Maja ninerbiyos sa unang araw sa EB: Pero ang sarap sa pakiramdam na ka-Dabarkads na ‘ko!
Maja Salvador
IN FAIRNESS, napakainit at napakapositibo ng pagtanggap ng mga Dabarkads all over the universe sa pagdating ni Maja Salvador sa Kapuso noontime show na “Eat Bulaga.”
May mangilan-ngilan na nang-okray sa actress-dancer sa paglipat niya sa GMA 7 pero halos lahat ay natuwa at na-excite sa pagiging certified Dabarkads ng dalaga.
Sa kanyang latest YouTube vlog, ikinuwento ni Maja ang naging kaganapan at naramdaman niya sa unang araw ng paglabas niya sa “Eat Bulaga.”
Aniya, saktung-sakto ang first day niya bilang pinakabagong “EB” Dabarkads dahil birthday din ito ng kanyang nanay na si Thelma Linklater.
“Mas grabe lang yung kaba ko kasi birthday nga nu’ng nanay ko, October 2 yung birthday niya.
“So, parang yung dati sabay kaming nanonood ng Eat Bulaga, ngayon mapapanood na niya ako sa Eat Bulaga kahit nasa Canada na siya.
“Ngayon nga nag-message na siya na napanood na daw niya agad sa YouTube at thank you daw binati ko siya,” ang masayang-masayang pagbabahagi ng aktres.
Aniya pa, “Ang sarap lang po sa pakiramdam na nasa bago akong journey na naman, na alam kong magiging masaya.
“Kasi ang goal ko rin sa life ay to entertain at magpasaya at ang tagal na rin naman ginagawa ng Eat Bulaga. Kaya ang sarap sa pakiramdam na kasama na ako, ka-dabarkads na ako,” pahayag ng dalaga.
Talaga raw naiyak sa sobrang tuwa ang kanyang Mommy Thelma nang ibalita niyang finally ay matutupad na ang isa sa matagal na niyang pangarap, ito nga ang maging bahagi ng longest-running noontime show sa bansa.
“Noong unang nalaman niya, naiyak pa nga siya, ‘Ay, pangarap ko ‘yan!'” chika ni Maja tungkol sa ina na dati ring dancer.
“Dream ng grupo nila. Kung hindi ako nagkakamali, ay yun nga, sana makasayaw sa Eat Bulaga, pero hindi nangyari. So, ayun, ngayon anak niya ang sumasayaw dito sa Eat Bulaga.
“Ang Eat Bulaga kasi sila naman talaga yung kilala sa sayawan, ang daming pinapauso. Parang kung sino yung mga dancers noong time na ‘yon, nauuso talaga.
“Yung mga signature moves na pinapauso, trending, di ba? Parang iba’t ibang galawan. Doon ako nag-start talaga na mahilig sa sayaw,” sey pa ng bagong Dabarkads.
Isa pa sa mga dahilan kung bakit napapayag agad si Maja sa offer ng “Bulaga” ay dahil sa segment na “DC2021.”
“Dahil din sa sitwasyon ngayon, merong pandemya, di ba? So, si ‘DC2021’ ay dadagdag sa pagbibigay saya sa inyong mga bahay-bahay.
“Siyempre, fun na yun, sabi ng iba, kapag gumawa kayo ng video kasama ng ka-duo mo, depende kung sino ang ka-partner mo.
“Ang pagsasayaw, para sa akin, may naibibigay na ibang joy sa akin. So, for sure, yung mga sasali rin dito, may ibang joy din ‘yan na maibibigay sa inyo,” diin pa ni Maja.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.