay napilitan nang magsalita dahil binabaliktad pa po sila ngayon.
“Awang-awa po ako nang pinapanood ko si Jayke Joson dahil bugso po ito ng damdamin bilang kaibigan na nagtiyagang sumama na parang nagmistulang alalay ni Sen. Manny Pacquiao noong walang-wala pa siya,” mahabang pahayag ng radio host.
At dito na kinuwestiyon ni Nanay Cristy, “akala ko ba bilyonaryo kayo? Kaya nga si Madam Jinky Pacquiao kung magsuot, e, milyon-milyon ang halaga ng kanyang mga gamit. Mga bilyonaryo kayo, bakit hindi ninyo ibalik ‘yung P100 milyon ng Paradigm? Bakit hindi ninyo bayaran si Jayake at si Arnold Vegafria ang P60 plus milyon na inipon nila para ikaw (MP) ay mapagbigyan, bakit?”
Maging ang mga cameraman na kinomisyon ni Manny para sa MPBL na hinugot daw niya sa GMA 7 para mamuno at italaga sa OB van ay kilala ni nay Cristy dahil manugang ng kaibigan niya.
“Silang lahat nagmamakaawa noon kay MP, pandemya hindi po sila sinusuwelduhan ng maraming buwan. O, akala ko ba bilyonaryo kayo? Ano na nanyari sa mga bilyones mo?
“Naku kailangan harapin mo ito Sen. Manny Pacquiao. May matinding laban kang kailangan harapin sa mga susunod na buwan,” mahabang kuwento ng CF host.
Diin pa, “Dapat asikasuhin mo ‘yan Sen. Manny Pacquiao maging responsible kayo kung nagawa mo yan sa mga kaibigan mo, paano pa kapag naluklok ka na sa pinakamtaas na posisyon sa ating pamahalaan, paano na lang ang taumbayan?”
Bukas ang BANDERA sa panig ni Senator Manny Pacquiao o ng kampo niya hinggil sa isyung ito.
Karagdagang ulat:
Sharon nagpakita ng suporta sa pagtakbo ni Sen. Kiko sa 2022: I’m here for you and I love you!
Arnold Clavio pumalag na sa kumakalat na fake news: Hindi ko na po matiis!
Follow us: @banderaphl on Twitter | Bandera on Facebook
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.