Jake lalaban para kay VP Leni; Jinggoy game pa rin sa showbiz at public service
Jinggoy Estrada, Ariella Arida at Jake Ejercito
MUKHANG mabibigo nga ang mga supporters ng Kapamilya actor na si Jake Ejercito na umaasang papasukin na rin nito ang mundo ng politika sa gaganaping 2022 elections.
May mga fans kasi ang binatang ama na nagsasabing susuportahan nila ang anak ng dating Presidente na si Joseph Estrada sakaling tumakbo ito next year sa anumang posisyon.
Ngunit pinanindigan ng aktor ang naging pahayag niya ilang buwan na ang nakararaan na wala pa siyang planong pasukin ang public service at mas gusto niyang mag-focus muna sa kanyang showbiz career.
“Back then, I really wanted to follow in my dad’s footsteps when it came to being a public servant. Today, I’m a firm believer that you don’t have to hold public office to be able to help and serve people.
“But I’m not saying that I won’t ever enter politics, but as of now, if you ask me I’ll tell you I don’t have any plans,” ang naging pahayag ni Jake sa isang panayam.
Samantala, isa si Jake sa mga celebrities na nagpahayag ng suporta sa pagtakbong pangulo ni Vice-President Leni Robredo sa 2022.
Nag-post din kasi ang aktor sa kanyang social media account ng litrato suot ang kanyang pink coat na may caption na, “Ngiting lalaban tayo.”
Bumuhos ang suporta para kay VP Leni mula sa mga taga-showbiz sa pamamagitan ng pagpo-post ng kanilang pink photos sa socmed matapos niyang ihayag ang desisyong pagtakbo sa 2022 bilang pangulo ng Pilipinas.
* * *
Kung hindi pa handa sa mundo ng politika si Jake, tuloy naman ang muling pagtakbo sa pagkasenador ng kapatid niyang actor-politician na si Jinggoy Estrada.
Sinabi ni Jinggoy noon sa isang interview na hinding-hindi rin niya maaaring talikuran ang showbiz dahil nasa dugo na rin nila ito pero kung magkakaroon uli siya ng pagkakataong makapaglingkod sa mga Filipino, ay buong-puso niya itong tatanggapin.
Last year, nakasama ang movie niyang “Coming Home” sa Metro Manila Film Festival kung saan nakasama niya sina Sylvia Sanchez, Ariella Arida, Edgar Allan Guzman, Martin del Rosario, Julian Estrada, Jake Ejercito at Vin Abrenica.
Umani naman ito ng papuri mula sa mga manonood kaya naman mas na-inspire pa si Jinggoy na makagawa ng mga makabuluhang pelikula. Pero sa ngayon, nais niyang makapaglingkod uli.
Kahit nga hindi na mabilang ang mga papuri at karangalang natanggap bilang isang lingkod bayan at maging bilang isang mahusay na actor, hindi pa rin siya handang magretiro sa public service.
Nitong nagdaang Sept. 29, naghain siya ng kanyang kandidatura para sa Senado, “Mga kababayan, mga kasama, mga ka-masa, ako po si Jinggoy, buong puso kong inihahayag ang aking intensyong makibahagi sa malinis na halalan upang maging senador muli.”
Sa muli niyang pagtakbo sa handa raw siyang “makatulong muli sa pagtugon sa mga pangunahing sakit at hamon na kinakaharap ng bansa sa ilalim ng bagong normal.” Para maisakatuparan ang kanyang hangarin, gagawa siya ng mga bagong panukalang batas na nakatuon sa seguridad ng pagkain, pagbuo ng trabaho, pagpapatibay ng sistemang pangkalusugan.
Nais din niyang mas palakasin pa ang mga kabataan, makabagong sektor ng agrikultura, at matatag na digital economy, proteksyon sa kapaligiran, at mataas na antas at kalidad ng edukasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.